Kabanata 14

1.1K 75 14
                                    




Kabanata 14





Pinagmamasdan ko ang mga origami na ginawa ko. Dalawang daan na lang ang kulang ko. Mabubuo ko na ang isang libong origami. Mahihiling ko na ang pinakaninanais kong hiling. Bigla akong nakadama ng kalungkutan. Iisang tao lang naman ang palaging nagpapadama sa akin nito. Si Haruki.

Nitong mga nakaraang buwan, bihira na kaming magkitang dalawa. Palagi na siyang nasa labanan. Tanging si Akari-san at Andres ang nakakasama ko. Palaging na ring na kay Kuya Lorenzo sina Isabella at Imelda na talagang nagpapadagdag sa kalungkutan ko. Bumuntong hininga ako. Nagtatampo ako kay Haruki. Bihira na nga lang kami magkita tapos hindi man lang siya nagpapadala ng sulat. Sa tuwing umuuwi siya dito'y dumedetso sa aming silid at kaagad na natutulog. Pagkagising, hahalikan ako sa aking pisngi sabay alis na.

Ni hindi man lang nagbigay ng kahit isang oras para lang makipag-usap sa akin. Ayaw ba niyang malaman kung anong nangyayari sa akin at sa pinagbubuntis ko? Minsa'y matutulala na lang ako at napapaisip, may ginawa ba akong masama sa kanya kaya malamig ang pakikitungo niya sa akin? Naging tapat at mabuting asawa naman ako.

Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha sa aking pisngi at mayamaya'y napahagulhol na ako. Labis-labis ang sama ng loob ko sa kanya. Nahihirapan ako sa aking pagbubuntis at parang wala siyang pakialam doon. Kahit man lang hawakan ang aking tiyan upang kamustahin ang aming anak ay hindi niya ginagawa. Sa susunod na buwan na ang aking kabuwanan at hindi ko alam kung nasa tabi ko siya kapag ako'y manganak na. Sa dalang naming pagkikita, nasasabi ng iba na mas mukha pa raw na asawa ko si Andres kaysa kay Haruki dahil nandito palagi si Andres sa tabi ko.

"Luna-chan, bakit ka umiiyak?"

Yumakap ako kay Akari-san nang umupo na siya sa tabi ko. "Akari-san, sabihin mo nga po sa akin, naging masama ba akong asawa kaya ganito ang pakikitungo ni Haruki sa akin?"

"Luna-chan, wala kang ginawang masama. Isa kang mabuting asawa."

"Bakit hindi niya ako kinakausap kapag umuuwi siya? Tila ba'y may malubha akong sakit sa ginagawa niya."

"Baka'y labis lamang siyang pagod kaya ganoon siya. Alam mo namang unti-unti na silang natatalo ng mga sundalong Amerikano at Pilipino? Nais lang niya sigurong magpahinga kaagad."

Parang ayokong maniwala sa sinasabi ni Akari-san. Bakit noon ay labis din naman ang pagod niya sa pakikipaglaban ngunit nagagawa pa rin niyang maglaan ng oras para sa akin sa tuwing umuuwi siya? Nanahimik na lamang ako habang nagpatuloy umiyak. Hanggang sa nakatulog na ako.

Nagising na lang ako na nakahiga ako sa sopa. Huminga ako ng malalim bago umupo. Napapikit ako nang maramdaman ko ang munting sakit sa aking tiyan.  Bumalik na lamang ako sa pagkahiga at napatingin ako sa labas ng bintana.

"Umiiyak ka raw kanina."

Bigla akong napatingin sa taong nagsasalita. "Ikaw pala, Andres." Umupo ako.

"Bakit ka umiyak kanina?"

"Wala 'yon. Dala lang ng pagdadalang-tao ko kaya ako naiyak kanina."

Tumabi sa akin si Andres at inabot ang kamay ko. "Si Haruki ba ang dahilan?" Umiwas ako ng tingin at hindi ko sinagot ang kanyang katanungan. "Luna, alam kong nahihirapan at nalulungkot ka dahil hindi mo nakakasama ang asawa mo. Natural lang iyon at ayos lang na iiyak mo iyon. Alam mo na gagawin ko ang lahat para makita kang masaya kaso hindi ko mapipigilan si Haruki na gampanan niya ang kanyang tungkulin."

Unmei no Akai ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon