Kasalukuyang nagkukuwentuhan sina Angeli, Gail at Carlos sa balkonahe habang naghihintay na makaluto si Manang Tere nang pumarada ang kotse ni Luke sa harap ng balkonahe.
"May bagong guest?" tanong ni Gail.
"No. Magkasunod lang kaming dumating kahapon," sagot ni Angeli, bahagya lang sinulyapan ang pagbaba ng bagong dating sa kotse nito mula sa pagitan ng barandilya.
Nakapanhik na sa balkon si Luke nang siya namang paglabas ni Hanz. May hawak itong bote ng imported na alak, kasunod si Manong Elmo na may dalang tray ng wineglass.
"Tamang-tama ang dating mo, Luke," wika nito. "Halika at nang makilala mo ang mga kaibigan ni Angeli."
Si Luke ay sandaling dinaanan ng tingin si Angeli bago tumaas ang isang sulok ng mga labi bilang pagngiti. "Sure," wika nito. "Ang mga babae ba'y marunong uminom?"
"Kung tig-iisang shot lang ay walang problema," nakangiting sagot ni Gail.
Inilapag ni Hanz ang bote ng alak sa wicker table. "Alas-siete pa lang at treinta minutos pa bago ang hapunan. Knowing Manang Tere, istrikto sa oras iyon. So let's have an aperitif. Mang Elmo, maglabas pa ho kayo ng isang wineglass."
Tatlong piraso ang wicker chair sa balkon, isa na lang doon ang maaaring upuan ni Luke, ang pandalawahan na kinauupuan ni Angeli. Agad siyang tumayo dahil hindi niya gustong maupo ito sa tabi niya.
"Dito na kayo maupo ni Luke, Hanz," wika niya at bago pa may tumutol ay humakbang siya patungo sa barandilya ng balkon at naupo roon. Bahagyang kumunot ang noo ni Hanz at sandali siyang tinitigan bago yumuko at sinalinan ng tig-iisang shot ang mga wineglass.
But to her dismay, hindi sa wicker chair na inalisan niya naupo si Luke. Sa halip ay dumeretso ito sa barandilya, isang kalahating dipa ang layo mula sa kanya at doon naupo.
At hindi na niya magawang bumalik sa wicker chair nang hindi nito mapupunang sadya siyang umiiwas. Ito mismo ang nag-abot sa kanya ng wineglass na kinuha nito mula kay Hanz. At habang ipinakikilala ni Hanz ang dalawang bagong dating kay Luke ay banayad niyang sinimsim ang sariling alak, aware of the man near her at sa takot na nararamdaman niya para dito.
Palabas si Manong Elmo na dala ang wineglass para kay Luke nang biglang nagdilim ang buong paligid.
"Brownout!" Tinig ni Gail, kumayod ang inuupuan sa biglang pagtayo.
"Damn!" Si Hanz. "Manong Elmo, pakisindihan nga ninyo ang Coleman," utos nito. "Natitiyak kong magtatagal ito."
"Hanz." Si Angeli, sinisikap na huwag mahalata ang panginginig ng tinig. Hindi niya gusto ang pagba-brownout. Not to mention that she was afraid.
BINABASA MO ANG
My Love My Hero, Hanz (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceAngeli found her boyfriend murdered in his office. Subalit walang gustong maniwala sa kanya. Ayon sa imbestigasyon ay nagpakamatay si Dirk. Nagbakasyon siya sa isang bayan sa norte upang malimutan ang trahedya. Doo'y nakilala niya si Hanz Belleza, a...