Kabanata 1

2.9K 136 11
                                    



Kabanata 1



Huminga ako ng malalim sabay ng paghaplos ng hangin sa aking mukha. Gumuhit ang ngiti sa aking labi. Napakasarap damhin ang simoy ng hangin na para bang walang problema sa paligid. Na walang mga Hapones na unti-unting sumasakop sa bansang sinilangan. Pinagmasdan ko ang ilog. Pumuslit ako sa bahay para lamang makapunta dito kahit na alam kong delikado sa isang tulad kong dalaga na gumala-gala ngayon sa daan. Mainit sa mata ng mga Hapon ang isang tulad ko.

Bumuntong hininga ako. Ano bang nangyayari sa Pilipinas? Kung noon, mga Amerikano ang may hawak sa bansang ito, ngayon Hapones naman. Masakit at puno ng pighati ang paligid. Sobrang kalunos-lunos.

"Kailan kaya tayo magiging malaya, Esang?" tanong ko sa aking aso. Si Esang ang palagi kong kasa-kasama simula nang tumira kami sa bayan na ito. Hinaplos ko ang kulay puting balahibo nito. Huminga ako ng malalim bago tumayo. Kailangan ko na umuwi. Tiyak ako na pauwi na si Tatay at magagalit ito kapag nalaman nito na wala ako sa bahay.

Marangya ang buhay namin noon ngunit lumubog ang negosyo ng pamilya namin dahil sa mga Hapon. Ngayon, labis ang pagtatrabaho ng aking tatay at dalawang kuya para lamang maibalik ang aming negosyo. Nais kong magtrabaho ngunit ayaw nila. Mas mainam daw na nasa bahay lamang ako. Para na rin sa aking kaligtasan. Si Kuya Manolo ay nasa Batangas nakatira at may asawa na. Umuuwi ito dito tuwing kalagitnaan o katapusan ng buwan. Si Kuya Lorenzo ay sa bayan nagtatrabaho at tuwing sabado umuuwi. Si Tatay naman ay sa bayan din naghahanapbuhay at umuuwi sa aming bahay bago mag-alas cuatro ng hapon.

Hinila ko ang tali ni Esang bago maglakad. Pumasok na kami sa kagubatan. Dahan-dahan lamang ang aking paglalakad. Baka ikapahamak ko sa oras na may makakita sa amin na Hapones dahil sa ingay mula sa mga tuyong dahon. Muntik na akong mapasigaw sa gulat dahil sa isang matinis na tili ng isang babae. Sinundan ko ang mga sigaw ng panghihingi ng tulong.

Nanlaki ang aking mga mata nang matunton ko na ang pinanggagalingan ng sigaw na iyon. Isang binibining na malapit nang halayin ng dalawang sundalong Hapones. Nagmamakaawa ito na huwag gawin ang nais ng dalawang banyaga ngunit tila bingi ang mga ito. Nais kong tulungan ang binibini ngunit hindi ko magawa dahil alam kong pati rin ako ay mapagdidiskitahan nilang halayin. Para sa mga banyagang ito isang laruan lang kaming mga babae na matapos pagsawaan, papatayin na lamang.

Naiiyak ako sa aking nakikita. Hindi ito dapat na maranasan ng kababayan ko. Naglakad ako papatalikod upang tumakas ngunit nawalan ako ng balanse na dahilan ng pagsigaw ko. May humawak sa aking baywang kaya hindi ako tuluyang nahulog sa lupa sabay ng pagtakip sa aking bibig.

Lalo akong napaiyak nang mabisto ko ang mukha nang nakasalo sa akin. Isang sundalong Hapones ang may hawak sa akin ngayon. Pinipilit kong kumawala sa lalaking ito ngunit mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Katapusan ko na kapag hindi ako nakatakas sa Hapones na ito.

"Huwag kang malikot kung ayaw mong may masamang mangyari sa iyo." bulong niya sa akin at isinandal niya ako sa puno.

Nanlaki ang aking mga mata. Nagsasalita siya ng tagalog na para bang tumira ito ng matagal dito sa Pilipinas.

"Dare ga imasu ka? (Who's there?)"

Sinalubong niya ang aking tingin. Nagbibigay senyales na huwag akong maingay. Mukhang pinigilan sumigaw ang binibini dahil sa ingay na narinig ng dalawang Hapon.

"Hanasu! (Speak!)"

Narinig ko ang yabag ng mga paa. Ibig sabihin papalapit sila sa amin. Mas lalo akong kinabahan. Katapusan ko na talaga ito.

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon