Ch. 7.2

3.1K 88 0
                                    

HINDI makapaniwala si Renz sa matinding swerte na natamo nila.  Kung pwede nga lang siyang lumuhod sa lahat ng santo para magpasalamat ay ginawa na niya.  Nagsisimula na talaga siyang mawalan ng pag-asa nang makalipas ang dalawang oras ay hindi pa rin sila nakakakita ng isla o kahit na anong klaseng sasakyang pandagat.  Nagsisimula na siyang kabahan, iniisip na baka do'n na sila mamatay sa gitna ng karagatan.  Pero may awa pa rin ang Diyos dahil isang mangingisda sakay ng bangka nito ang dumaan sa direksyon nila.  And they were saved.

Isinakay sila nito sa bangka nito at tinanong kung anong nangyari sa kanila.  Sinabi na lang niya na nahulog sila mula sa sinasakyan nilang barko at naanod sila sa isang isla.  Kung hindi lang siguro dahil sa kahabag-habag na itsura nila ni Lancer ay baka hindi ito naniwala sa sinabi niya.  Agad naman na nakaramdam ng awa para sa kanila ang mangingisda na nagpakilala bilang si Mang Tonio.  Malapit na daw sa kinaroroonan nila ang isla kung saan ito nakatira.  Pagdating daw nila doon ay maaari na nilang matawagan ang pamilya nila.

Kaya naman ngayon ay nandito sila sa bahay ni Mang Tonio at inaasikaso ng maybahay nitong si Aling Saling.  Nang ikwento dito ni Mang Tonio ang nangyari sa kanila ay labis na pagkahabag din ang naramdaman nito para sa kanila.  Agad siya nitong pinapunta ng banyo para makapaglinis ng katawan at binigyan siya ng malinis na damit.  Isang lumang duster na sa tingin niya ay pagmamay-ari nito.  It felt like heaven, cleaning her body using a soap.  Kung pwede lang siguro siyang magtagal ng isang oras do'n ay ginawa na niya.  Pero kailangan din kasing maligo ni Lancer kaya nagkasya na lamang siya sa labing-limang minuto ng paliligo.

Simula nang sumakay sila sa bangka ni Mang Tonio ay wala nang imik si Lancer.  Hindi man ito nagsasalita ay nararamdaman naman niya na naiinis ito.  Marahil dahil hindi nito naiintindihan ang pinag-uusapan nila ni Mang Tonio.  Hindi naman kasi niya kaya na pagsabayin ang pakikipag-usap sa mangingisda at pag-ta-translate ng sinasabi nito.  Sinabi na lang niya sa binata na sasabihin niya dito ang lahat ng mahalagang impormasyon na malalaman niya.  Kagaya na lang kung nasaan nga ba sila.

"Napakaswerte niyo ng dayuhan mong kasama na nakaligtas kayo mula sa pagkakahulog sa barkong sinasakyan niyo," wika ni Aling Saling na binigyan siya ng kapeng maiinom.  Si Mang Tonio ay sinamahan si Lancer sa pinag-iigiban ng mga ito ng tubig para may magamit ito sa paliligo.  Nasa labas kasi ng bahay ang banyo ng mga ito.

Tinanggap niya ang tasa ng kape at nagpasalamat.  "Oo nga po eh.  At mas lalong napakaswerte namin na nakita kami ni Mang Tonio," nakangiti niyang wika sabay inom sa mainit na kape.  "Nasaang lugar po pala tayo?"

"Ah nandito kayo sa isla ng Ambulong."

"Ambulong?" ngayon lang niya narinig ang lugar na 'yon.

"Oo, parte ito ng bayan ng San Jose dito sa Mindoro."

Mindoro?  Kung nandito sila ngayon sa Mindoro ibig-sabihin ay wala na sa coastline ng Palawan ang isla na pinanggalingan nila.  Kung nagsagawa man ng rescue mission ang militar para mahanap siya, tiyak na sa karagatan lamang ng Palawan maghahanap ang mga ito.  At kung gano'n nga ang ginawa ng mga ito, malabo nga na makita sila ng mga ito.  Naaalala niya yung nakamaskarang lalaki na sinabi ni Lancer na nagdala sa kanila doon sa isla.  Sinadya ba nito na dalhin sila doon para hindi sila agad makita ng mga taong posibleng maghahanap sa kanila?  If so, then why?  Sino ba talaga ang lalaking 'yon?

"Natahimik ka na.  May bigla ka bang naisip?" puna ni Aling Saling sa kanya.

Umiling siya.  "Ano po bang bagong balita ngayon?" sa halip ay tanong niya.  Umaasa na may mababanggit ito patungkol do'n sa cruise ship.

"Ay naku, hindi ka maniniwala.  Nagkakagulo ang bansa ngayon dahil do'n sa pagsugod ng isang grupo ng terorista sa barkong sinasakyan ng presidente at nung prinsipe ng isang bansa na bumibisita ngayon dito sa atin.  Apat na araw na ang nakakaraan nang mangyari 'yon pero hanggang ngayon hindi pa rin naglalabas ng statement ang Malacanang," naiiling na wika nito.

Seven Days with the Arrogant Spy (Elestia 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon