Kabanata 9

1.4K 80 4
                                    




Kabanata 9



Bumuntong hininga ako habang nakatingin sa bilog na buwan. Napakagandang pagmasdan at ito ang nagbibigay liwanag sa madilim na paligid. Tila ang lapit ng buwan ngunit alam kong malayo ito sa akin. Parang sina Nanay at Ate Carolina. Alam kong nakabantay sila sa amin. Nand'yan sila ngunit malayo na sila sa amin. Labis akong nangungulila sa kanila. Muli akong bumuntong hininga.

"Kay lalim namin ng iyong iniisip. Maaari mo bang sabihin sa akin?"

Napalingon ako kay Haruki at tulad ko'y nakatingin din siya sa buwan. "Wala ito. Mga bagay-bagay lang sa mundo."

"Katulad ng?"

Bumuntong hininga ako. "Hindi naman mahalaga itong iniisip ko." Binaling ko na lang ulit ang tingin ko sa buwan at muling bumuntong hininga.

"Kung hindi iyon mahalaga, bakit panay ang pagbuntong hininga mo?"

Muli akong bumuntong hininga bago sagutin ang tanong ni Haruki. "Naaalala ko lamang sina Nanay at Ate Carolina."

"Tiyak akong nangungulila ka sa kanila."

Tumango ako. "Sa tuwing nakikita ko ang kabilugan ng buwan, naaalala ko sila. Dati kasi kami nila Nanay ay pinagmamasdan ang kagandahan ng buwan."

"Hindi ba't sinabi mo ay buwan ang kahulugan ng iyong pangalan?"

"Oo." Napayakap ako sa aking sarili. Nilamig ako dahil sa paglakas ng hangin. "Paborito ni Nanay na pagmasdan ang buwan. Noong nasa bayle raw siya, imbes na makipagsayawan sa mga binatang naroon, nanatili siya sa inuupuan niya mas pinili niyang pagmasdan na lamang ang buwan. Umupo raw si Tatay sa tabi niya at katulad niya'y pinagmamasdan ni Tatay ang buwan. Doon nagsimula ang pag-iibigan nila. Kaya Luna ang pinangalan sa akin ni Nanay."

"Napakaganda naman ng kwento ng pag-ibig nila. Hindi tulad ng sa atin, hindi," halos pabulong niyang sabi ngunit narinig ko pa rin iyon.

Ngumiti ako. "Isang taon na ang nakalipas nang pumanaw sina Nanay at Ate Carolina. Sa tuwing nakikita ko ang buwan lalo na kung bilog ang hugis nito, nalulungkot ako. Sila kasi ang naaalala ko."

Hinila ako ni Haruki palayo sa bintana. Pinaupo niya ako sa upuan at may kinuha siyang papel. Sinimulan niya itong tupi-tupiin hanggang sa maghugis ibon ito.

"Ang ganda!"

Binigay niya sa akin ang papel. "Ang tawag namin sa ginawa ko origami. Iyang ibon na origami ay orizuru."

"Origami?"

"Oo. Nakakatuwang gumawa ng origami. May iba't-ibang hugis at laki, kung ano ang iyong nais. May paniniwala kami na sa oras na gumawa ka ng isang libong orizuru, matutupad ang iyong kahilingan. Sumisimbolo rin ito ng pag-asa."

Pinagmasdan ko ng mabuti ang origami na ginawa ni Haruki. Napakagandang tingnan. "Maaari mo ba akong turuan gumawa nito?"

Tumango naman si Haruki. Umupo kami sa sahig at tinuro niya sa akin ang paggawa ng origami. Madali lang gawin ngunit minsan ay nakakalito. Natatawa na lang ako kapag nagkakamali ako. Nakakatuwa gawin. Halos maubos na namin ang mga papel na kinuha ni Haruki. Marami na rin kaming nagawang origami.

Nag-inat ako at humilig sa balikat ni Haruki. Pinagmasdan kong muli ang buwan. Hindi ko na naramdaman ang kalungkutang nararamdaman ko kanina. Tila ba'y napalitan iyon ng saya.

"Tsuki ga kirei desune?"

Umangat ang tingin ko kay Haruki. "Huh?"

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon