Kabanata 3

1.7K 89 20
                                    



Kabanata 3



"Luna, nakakain ka na ba? Abala ka kanina sa pag-asikaso sa mga bisita nina Lorenzo at Liliana." Nginitian ko si Tatay bago umiling. "Aba'y kumain ka na."

"'Tay, busog pa ako. Nabusog ako sa kakatikim ng mga pagkain kanina."

"Kung ganoon, magpahinga ka na. Mayamaya, uuwi na tayo sa bahay natin."

Binaba ko ang binabasa kong libro. "Bukas na lang tayo umuwi, 'Tay." Tiyak akong pagod si Tatay sa salu-salong nangyari kanina kina Liliana kaya mainam na bukas kami umuwi.

"Alam mo namang ayokong tumatagal ka dito sa bayan, Luna, at sigurado akong mahihirapan ka ring makatulog dito."

"'Tay, ayos lang naman na dumito muna tayo. May usapan din kami ni Andres na maglilibot dito sa bayan pansamantala." Kita ko sa mukha ni Tatay ang hindi pagpayag. "Pagbigyan mo na ako, 'Tay. Bihira lang din naman akong magawi dito."

Bumuntong hininga si Tatay bago tumango. Kasagutan sa kagustuhan kong dumito muna. "Magpapahinga na ako. Huwag kang lalabas kung hindi mo kasama si Andres."

Napangiti ako. "Opo, 'Tay."

"Mabuti na lang at dumating muli sa buhay mo si Andres. Siya ang binatang nais ko para sa iyo anak."

"'Tay, hanggang pagkakaibigan lang kami at hindi na lalagpas pa doon."

"Pagbigyan mong makapasok sa puso mo ang kababata mo sa oras na ligawan ka niya. Mabuting bata naman si Andres."

"'Tay, naman." Nginitian lang ako nito. Matagal nang gusto ni Tatay na maging magkasintahan kami ni Andres kahit na alam nitong hanggang pagkakaibigan lang mayroon kami ng kababata ko. Eksaktong pagpasok ni Tatay sa kwarto ang pagdating naman ni Andres. Kaaagad akong tumayo at lumapit sa kanya. "Ang aga mo naman sa pinag-usapan natin."

"Mas maganda nang maaga. Baka matagal pa bago tayo muling magkita."

Tumango ako bilang pagsang-ayon at sabay kaming lumabas ng bahay. "Saan ka tumira bago mo naging kapitbahay sila Kuya Manolo?"

"Sa Calamba, Laguna. Nitong nakaraang buwan lang ako lumipat sa Batangas upang maiwasan ang mga Hapones. Doon kasi sa Calamba ay dama mo ang takot ng mga tao sa paligid ko kaya lumipat ako."

"Maski rin naman dito ay ganoon din ngunit may pagkapayapa rito."

"Kahit may pagkapayapa rito, alam ko na may takot sa puso ng mga mamamayan dahil sa mga masasamang sundalong Hapones."

"Hindi naman siguro lahat ng sundalong Hapones ay masama." Bigla kong naalala si Haruki. Isa siyang mabuting tao kaya natitiyak akong may iba pang katulad niya.

"Lahat sila ay masama, Luna. 'Wag mong kalimutan ang nangyari sa iyong ina at ate."

Hindi na lamang ako umimik. Hindi ko makakalimutan ang nangyari kina Ate Carolina at Nanay. Nagkataon lang na nakakilala ako ng mabuting Hapones kaya ko nasabi iyon. Napatingin ako kay Andres nang hawakan niya ang aking kamay. Hinayaan ko na lang siya. Ganito siya palagi sa akin sa tuwing naglalakad kami. Hinahawakan ang kamay ko at nakasanayan ko na. Para sa akin ay ganito niya pinaparating ang pagkakaibigan namin.

"Naaalala mo pa ba, Luna, noong maliliit pa tayo na ang hilig natin umakyat sa puno upang doon maglaro?"

Napangiti ako nang maalala ko ang tungkol doon. "Oo at muntik ka nang mahulog sa puno kaya ikaw ay pinalo ng iyong papa."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon