Kabanata 12

1.2K 80 5
                                    





Kabanata 12



"Ate, sigurado bang ayos ka lang?"

Sunod-sunod akong tumango habang nililinis ang mga gasgas sa braso na nakuha ko sa pagtulak sa akin ng isang matandang babae. Pupunta sana ako sa pamilihan ngunit hindi iyon natuloy dahil inaway ako ng matandang babae. Tungkol na naman ito sa asawa ako ng isang Hapones at dapat wala ako rito dahil isa na rin daw akong salot. Tinulak ako nito at mabuti na lang hindi malakas ang pagkabagsak ko sa sahig.

"Naku! Tiyak na magagalit si Kagurazaki-san kapag nalaman niya ang nangyari," nag-aalalang sabi ni Imelda habang kalong-kalong si Isabella.

"Huwag mo na sabihin sa kanya para hindi magalit at sanay naman na ako sa mga ganitong senaryo." Palaging nangyayari sa akin na kapag pumupunta ako sa mismong bayan, may nang-aaway sa akin. Ngayon ko nga lang naranasan na masaktan ng pisikal.

"Ano pong sasabihin ninyo kapag nakita niya ang gasgas sa braso mo?"

"Huwag ka na mag-alala, Imelda. Ako na ang bahala tungkol dito. Ihiga mo na si Isabella at nang makapagpahinga ka na rin." Tinanguhan ako ni Imelda bago siya umakyat. Niligpit ko naman ang mga ginamit ko para linisin ang sugat ko. Bumalik ako sa sala na dala-dala ang hiniwa kanina ni Imelda na mangga. Umayos ako ng upo bago nag-umpisang kumain. Nahihilig ako sa pagkain ng mangga simula nang inutusan kong magpitas ng mangga si Haruki.

Napapikit pa ako nang sumubo ulit ako ng mangga. Napakasarap at napakatamis ng hinog na manggang ito. Napahinto ako sa pagkain dahil parang umiikot ang aking paligid. Ilang beses akong kumurap at dahan-dahang umaayos ang aking paningin. Baka kulang ako sa tulog kaya hindi naging maayos ang aking paningin ngayon. Binilisan kong kumain at muling bumalik sa kusina. Nais ko nang matulog ngunit gusto ko pang kumain kaya nagbalat ako ng hinog na mangga.

Nabitawan ko ang aking hawak na pinggan nang muling umikot ang aking paningin. "A-Ano bang nangyayari sa akin?"

"Ate Luna!" Nakalapit kaagad sa akin si Imelda at inalalayan akong umupo sa upuan. "Ayos lang po ba kayo?"

"Oo. P-Paki linis na lang ng nabasag kong pinggan. Salamat." Ilang beses akong huminga ng malalim. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin ngayon.

Inabot ko ang mga papel na nasa mesita. Nahilig na akong gumawa ng origami simula nang tinuruan ako ni Haruki kung paano gawin ito. Marami namang papel dito sa bahay. Mga gamit na papel ang ginagamit ko. Tinutuhog ko sa sinulid ang mga origami at isa-isang sinasabit sa bintana. Nagsilbi na tuloy itong kurtina. Maganda naman pagmasdan lalo na kapag humahangin. May nais akong hilingin kaya gumagawa ako ng marami. Titigil na ako kapag umabot na ito sa isang libo.

Nagsimula na ako sa pagtupi ng papel. Napapangiti ako kapag nakakatapos na ako ng isa. Nakakalma talaga ang paggawa ng origami. "Tatlong daan siyamnapu't isa."

"Ate Luna." Pinatong ni Imelda sa mesita ang bagong hiwang mangga.

Nginitian ko siya. "Salamat." Sumubo ako ng isang hiwa. Ginanahan muli ako sa pagkain ng mangga. "Ang sarap talaga ng mangga!"

"Ate, may nais lamang akong tanungin." Tinanguhan ko siya para ipagpatuloy ang nais niyang itanong. "Nagkaroon na po ba kayo ng buwanang dalaw ngayong buwan?"

Nahinto ako sa pagsubo ng mangga. Ngayon ko lamang naalala na hindi pa ako nagkakaroon ng buwanang dalaw. Noong Nobyembre pa ang huling nagkaroon ako. "Enero na nga. Ibig sabihin ay dalawang buwan na akong hindi dinadatnan ng buwanang dalaw ko."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon