Epilogo

1.4K 114 49
                                    





Epilogo






Ilang taon na ang nakalipas nang mangyari ang pagbawi ng mga sundalong Pilipino sa bayang ito, sa tulong na rin ng mga sundalong Amerikano. Ika-15 ng Agosto taong 1945, nang sumuko lahat ng sundalong Hapones sa militar ng bansang Pilipinas at Amerika. Ika-2 ng Setyembre 1945, tuluyang natapos ang ikalawang pandaigdigang digmaan. Unti-unting bumabalik sa dati ang pamumuhay ng mga tao. Si Manuel Roxas ang bagong presidente ng Pilipinas ng taong iyon.

Lahat ay nakaahon sa masamang dulot ng digmaan. Samantalang ako'y lihim na nalulunod sa labis na kalungkutan. Ngumiti ako ng mapait. Kahit kailan ay hindi ko na nakita si Haruki. Sabi ng iba'y dinala raw ng mga sundalo ang kanyang labi upang ipakita sa kanilang heneral. Ang iba naman ay sinasabing sinunog o tinapon sa karagatan ang kanyang labi. Lahat ng iyon, sa tuwing naririnig ko ay parang tinatarak ang aking puso. Ayokong maniwala sa kanilang sinasabi dahil may parte rito sa aking puso na buhay pa siya. Na babalikan niya kami ni Hikaru.

Ngunit sa bawat pagdaan ng araw at buwan, walang Haruki na dumating. Walang Haruki na papasok sa bahay na may ngiti at hahalik sa akin at kay Hikaru. Hanggang sa unti-unti na akong naniniwala na hindi na babalik ang aking minamahal na asawa. Na matagal na niya kaming iniwan.

Naalala ko na gumawa ako ng isang libong orizuru origami upang humiling. Ang tanging hiling ko lamang ng mga panahong iyon ay ang makasama ko habangbuhay ang lalaking labis kong minahal. Pero noong gabing natapos ko ang ika-isang libong origami, iyon pa ang gabing nawala ang taong ayokong mawala sa aking tabi. Akala ko'y matutupad ang aking hiling sa oras na matapos ko ang origami, iyon pala'y hindi.

Ilang taon nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdigan noong pumanaw si Akari-san. Isang gabi'y inatake siya sa puso habang nasa biyahe pabalik sa Japan. Si Andres naman ay tuluyan nang umibig sa binibining palagi niyang nakakasagutan sa daan. Kalauna'y kinasal sila at nagkaroon ng tatlong supling. Wala na akong naging balita sa aking kababata nang sila'y tumira na sa Amerika.

Pitong taon si Hikaru nang sumunod kami kina Kuya Lorenzo sa Australia. Doon kami nagsimula ng bagong buhay. Mahirap man sa umpisa dahil nasa isang banyagang bansa kami, kalauna'y naging maayos din ang pamumuhay namin. Nakakatuwang nahulog sa isa't isa sina Kuya Lorenzo at Imelda. Sa Australia sila kinasal at biniyayaan ng kambal na lalaki. Sina Kuya Manolo at Ate Gina, tumira naman sila sa Zamboanga City kasama si Tatay.

Lahat ng nasa paligid ko ay nagbago na tanging ako lang yata ang hindi nagbago. Ilang binata na ang nagpahayag ng pag-ibig sa akin at lahat iyon ay hindi ko tinanggap. Hindi na ako nag-asawa pa kahit na sinasabi nilang magkakaroon ng ama si Hikaru sa oras na nagpakasal ulit ako. Ayoko. Tanging si Haruki lamang ang laman ng aking puso at ang nag-iisang asawa ko. Walang makakapalit ng puwesto niya rito sa aking puso.

Naging matagumpay sa buhay si Hikaru at talagang pinagmamalaki ko ang anak ko. Malamang ay ganoon din si Haruki kung sakaling nabubuhay pa ito. Nagkaroon ng sariling pamilya si Hikaru at sumama ako sa kanila nang napagdesisyunan nilang tumira sa Pilipinas. Naging masakit sa akin ang maagang paglisan ng unico hijo sa mundong ito. Sa edad na treinta y uno, binawi na ng Poong Maykapal ang buhay ng aking anak. Hindi ko pinabayaan ang kanyang mag-ina. Tinuring kong parang tunay kong anak ang kanyang asawa na si Katrina. Nagtulungan kami sa pagpapalaki sa aking mga apo. Sa akin lumaki ang kanilang anak dahil pinili ni Katrina bumalik sa Australia upang magtrabaho at kalauna'y nagkaroon din ng bagong pamilya. Hindi naman nito pinabayaan ang mga apo ko at hindi rin nagbago ang turingan naming dalawa na parang mag-ina.

Dahan-dahan kong tiningnan ang singsing ni Haruki na hawak-hawak ko. Pitongpu't limang taon na ang nakalipas nang mawalay sa akin ang pinakaminamahal kong lalaki. Nasa edad na isang daan at dalawa na ako ngayon. Saksi ako sa pagbabago ng mundo. Nasubaybayan ko na magkaroon ng pamilya ang mga apo ko. Wala na akong mahihiling pa para sa kanila. Masaya na ako na makita sila na maayos ang kanilang buhay.

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon