Kabanata 11

1.4K 91 18
                                    




Kabanata 11




"Haruki! Haruki, pumunta ka rito!" pasigaw kong tawag sa kanya. Kanina ko pa siya tinatawag dahil akala ko kasama ko siya. Iyon pala'y wala na siya sa likuran ko. Nitong mga nakaraang araw, mabilis akong mayamot sa kanya sa tuwing wala siya sa paningin ko. Hindi ko alam kung bakit. Tumingin ako sa tuktok ng puno. "Haruki!"

Naririnig ko mula sa tunog mga tuyong dahon ang mga yapak ni Haruki.

"Ang tagal naman eh!"

"Ano bang kailangan mo? Akala ko'y napaano ka, iyon pala'y hindi naman."

Napanguso ako. "Bigla ka kasing nawala sa tabi ko. May ikukwento pa naman ako sa iyo tapos wala ka naman pala."

"May tiningnan lang kasi ako doon."

Tumango na lang ako at hindi ako nag-abalang tingnan ang tinuturo niya. "Haruki, gusto kong kumain ng mangga."

"Gusto mo bang magpitas ako sa puno ng manggang ito?"

Tumango kaagad ako. "Pero gusto ko ang manggang iyon." Tinuro ko ang mangga sa pinakatuktok ng puno. "Kanina pa ako natatakam kainin 'yan."

"Luna, delikadong kunin iyan lalo na't wala tayong magagamit na panungkit."

"Pero iyan ang gusto kong kainin."

"Luna, naman."

"Hindi kita kakausapin at sa silid ni Isabella ako matutulog mamayang gabi kapag hindi mo kinuha 'yan." Napakamot sa ulo si Haruki bago umakyat ng puno. Gumuhit ang ngiti sa labi ko dahil pinagbigyan niya ang gusto ko. Umupo ako sa nakausling ugat ng puno habang pinapanood si Haruki sa pag-akyat ng puno. Hindi ko tuloy mapigilang maglaway sa manggang kukunin niya. Nang makita ko iyon kanina habang naglalakad, gustong-gusto ko talaga pitasin iyon ngunit hindi ako ganoon kagalingang umakyat ng puno. Baka mapahamak lang ako.

Nakakatuwang mabilis na napitas ni Haruki ang manggang gusto kong kainin. Bumaba kaagad siya ng puno at binigay niya ito sa akin. "Heto na ang manggang gusto mo kainin."

Inangat ko ang aking kamay. "Buhatin mo ako."

Kumunot ang noo ni Haruki. "Ano?"

"Buhatin mo ako. Pagod na ako sa paglalakad at gusto ko na umuwi para makain ko na ito."

Iiling-iling na binuhat ako ni Haruki. Habang kami'y pauwi na sa bahay, hindi ko maiwasang pagmasdan at haplusin ang kanyang mukha. Ang gwapo niya sa paningin ko. Mabuti na lang at wala pa akong nakikitang babae na may gusto sa kanya. O baka sa Japan ay maraming babaeng nagkakagusto sa kanya.

Napasimangot ako sa ideyang maraming binibining nagkakandarapa sa kanya. "Haruki!"

"Hmn?"

"May naiwan ka bang nobya doon sa bansa mo?"

"Wala. Kung saka-sakali man, baka ikaw ang una kong naging nobya."

Gumuhit sandali ang ngiti sa aking labi. "Marami bang nagkakagusto sa iyong mga binibini?"

Kumunot noo si Haruki. "Sa pagkakaalam ko ay wala."

"Imposible. Sa sobra mong kakisigan, tiyak akong maraming binibining may pagtingin sa iyo."

"Wala naman. Kung mayroon man, hindi ko sila napapansin."

Tinaasan ko siya ng kilay. "Hindi raw napapansin."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon