Kabanata 7

1.5K 78 3
                                    



Kabanata 7



"Magkano po dito?" tanong ko sa tindera ng gulay at agad naman nito sinabi ang presyo. Binayaran ko ang gulay na nais kong bilhin. Huminga ako ng malalim at napangiti. Ngayon lang ako muling nagkaroon ng pagkakataong pumunta dito sa pamilihan. Kaunti man ang mga tinda dahil sa giyera, ayos lang sa akin. Pakiramdam ko'y nagbalik ako sa panahong kasama ko sa pamimili ang aking nanay at ate.

Mayamaya na ako uuwi. Nais ko pang maglibot. Hindi rin naman umuuwi ng maaga si Haruki kaya ayos lang. Napangiti ako nang may makita akong napakagandang hairpin. Ang disenyo ay mga mumunting bulaklak. Kinuha ko iyon. May pagkatulad ang hairpin na ito sa ginamit kong hairpin noong kinasal kami ni Haruki. Parang stick na gawa sa metal.

"Kanzashi 'yan."

Napalingon ako sa nagsalita. Isang Haponesang babae. Kung titingnan ay kasing edad ito ni Nanay kung sakaling siya'y nabubuhay pa. "Po?"

"Iyang hawak mo. Kanzashi ang tawag d'yan. Ginagamit namin na pang-ipit sa buhok. Tradisyunal na ipit sa buhok."

Laking gulat ko dahil ngayon lang ako nakatagpo ng isang Hapon na marunong magsalita ng wikang Filipino—bukod kay Haruki. "G-Ganoon ba?"

Ngumiti siya sa akin at kumuha ng isang hairpin. "May paniniwala sa amin na kapag gumamit ka nito, lalayo sa iyo ang mga masasamang espiritu. Pangdepensa rin kung sakaling may masamang mangyayari sa amin." Tinuro niya ang hawak kong hairpin. "Gusto mo ba iyan?"

Tumango ako. Labis akong nagandahan sa ipit na ito. Nais kong bilhin ngunit baka hindi ikatuwa ni Haruki na bumili ako nito. Binalik ko ito.

"Bakit mo binalik? Parang gusto mo naman iyan. Bagay sa iyo ang kanzashi na iyan." Kinuha niya ang hairpin at inabot sa akin. "Tiyak akong magugustuhan iyan ng nobyo mo sa oras na isuot mo ito."

Binalik ko ang tingin ko sa hairpin. "Wala akong nobyo."

"Wala kang nobyo? Ngunit bakit may suot ka ng singsing na tila ba'y ikakasal ka na."

"Ah ito ba?" Napahawak ako sa daliri kong suot ang singsing na binigay ni Haruki. "Kasal na ako. Kinasal ako noong nakaraang buwan."

"Omedetou!"

Napilitan akong ngumiti. Hindi ko naintindihan ang sinabi niya. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Binaling ko muli ang tingin ko sa hairpin. "Sa tingin mo matutuwa ang asawa ko sa oras na bilhin ko ito?"

"Depende siguro ang sagot d'yan."

Naintindihan ko ang pinapahiwatig ng sinabi niya. "Isang sundalong Hapones ang asawa ko. Pilit lang ang kasal naming dalawa. May bagay na napagkasunduan at kasal ang selyo ng kasunduang iyon."

"Nakakalungkot naman kung ganoon. Kumusta ka naman? Maayos ba ang trato niya sa iyo?"

"Maayos naman. Magkaibigan kami noon ngunit nabago iyon—" Naputol ang sinasabi ko nang magsalita ang babae.

"Nang kinasal kayo?"

Pilit akong tumango. Isa pa iyon sa dahilan. "Oo. Mahal niya ako. Iyon ang sabi niya at alam kong hindi ko 'yon matutugunan. Nahihirapan din akong ibalik ang kung anong mayroon kami noon." Hindi ko alam kung bakit ko ito sinasabi sa taong ito. Hindi ko naman ito kakilala.

"Napakalungkot naman ng pagsasama ninyo. Subukan mo kaya siyang pag-aralang mahalin. Parang ako lang. Hindi ko naman noon mahal ang asawa ko pero kalauna'y natutunan ko rin siya mahalin. Kahit paunti-unti lang."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon