"You okay, baby?" Mula sa manibela ay ipinatong ni Red ang isa nitong kamay saka marahang pinisil iyon.
Halos magdidilim na rin nang makarating sila ng Rizal at buong biyaheng hindi umiimik si Shiella. Matapos kasing magyakag ni Red ay nagkanya-kanya nang impake ang lahat. Si Silver lang ang nagprisintang maiwan sa Watercolor dahil sa umano'y kailangan nito ng 'peace and quiet.'
Nilingon ni Shiella ang binata saka ngumiti. "Kinakabahan lang ako, baby."
Totoo naman ang kabang nararamdaman niya. Ni hindi nga niya maramdaman ang paa niya. Hindi niya rin maintindihan kung imagination lang ba o totoong nahihilo siya dahil 'di naman siya palahilo sa biyahe. Hindi siya mapakali. Paano kung hindi siya tanggapin ng pamilya ni Red? Bukod pa ro'n ay kinukutuban siya sa susunod na gagawin ni Red pagkatapos siyang ipakilala nito.
"Don't worry," ang assurance sa kanya ni Red. Sandali siyang sinulyapan nito saka nilipat ang kamay mula sa hita ng dalaga papunta sa kamay nito. "Hindi naman kita pababayaan."
Napatitig siya sa binata sa tinuran niyang iyon. Nakakatuwang pakinggan pero para na rin nitong inamin na mataray ang nanay niya.
"Alam mo ba," habol pa ni Red saka lumiko sa isang kalsada. "Ikaw pa lang ang babaeng dinala at ipapakilala ko rito."
Doon na natunaw ang puso ni Shiella. Napangiti siya. Naku, ang lalakeng 'to. Napakagaling talaga magpakilig!
"Sa susunod kasi, ipakilala mo muna rito bago mo ipakilala kay Silver," pang-aasar niya habang nakangiti.
Tinawanan naman ni Red ang biro niyang iyon saka sumagot, "Wala naman nang magiging kasunod."
Lalong lumawak ang ngiti niya. She leaned in and gave him a kiss on the cheek. "I love you, Jared."
"I love you, too, Shiella."
***
Mahigpit ang hawak ni Shiella sa kamay ni Red nang bumukas ang pinto sa kanyang harapan. Pakiramdam niya'y tumigil sa pagtibok ang puso niya nang niluwa noon ang nanay ng binata. Wala namang kasing lawak ang ngiti sa mukha ng ginang nang makita si Red.
"Jared, anak!" Mabilis nitong niyakap si Red at hinalikan sa pisngi.
Ngumiti naman si Red matapos suklian ang yakap ng ina. Inayos muna nito ang pagkakasukbit ng backpack sa kanyang braso bago ipinakilala ang dalaga. "Ma, si Shiella."
Pakiramdam naman ni Shiella ay hinubaran siya sa bawat hagod ng tingin ng ginang. Pamilyar nga sa kanya ang mukha nito. Si Martha Barrameda. Lalo siyang kinabahan nang maalala na minsang naikwento ni William na dating sikat na singer ang nanay ni Red bago nito pinakasalan ang ama ng binata. Pinilit niyang ngumiti saka inabot ang kamay ng ginang, "Mano po."
Ngumiti rin naman ang ginang matapos magmano ni Shiella. Bumaling ulit ito sa anak, "Kumain na ba kayo? Niluto ko 'yung paborito mong pininyahang manok."
"Hindi pa, ho," magalang na tugon ni Red saka muling umakbay kay Shiella. "Gutom na nga ho kami. Si tatay?"
"Jared!"
Mula sa kusina ay lumabas ang step-father ni Red na nagpupunas pa ng basang kamay. May kataasan na ang hairline nito sa noo at may suot na makapal na salamin.
"'Tay!"
Sinalubong at niyakap ni Red ang ama-amahan. Pilit pa ring pinapakalma ni Shiella ang sarili nang hubarin ang suot na sandals at pumasok na rin sa loob. Nakasunod naman si Martha sa kanya.
Simple lamang ang bahay nina Red. Pagpasok ay ang sala, kasunod ang kusina at CR. Nasa itaas naman ang mga kwarto. Mas maganda at simple ang buhay nila, ang pagbibida ng ama-amahan ni Red na si Ramon. Kulang na lang ay sabihin nito kay Shiella na doon na lang din sila tumira ng binata. Ganoon pa man ay nagpapasalamat siya dahil kahit papaano'y mukhang mabait ang lalake, naikwento nga rin nito na hindi nabiyayaan ng anak ang kanilang pagsasama ng asawa. Samantalang pulos ngiti lang naman si Martha habang sa kanila at inihahanda ang kanilang hapag.
BINABASA MO ANG
COLORS: The Maestro's Muse [R-18]
RomanceMuling natagpuan ni Shiella ang bandang hinangaan niya noon at ang old crush slash lead guitarist ng COLORS na si Red Barrameda sa punto ng buhay niya na akala niya'y nawala na sa kanya ang lahat. Sa sandaling pagsama niya sa mga ito upang takasan a...