Chapter 12: The Extraction

557 39 0
                                    

Name: Maggie Jeroso
Age: 25 years old
Gender: Female

MAGS

Kitang-kita ko ngayon ang ginagawang pag-autopsy ni Jenna sa isang bangkay. Kung nakikita ko s'ya mula sa kwartong kinalalagyan n'ya ay kabaliktaran naman 'yon sa kanya, wala s'yang kaalam-alam na kanina ko pa pinanunood ang bawat galaw n'ya.

Iba't ibang surgical tools at equipment ang nasa tabi n'ya habang ina-eksamina ang katawan ng isang infected. Isang magaling na scientist at doctor si Jenna, sadyang malandi lang talaga s'ya. Sideline n'ya kasi ang pagiging pokpok.

Sa ngayon ay pang dalawampung pitong bangkay na n'ya ang nasa loob. Kasalukuyan n'yang pinag-aaralan ang infected na bangkay.

Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang nagsisilabasang laman loob sa tiyan ng bangkay na nasa mesa. Kahit may face mask si Jenna ay halata sa mga mata n'ya ang pangdidiri.

Kumukuha s'ya ng mga sample tissues saka n'ya iyon ikukumpara sa iba pang naunang tissue na mula rin sa mga biktima.

Sinusubukan n'yang gumawa ng antidote na papatay sa virus.

Ipinangako ni Jenna sa mga katulad n'yang infected na magagawa n'ya ang antidote para isalba ang mga buhay nila at dahil tiwala sa kanya ang lahat ay sinusunod naman nila ang gusto ni Jenna. Naging sunod-sunuran sila ng doctor na ito.

Duda ako na iyon nga ang layunin n'ya. Alam ko kung gaano kabaluktot ang utak ng doctor na 'to. Bago pa man lumabas ang Lucifer Virus ay marami ng masasamang balita ang lumalabas patungkol sa kanya. May masama akong hinala kay Jenna at iyon ang aalamin ko.

Halos kalahating oras ko rin binantayan ang trabaho ni Jenna. Hawak n'ya ang isang tube na naglalaman ng kakaibang likido at pansin ko sa galaw at kilos n'yang may maganda s'yang balita para sa sarili n'ya.

Plano ko sanang pasukin s'ya sa kwartong kinalalagyan n'ya nang sumulpot bigla sa harap ko ang isang babae. Katulad ko ay nagulat din ito ng makita ako.

"D-D'yan ka lang!" sigaw ng babae saka n'ya itinutok sa akin ng hawak n'yang revolver.

Dahan-dahan kong iniangat ang kamay ko sa ere at nanatili sa kinatatayuan ko. Mabilis kong sinilip si Jenna sa loob ng kwarto at mukhang abala pa s'ya sa ginagawa n'ya.

"Sino ka? At paano ka nakapasok dito?" Baling ko sa babae.

"N-Nandito ako para bawiin ang kapatid ko. I-Ibalik n'yo sa akin ang kapatid ko?"

Awtomatikong napataas ang isa kong kilay saka s'ya maiging pinagmasdan.

"Sa ganyang paraan mo ba ililigtas ang mga kasamahan mo?" Mataray kong tanong sa babae. Halatang wala s'yang karanasan sa paggamit ng baril at kung katulad ako ni Jenna ay baka kanina pa s'ya nakahandusay sa sahig.

"Kung susugod ka sa kuta ng kalaban ay sinigurado mo munang alam mo ang gagawin mo. Hindi tulad ngayon na nanginginig ka sa takot," pahayag ko.

"Hindi ako pumunta rito para makinig sa mga pangaralan mo! Nasaan ang kapatid ko?!" asik n'ya.

Mas mahigpit ang ginawa n'yang paghawak sa baril. Kung kanina ay malamya ang tindig n'ya, ngayon ay na surpresa ako dahil sa mabilis na pagbabago ng awra ng babaing kaharap ko. Mabilis ang ginawa n'yang pag-reload ng bala sa revolver saka 'yon muling itinutok sa akin.

Aaminin ko, nagulat ako sa ginawa n'yang iyon. Akala ko kanina ay hindi s'ya sa marunong gumamit ng baril pero mukhang nagkamali ako.

"Wala akong balak na pumatay ng kung sino pero buhay ng kapatid ko nakasalalay dito kaya pasensyahan na lang tayo."

Mukhang minaliit ko masyado ang isang 'to.

Mabilis kong binunot sa bewang ko ang baril ko saka ko s'ya pinaputukan. Sinadya kung daplisan s'ya sa gilid ng braso n'ya. May silencer ang baril ko kaya malakas ang loob kong gawin ang bagay na 'yon.

Nakita ko ang pagdaing n'ya pero hindi s'ya natinag na alisin sa akin ang pokus ng baril n'ya.

"Magaling," saad ko.

"Sinandya mong daplisan lang ako," pabulong na saad n'ya.

"Oo. Gusto ko lang sirain ang konsentrasyon mo at mukhang nabigo ako."

"B-Bakit?"

"Interesado lang ako sa magiging reaksyon mo. Akala ko ay magpa-panic ka o iiyak sa takot."

"Hihimatayin nga ata ako." Napasapo s'ya sa dibdib n'ya habang pinapakalma ang sarili kaya hindi ko mapigilang matawa.

Kakaiba ang babaing 'to.

Saan naman kaya napulot ng sundalo 'yon ang isang 'to?

"Sumunod ka sa akin," utos ko sa babae nang mapansin si Jenna na papalabas na ng kwarto. "Hindi ko alam kung paano ka nakapunta sa basement pero nasa unang palapag ang dalawang bata at sundalo."

"N-Nandito rin si Harris?!" gulat na tanong ng babae sa akin.

"Hindi mo ba alam?"

"Hindi. Kaya pala hindi ko s'ya mahanap dahil hawak n'yo rin s'ya. Holy sh*t!" Bakas sa mukha n'ya ang pagpa-panic.

"Tulungan mo akong bawiin ang mga kasamahan ko," baling n'ya sa akin na nagpataas ng kilay ko.

"Ituturo ko lang sa'yo ang kinalalagyan nila. Wala na akong pakialam kung ikaw ang unang mapatay nila o sila ang mapatay mo."

"Wala ka bang pakialam sa mga kasamahan mo? Paano mo nagagawang traydurin sila?"

"Gusto mo ba talagang tulungan kita o hindi? Magsabi ka lang dahil hindi na ako magsasayang ng oras sa'yo. Ako na rin ang magbabaon ng bala sa bungo mo kesa naman ang mga kasamahan ko pa. Siguradong gagahasain ka muna nila bago ka nila patayin kaya pumili ka."

"Sabi ko nga. Samahan mo na lang ako." Sumimangot s'ya.

Sa likod ng ginagawa kong pagtulong sa kanila ay tinutulungan din nila akong buwagin ang grupo ko.

Ang mga kasamahan ko, hindi nila alam na pinapaikot lang sila ni Jenna. Mga hangal!

Isang malaki at kilalang mafia ang grupo namin noon bago pa dumating ang virus. Pinatay ng virus ang matataas na leader namin at simula ng pumalit sa pwesto si Jenna ay mas lalo pang lumala ang sitwasyon. Halos araw-araw ay nalalagasan kami ng miyembro sa tuwing pumunta ito sa kanya para magpa-check-up.

Si Gerard, hindi s'ya infected noon pero nang lumabas s'ya ng laboratoryo ni Jenna ay infected na ang isa n'yang mata. Hindi nakakahawa ang virus, sigurado ako 'ron pero kung ano man ang ginagawa ni Jenna ay 'yon ang nagiging dahilan para makuha ng mga kasamahan ko ang virus.

DEADLOCK: Welcome to Redmond CityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon