5

17.5K 600 39
                                    

What really happened, Dirk? Nagpakamatay ka nga bang talaga? Puno ng kalituhan at guilt ang isip ni Angeli habang nakatitig sa marmol na lapida. Ang itinanim na Bermuda grass sa hinukay na lupa'y nagsisimula nang tumakip sa metro kuwadradong pinaglibingan kay Dirk.

It had been almost three weeks mula nang mailibing ito at ngayon lang niya nagawang dalawin, four days after she was discharged from the hospital. Dalawang linggo siyang naka-confine sa ospital dahil hindi pumayag ang mommy niya na hindi siya magdaan sa baterya ng mga pagsusuri. Bukod pa sa isang linggo ring naka-cast ang kaliwang binti niya na hindi niya alam kung saan tumama.

Mabuti na lang at sa kabila ng panic niya sa gabing iyon ay nagawa niyang kabigin ang manibela sa kaliwa. Makitid ang daan na iyon sa gilid ng South Superhighway at sumadsad siya sa puno. Ganoon ma'y nahagip ng nakasalubong na pampasaherong jeep ang dulo ng kotse niya. Ang ipinagpapasalamat niya'y walang nasaktan sa mga sakay ng pampasaherong jeep.

Kung hindi pa niya ipinilit ay hindi siya papayagan ng ina na dalawin ang memorial park dahil ayon dito'y hindi pa siya malakas. At alam niyang higit na nag-aalala ang mommy niya sa emosyon niya. She still couldn't come to terms with what happened.

Hindi madaling tanggaping wala na si Dirk. Na nagpakamatay ito. Iyon ang sabi ng lahat. At iyon din ang resulta ng imbestigasyon. Nagbaril ito sa sarili sa mismong opisina nito. Ang fingerprints nito ang nakita sa baril.

According to Gail, Dirk left a suicide note on his office table at nasa kamay na ng mga pulis. And ev­eryone in the office testified that it was Dirk's own hand­writing.

Pero paanong nangyari iyon? Hindi ba't kaya siya naaksidente ay dahil gusto siyang patayin ng lalaking iyon?

And she had been hysterical. Dahil naniniwala siyang hindi ito nagpakamatay kundi pinatay. Sinabi niya iyon kay Gail at sa mommy niya. Subalit hindi naniniwala ang mga ito. Sa halip ay nasa mukha ng mga ito ang simpatya sa kanya na tila ba nasisiraan siya ng bait.

Kung nagpakamatay si Dirk, bakit walang nakarinig sa putok ng baril?

Ayon kay Gail, may nakarinig ng putok ng baril.Ang mismong security guard. Iyon ang dahilan kaya ito pumanhik sa itaas. Ayon dito'y ito mismo ang humabol sa kanya dahil naghisterya siya sa itaas nang makita ang duguang katawan ni Dirk.

They said the security guard was trying to pacify her at sinabing huwag gagalawin ang anumang bagay sa loob ng silid. Subalit agad daw siyang naghisterya at pagkatapos ay nagtatakbo palabas patungo sa kotse niya.

Nang sabihin niyang pinukpok niya ng paperweight ang security guard at nasugatan niyang tiyak sa ulo ay lalong napuno ng simpatya ang tingin ng mga ito sa kanya. Kahit ang doktor at ang mga pulis na nag-interview sa kanya. Dumalaw doon ang security guard at ipinakita sa kanya ang ulo nito. Walang bakas ng kahit na anong tama ng paperweight.

Kasinungalingang lahat ang ipinapaliwanag nila. Hindi man nakilala ni Angeli ang humabol sa kanya, alam niyang hindi iyon ang security guard. And the man who murdered Dirk chased her.Subalit ayon kay Gail ay dala na lang iyon ng histerya niya... sa takot niya nang makita ang nakahandusay na katawan ni Dirk. Ayon pa rito, kaninong kotse raw ba ang sasakyan ng guwardiya? Isa pa, kung ginusto siyang saktan nito ay madali para ditong gawin iyon. The man was big. Bigger than Dirk.

But she couldn't believe that. Nakita niyang sumakay ito sa kotseng itim. Hinabol siya. Totoong hindi siya sinaktan, but that had been his intention. Hindi nito tangkang payapain siya dahil hindi naman siya naghihisterya nang makita niya si Dirk. Para siyang estatwang nakatayo roon sa sindak, and then he grabbed her from behind.

Litong-lito si Angeli. Hindi na niya alam kung ano ang paniniwalaan. Paanong nasa silid ang guwardiya gayong dinaanan niya ito sa ibaba?

O nagbaril si Dirk nang nasa loob siya ng ladies' room? At pumanhik ang guwardiya nang marinig ang putok ng baril. Pero gaano ba siya katagal sa loob ng ladies' room? Baka nga wala pang limang minuto siya roon.

Nakadispalko ng pera si Dirk mula sa kompanya. Tatlong milyon! Iyon ang dahilan kaya ito nagpakamatay. Ayon kay Gail ay nagpa-audit si Mr. Vergara nitong isang linggo bago nagpakamatay si Dirk. At doon natuklasan ang pagkawala ng pera.Iyon ba ang dahilan kung bakit hindi man lang siya tinawagan ni Dirk sa nakalipas na isang linggo?

No. Hindi kayang tanggapin ng isip niyang magagawa ni Dirk ang magnakaw ng salapi sa kompanya. Saan nito gagamitin ang ganoon kalaking halaga? Hindi maluho si Dirk. Simple lang ang pangangailangan. At kahit ang kotse nito'y segunda mano at kahit minsan ay hindi ito nangimbulo sa alinmang luxury cars.

Kung meron mang luho si Dirk ay ang mga gamit nito sa photography. Pero kahit man iyon ay hindi niya matatawag na luho. He loved his old Canon camera. It was his prized possession.Oh, Dirk...

"Tayo na, Angeli," banayad na wika ni Gail mula sa likuran niya at pumutol sa daloy ng pag-iisip niya. "Umaambon na. Baka abutan tayo ng malakas na ulan."

Isang huling sulyap ang ibinigay niya sa lupa bago walang kibong nagpaakay sa kaibigan patungo sa naghihintay na sasakyan ng mommy niya at ang driver nito.

"Hindi pa rin ako makapaniwalang nagpakamatay si Dirk, Gail," wika niya, kasabay ng pag-iinit ng mga mata. Inihilig ang ulo sa headrest.

"Ako man, Angeli," sagot nito sa nalulungkot na tinig. "Isipin mo na lang ang dalawang balitang tinanggap ko nang pumasok ako kinabukasan. Naaksidente ka at nagpakamatay si Sir Dirk."Pinahid niya ng panyo ang mga mata. "Sana'y hindi ko na lang sinabi sa kanya ang mga sinabi ko nang magkausap kami sa restaurant."

"Nakalipas na iyon. Wala na tayong magagawa pa. Ang maipapayo ko'y magbakasyon ka muna. Kahit saan. Basta malayo sa siyudad. Makabubuti sa iyo iyon."

Hindi siya sumagot. Kahit ang mommy niya'y iyon din ang ipinayo. Kahit ang kaibigan at kasosyo niya sa gallery, si Ansel, ay itinaboy siyang magbakasyon muna.

"Anywhere you can heal the physical and emo­tional wounds," wika nito. "Take an indefinite leave. You owe it to yourself."

"Siguro nga'y kailangan kong magbakasyon, Gail," wika niya.

"Kung wala ka pang maisip na lugar na pupuntahan ay baka gusto mong tanggapin ang alok ni Boss George na sa San Nicolas magbakasyon? Sabi niya'y mainam at maganda ang lugar. Makakapamili ka ng beach doon."

"Salamat, Gail," she said sincerely, pinisil ang braso nito.

Ngumiti si Gail. "Ito man lang ay maiganti ko sa maraming utang-na-loob ko sa iyo, Angeli."



************Hello, mga beshie, kumusta kayo? Paramdam kayo mga beshie, nag-aalala din ako sa inyo char hahahaha. Sana magustuhan n'yo ang kuwento ni Hanz. Mag-ingat kayo palagi mga beshie, Stay safe and God bless. At abang-abang tayo sa mga darating na araw baka may magandang balitang darating. - Admin A 

My Love My Hero, Hanz (UNEDITED)(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon