Kabanata 2

2K 97 17
                                    



Kabanata 2

Napalingon ako sa gawi ng aking silid nang marinig ko ang pagbukas ng pintuan. Napangiti ako nang makita ko si Haruki. Pinahiram ko sa kanya ang damit ni Kuya Lorenzo at mabuti na lang kasya sa kanya. Nagmadali akong lumapit sa kanya at yumuko. "Magandang umaga!"

Matipid siyang ngumiti sa akin at hindi ko alam kung bakit din siya yumuko. "M-Magandang umaga rin sa iyo, Runa."

Napasimangot ako. "Luna."

"L-Luna."

Muling gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. "Tiyak akong nagugutom ka na. Eksaktong kakaluto ko lang ng agahan." Inalalayan ko si Haruki papunta sa mesa. "Kumain ka na." Umupo ako sa katapat niyang upuan. "Ipagpaumanhin mo kung ganito lang ang aking naluto." Lugaw lamang ang aking niluto dahil hindi ko alam kung pwede na kumain ng pangkaraniwang pagkaing almusal si Haruki.

"Wala kang dapat na ipagpaumanhin, Ru-Luna. Ako nga itong nakikikain sa inyo." Pinagdikit ni Haruki ang kanyang mga kamay. Napatingin siya sa akin. "Hindi ba't nagdadasal kayo bago kumain?"

Tumango ako at umusal ako ng dasal. Pagkatapos naming magdasal ay napatingin ako kay Haruki nang may sinabi siyang hindi ko maintindihan.

"Itadakimasu!" Iyon ang sinabi niya bago nag-umpisang kumain.

Kumunot ang noo ko. "Ano ang ibig sabihin ng sinabi mo? 'Yung itada—basta 'yon."

"Aaah iyon ba? Ang itadakimasu ay sinasabi namin bago kumain. Pasasalamat sa taong naghanda at nagluto ng pagkaing kakainin namin."

Tumango ako at nag-umpisa nang kumain. Pinagmasdan ko si Haruki. Halatang hirap siya kumain kaya kinuha ko ang kanyang plato. "Susubuan kita para hindi ka mahirapan kumain."

"Ngunit—"

Hindi ko na pinatapos ang sasabihin ni Haruki at sinubuan ko na siya ng pagkain. Naging tahimik lang siya habang pinapakain ko siya. Sumusubo rin ako ng aking pagkain. Nakakatuwang nakikita ko na nagustuhan ni Haruki ang hinanda kong simpleng almusal.

"Saan mo nakuha iyang tama ng baril?"

"Sa kabilang bayan. May nakasagupa kaming mga guerilla."

Hindi na ako nagsalita pa tungkol sa sagot niya sa aking katanungan. Pinagpatuloy ko lang ang pagsubo ng pagkain sa kanya.

"Bakit ka palaging pumupunta sa tabi ilog na iyon?"

"Paano mo nalaman na pumupunta ako palagi sa tabi ilog?"

Umiwas siya ng tingin sa akin. "Palagi kasi kitang nakikita doon. Naging pahingaan ko ang lugar na iyon at tuwing hapon ay nakikita kita doon."

"B-Bakit hindi kita nakikita?"

"Kumukubli ako sa mga nagtataasang damuhan. Ayokong matakot ka sa akin sa oras na makita mo ako. Bakit ka pumupunta palagi sa tabi ng ilog?"

Huminga ako ng malalim at pinatong sa mesa ang hawak kong pinggan. "Parang ang payapa ng mundo sa tuwing nakikita ko ang ilog. Kahit sandali lamang ay gumagaan ang aking loob." Dumaan ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Tumikhim ako at niligpit ko na ang pinagkainan namin. Inumpisahan ko na ring hugasan ang mga ito. Mayamaya ay naramdaman ko sa likuran ko ang presensya ni Haruki. "Maupo ka. Baka mapaano ka."

"Palagi ka bang walang kasama rito?"

"Tuwing umaga lamang dahil tuwing alas cuatro ay umuuwi na si Tatay. Ngayon lang siya hindi umuwi dahil may tatapusin siyang trabaho sa bayan. Ang aking mga kuya ay bihira lamang umuwi dito."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon