Kabanata 10
May mga bagay na hindi natin alam kung bakit iyon nangyari. Na kahit anong pilit nating baguhin ang isang pangyayari, alam nating hindi mapipigilan ang itinakda ng Panginoon. Hindi natin kontrolado ang mangyayari sa hinaharap dahil Siya lang ang nakakaalam noon. Malungkot kong pinapanood ang paglilibing sa labi ni Liliana.
Umalis sila ni Kuya Lorenzo sa bahay ni Tatay ngunit bumalik din dahil mas ligtas na doon manganak si Liliana. Nakakapagsalita na ulit siya nang bumalik sila ngunit hindi na siya ang nakilala kong magiliw at masiyahing tao. Hayag-hayagan niyang sinasabi na hindi niya matatanggap ang batang kanyang pinagbubuntis. Na sa oras na manganak siya, kikitilin niya ang buhay ng sanggol. Ngunit ang nais ay hindi natupad. Noong araw na plinano ni Liliana na kitilin ang buhay ng sanggol, iyon din ang araw na nagwakas ang kanyang buhay. Sa kamay ng sundalong Hapones na unang nanggahasa sa kanya. Ligtas ang anak niya dahil prinotektahan niya ito.
Napatingin ako sa munting sanggol na karga ko ngayon. Malakas ang kanyang pag-iyak na tila ba'y alam niya na wala na ang kanyang ina. Ilang beses ko na siyang pinatahan ngunit panay ang kanyang pag-iyak. Naiyak na rin ako. Hindi nararapat kay Liliana ang nangyari sa kanya. Isa siyang mabuting tao ngunit naranasan niya ang lupit ng mga sundalong Hapones.
Nagsisialisan na ang mga taong dumalo sa libing ni Liliana. Lumapit ako sa mga magulang ni Liliana. "Tito, Tita." Sabay silang tumingin sa akin. Pinakita ko sa kanila ang anak ni Liliana. "Ang sanggol na ito ay anak po ni Liliana. Siya po si Isabella—"
"Ilayo mo sa amin ang batang iyan. Hindi namin matatanggap ang naging bunga sa pagsasamantala sa unica hija namin," naiiyak na sabi ng ina ni Liliana.
"Pero—"
"Parang awa mo na. Ilayo mo siya sa amin."
Niyakap ko ang sanggol dahil lumakas ang pag-iyak niya at naglakad na papalayo sa mga magulang ni Liliana. Naaawa ako sa munting anghel na ito. Wala siyang kasalanan sa mga nangyari. "Sssh... Tahan na, Isabella." Inugoy-ugoy siya hanggang sa makatulog na siya. Nilapitan ko si Kuya Lorenzo. Tahimik na umiiyak ang aking kuya. Kitang-kita ang sakit sa kanyang mukha. "Kuya."
"Ilayo mo sa akin ang batang 'yan."
"Pero, Kuya, hindi ba't pinangako mo na aalagaan mo na parang tunay mong anak si Isabella?"
"Hindi ko kayang alagaan ang batang dahilan kung bakit nawala sa akin ang babaeng mahal ko. Ang dahilan kung bakit mas nasira ang buhay ni Liliana," puno ng pait ang boses ni Kuya Lorenzo. "Hindi ko matatanggap ang batang may dugong Hapones na iyan."
"Kuya, hindi niya kasalanan ang nangyari!" Umiwas ng tingin sa akin si Kuya Lorenzo. "Kuya naman!"
"Sinabi kong hindi ko aalagaan ang batang 'yan! Kung gusto mo, iwanan mo na lang siya d'yan at hayaan na mamatay na lang!"
Nanlaki ang aking mga mata sa narinig ko mula sa bibig ni Kuya. "Ang sama mo, Kuya! Walang ginawang masama sa iyo ang bata para sabihin iyan. Hindi ko inaakalang ganyan ka na kasama."
"Hindi ako magkakaganito kung hindi dahil sa mga sundalong Hapones. Isa ka pa! Mas pinili mong magpakasal sa heneral nila kahit pa alam mong kaaway sila ng bansa natin. Mas pinili mo pang magpasarap sa piling niya!"
Malakas kong sinampal si Kuya Lorenzo. Labis-labis na ang kanyang sinabi. Nasasaktan ako sa mga sinasabi niya sa akin. "Pinili kong magpakasal kay Haruki dahil sa inyo. Itinapon ko ang kalayaan ko kapalit ng kalayaan ninyo. Hindi makakaalis sa lugar na iyon si Liliana kung hindi dahil sa akin!" Marahas kong pinunasan ang luha sa pisngi ko. "Tapos sasabihin mo sa akin iyon?"
BINABASA MO ANG
Unmei no Akai Ito
Historical FictionNaging simple at tahimik ang buhay ni Luna nang lumipat sila ng tatay at mga kuya niya sa isang malayong bayan. Bawal nga lang siya lumabas ng bahay dahil baka raw matipuhan siya ng isang sundalong Hapones. Ngunit naging matigas ang ulo niya. Sa tuw...