"IPINAPANHIK ni Hanz ang pagkain mo. Angeli," sabi ni Manang Tere nang papasukin niya ito.
May dalang tray ng pagkain. Inilapag nito iyon sa mesa.
"Si Gail ho?"
"Aba'y nakisabay kay Manong Elmo mo at tutungo raw sa general store at may tatawagan. Kaalis-alis lang nang umahon kayo ni Hanz. Siya, kumain ka na at pasado ala-una na."
"S-si Hanz ho?"
"Nasa bangka sila ni Luke, paalis yata..."
"M-mangingisda ho bang talaga si Hanz, Manang Tere?"
"Kung ang ibig mong sabihin ay ang pangingisda ang pinagkukunan ni Hanz ng ikinabubuhay, hindi, Angeli," wika nito. "Pero hindi miminsang pumapalaot ang batang iyon para mangisda.
Binatilyo pa iyan ay kasa-kasama na ng lolo sa pangingisda. At kahit na may mainam na trabaho iyan sa Maynila ay hindi nakakalimot umuwi at pumapalaot. Inhinyero si Hanz, Angeli..."
Gusto niyang itanong kung matagal na nitong kakilala si Luke subalit nasabi na ni Manang Tere noong unang araw niyang noon lang din dumating si Luke sa guest house.
"Nitong nakalipas na dalawang buwan ay malimit umuwi si Hanz dito. At walang gabing hindi pumapalaot. Gusto kong isiping nais niyang kalimutan ang nangyari kay Alicia..." tuloy-tuloy na kuwento ng matandang babae.
"A-Alicia? Sino hong Alicia?" Agad ang pagguhit ng panibugho sa dibdib niya.
"Si Alicia'y inampon ng mga magulang ni Hanz nang ito'y sampung taong gulang pa lamang at si Hanz naman ay binatilyo. Anak ng kasamahang mangingisda ng lolo niya na namatay sa laot nang abutan ng bagyo sa dagat. Namatay si Alicia, pitong buwan nang mahigit..."
"Sa ano hong dahilan?"
Umiling ang matandang babae. "Hindi namin alam ni Manong Elmo mo, hija. Marahil ay sa sakit. Nang huli kong makita ito'y payat na payat. At hindi nagsasalita si Hanz tungkol sa pagkamatay ni Alicia. Labis na nasaktan ang mag-anak dahil itinuring na tila kadugo ang batang iyon. Mahal ni Hanz si Alicia na parang tunay na kapatid. Gusto kong manghinayang dahil magandang bata, mabait at napakabata pa, labimpitong taong gulang pa lamang..."
"Some people didn't get a second chance at life, Angeli..."
Natitiyak niyang si Alicia ang tinutukoy ni Hanz nang sabihin iyon.
NANG gabing iyon ay si Manang Tere at Manong Elmo ang kasabay na kumain ni Angeli ng hapunan. Wala sina Hanz at Luke. Hindi pa rin bumabalik sa guest house si Gail. Ayon kay Manong Elmo'y sa general store nito ibinaba ang kaibigan.
Hanggang sa abutin na lang siya ng antok ay hindi pa rin dumarating si Gail at kahit ang dalawang lalaki.
Alas-nueve pasado ng gabi sa relo niya nang magising si Angeli. Agad siyang bumangon at binuksan ang banyo at ang kadikit na pinto upang tingnan kung naroon na si Hanz. Subalit bakante ang silid nito. Lumabas siya ng silid upang sa kabilang pasilyo magtuloy at tingnan kung nakauwi na si Gail.
Nasa tapat na siya ng pinto at kakatok na lang nang makaulinig ng tinig sa loob. Tinig ng lalaki.
May kasama bang lalaki sa loob ng silid niya ang kaibigan?Akma na sana siyang tatalikod nang marinig ang bahagyang pagtaas ng tinig ng lalaki.
"Kung hindi ka ba naman tanga, itutulak mo na lang ay hinayaan mo pang makakapit!"
"Hindi mo ba ako naiintindihan? May kamay na tumabig sa akin nang hawakan ko si Angeli at nawalan ako ng puwersa! Gusto kong isiping nakikita ako pero sa dilim na iyon ay malamang na nangangapa rin lang iyon... kung sino man iyon!"Mabilis na natakpan ni Angeli ang bibig ng kamay upang huwag makalabas ang pagsinghap.
"Ang ina niya? Naitanong mo ba kung may dumarating doong package?"
"Wala rin. Gusto na ngang magtaka dahil dalawang beses ko nang itinanong. Wala rin sa condo unit ni Angeli."
"Kung ganoon ay kailangang ngayon na natin tapusin ang kaibigan mo habang tulog na tulog. Kung ihahagis natin sa balkonahe ay madaling isipin ninuman na nagpakamatay ito. Na nasisiraan na ng bait. Kung nakaligtas siya sa akin nang gabing iyon, titiyakin kong hindi sa gabing ito!"
Hindi na hinintay ni Angeli ang kasunod na sasabihin. Sa nanginginig na mga kalamnan ay maingat siyang lumayo sa pasilyong iyon. Kilala niya ang tinig na iyon.
Si Carlos Vergara!
At si Gail... kasabwat si Gail sa pagpatay kay Dirk! At sa pagtatangka sa buhay niya!
Paanong nagawa ng kaibigan niya ito?
Wala siyang panahong isipin iyon. Kailangang makatakas siya. Maingat siyang bumaba ng hagdan at binuksan ang pinto sa harap ng bahay. Gusto niyang magpasalamat dahil hindi iyon nakapinid man lang. Marahil ay nang pumasok si Vergara.
Patungo si Angeli sa kotse niya nang maalalang wala sa kanya ang susi niya. Kung babalik siya sa itaas ay wala nang panahon.
Gusto na niyang mag-panic dahil hindi niya malaman kung saan siya patungo. She ran. Patungo sa dagat. Nasa baybayin ang Jet Ski. Magagamit niya iyon sa pagtakas. Hindi siya mahahabol ng mga iyon sa dagat!
BINABASA MO ANG
My Love My Hero, Hanz (UNEDITED)(COMPLETED)
RomanceAngeli found her boyfriend murdered in his office. Subalit walang gustong maniwala sa kanya. Ayon sa imbestigasyon ay nagpakamatay si Dirk. Nagbakasyon siya sa isang bayan sa norte upang malimutan ang trahedya. Doo'y nakilala niya si Hanz Belleza, a...