Kabanata 15

1.2K 75 23
                                    



Kabanata 15




Sa bawat sundalong Hapones na nakakasalubong ko, labag sa loob ang pagyuko ko sa kanila. Hindi ko gustong gawin ito dahil sa daming kasalanan na nagawa nila sa akin. Lahat ng meron ako ay kinuha at sinira nila. Napipilitan akong ngumiti sa kanila sa tuwing nginingitian nila ako. Napipilitan akong sumaludo sa tuwing sinasaluduhan nila ako. Sila man din ay tiyak akong napipilitan lang gawin ito lalo na't hindi lingid sa kaalaman nila na isa akong gerilya. Natitiyak kong nais nila akong paslangin kung hindi lang ako malapit sa kanilang heneral.

Naglalakad ako ngayon papunta sa opisina ni Heneral Haruki Kagurazaki. Ang esposo ng matalik kong kaibigan na si Luna. Hindi ko nais na pumunta rito. Napilitan lamang ako dahil may pumuntang isang sundalong Hapones sa aking tahanan para sunduin ako. Isa lamang ang dahilan kung bakit kami nag-uusap ng Hapones na ito at si Luna iyon.

Isang araw, nagulat na lang ako na personal na pumunta si Haruki Kagurazaki sa tinitirhan ko upang kausapin ako tungkol kay Luna. Nakiusap siya na huwag akong aalis sa tabi ng kababata ko. Na ipakita naming dalawa na naging magkaibigan kami kahit ang totoo ay hindi naman noong una. Nais niyang sa oras na may hindi inaasahang mangyari, nand'yan ako para kay Luna.

Akala ko noong una'y hindi iniibig ni Luna si Haruki Kagurazaki ngunit nakita ko kung gaano nito kamahal ang Hapones na ito. Nakita ko kung gaano nila kamahal ang isa't isa na kahit anong gawin ko'y hindi ko na mababago pa iyon. Hanggang pagkakaibigan lang ang mayroon sa amin ni Luna. Napailing na lamang ako.

Sa tuwing nakikita ko si Luna na malungkot at nasasaktan dahil kay Haruki, nais kong barilin ng ilang beses ang Hapones na ito. Paulit-ulit na sasabihing wala kang karapatan na saktan ang kaibigan ko. Pero sa tuwing sumasagi sa aking isipan kung bakit iyon ginagawa ni Haruki, pinipigilan ko na lamang ang aking sarili na sabihin iyon kay Luna. Wala ako sa posisyon na sabihin iyon sa kaibigan ko. Ayoko rin na masaktan ko ang damdamin ni Luna sa oras na sabihin ko iyon.

Isang beses lamang akong kumatok sa pintuan bago pumasok. Nakita ko kaagad si Haruki Kagurazaki na nakatayo at nakatingin sa labas ng bintana. Malalim ang iniisip dahil hindi niya napansin ang aking pagpasok.

Tumikhim ako pero hindi siya lumingon sa akin. "Bakit mo ako pinapunta rito?"

"Malapit na sila. Sa susunod na araw, tiyak na nandito na sila."

Kumunot-noo ako. "Sinong sila?"

"Ang mga sundalo ng mga Amerikano at Pilipino." Huminga ng malalim si Haruki. "Kailangang nasa ligtas na lugar sina Luna at Hikaru sa oras na dumating sila."

Ibig sabihin ay malapit nang lusubin ang bayan na ito. "Anong gagawin mo?"

"Hindi dapat madamay ang bayan na ito sa gulo. Hindi gugustuhin ni Luna na makaranas na naman ng dahas ang bayan." Humarap sa akin si Haruki Kagurazaki. "Kailangan na ihanda ang bayan na ito sa susunod na mangyayari."

"Saan natin dadalhin ang mag-ina mo? Tiyak na magiging mainit sila—"

"Hindi papabayaan ng bayan na ito ang mag-ina ko. Hindi nila hahayaang may mangyaring masama sa taong gumawa ng paraan para maging maayos ang pamumuhay nila." Naglakad papalapit sa akin si Haruki. Nang nasa harap ko na siya ay hinawakan niya ang balikat ko. "Sa oras na dumating na sila, huwag kang aalis sa tabi ni Luna at Hikaru."

"Tiyak akong hahanapin ka ni Luna sa oras na mangyari ang sinasabi mo. Hindi iyon mapapalagay."

Muling huminga ng malalim si Haruki Kagurazaki. Bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala para sa kanyang mag-ina. "H-Huwag mong hahayaan na mapalayo sa iyo si Luna."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon