Kabanata 8
"Luna, huwag mo akong tingnan ng ganyan."
Kumunot ang noo ko. Anong masama na panoorin kung paano niya gawin ang isang pakain ng mga Hapones? Hindi ko sinunod si Haruki habang nirorolyo ang kaning may carrots, pipino, manga at salmon. May dahon na tila tinuyo o prinito sa ilalim ng kanin. Pangalawa na ito sa ginagawa niya. "Ano ang berdeng dahon na iyan?"
"Nori."
Tumango-tango ako habang pinagpatuloy ang panonood sa kanya. Pagkatapos irolyo ni Haruki ang ginagawa niyang pagkain, hiniwa niya ito sa anim. Hiniwa rin niya ang una niyang ginawa. "Ano namang tawag sa pagkaing na ginawa mo?"
"Sushi." Ginamit niya ang tinatawag niyang hashi (chopsticks) sa pagkuha ng sushi. "Tikman mo."
Kaagad kong sinubo ang sushi. Sunod-sunod akong tumango dahil nagustuhan ko ang lasa nito. "Ano sa salita ninyo ang masarap?"
"Oishi."
"Oishi!" Panggagaya ko sa sinabi ni Haruki. "Masarap ang pagkain na ito."
"Kung ganoon, tiyak na magugustuhan mo ang luto ni Akari-san." Muli niya akong sinubuan ng sushi.
Ilang araw na ang nakalipas noong sinabi ni Haruki na pupunta rito ang kanyang madrasta pero hindi iyon natuloy at hindi ko alam kung kailan talaga ito pupunta rito. Ilang araw na rin ang nakalipas nang pag-usapan namin ni Haruki ang tungkol sa relasyon naming dalawa. Parang biglang nawala na parang bula ang hinanakit at galit dito sa puso. Biglang nagbago ang lahat. Tila ba'y bumalik kami sa dati na maayos ang lahat sa pagitan naming dalawa.
Sumubo ng sushi si Haruki bago ako muling subuan. "Kumusta ang araw mo ngayon?"
"Nababagot dahil wala akong kasama rito. Dinaan ko na lang sa pagluluto ng biko ang pagkabagot ko. Gusto mo tikman ang ginawa kong biko?"
Ngumiti siya sa akin bago tumango. Kaagad kong kinuha ang bilao ng pinaglagyan ko ng biko. Nilagyan ko ng isang hiwa ang platito bago binigay kay Haruki. Sumubo kaagad siya ng biko. "Masarap siya. Matagal na akong hindi nakakain ng mga niluluto mong ganito."
"Hayaan mo sa susunod naman ay gagawa ako ng suman upang baunin mo." Kumuha na rin ako ng biko para sa akin. "Ikaw—ayos ka lang ba, Haruki?" Tila ba'y tulala sa kawalan si Haruki. "Anong nangyayari sa iyo?"
Ilang beses siyang kumurap bago unti-unting gumuhit ang ngiti sa kanyang labi. "Hindi lamang ako makapaniwala."
"Hindi makapaniwala saan?"
"Hindi ako makapaniwala na unti-unting nang naaayos ang pagsasama nating dalawa."
Nginitian ko siya at sinubuan ko na lang siya ng biko. Nakakatuwa nga'ng nagiging maayos ang pagsasama namin.
Hinawakan ni Haruki ang kamay ko. "Arigato gozaimashita, Luna-chan." Kumunot noo ako. Hindi ko alam kung bakit nagpapasamat si Haruki sa akin. Nginitian niya lang ako at hinila upang yakapin ako. "Mahal kita, Luna. Sana bumalik na kahit kaunti lang ang pagmamahal mo sa akin."
"Haruki..."
"Ikaw lang ang tanging hinihiling ko na nasa tabi ko hanggang pagtanda."
Marahan kong tinapik ang likod niya. May parte dito sa puso ko na sana ay magdilang-anghel si Haruki.
----
BINABASA MO ANG
Unmei no Akai Ito
Historische RomaneNaging simple at tahimik ang buhay ni Luna nang lumipat sila ng tatay at mga kuya niya sa isang malayong bayan. Bawal nga lang siya lumabas ng bahay dahil baka raw matipuhan siya ng isang sundalong Hapones. Ngunit naging matigas ang ulo niya. Sa tuw...