Ilang araw na ang lumipas magmula nang paalisin ako ni Eurydice sa bagong tinitirhan niya-sa bahay ni Raphael.
Nagpabalik-balik na ako doon ng paulit-ulit ngunit bigo parin akong mapapayag siyang bumalik sa akin. Paano mangyayari iyon, ni hindi man nila ako pinagbubuksan ng gate, madalas nilang sabihin na wala siya doon. Minsan naman ay deretsahan nilang sinasabi na ayaw niya akong makita lalo na ang makausap.
"nandito ka na naman?" tanong sa akin ni Ate Mina. Mukhang kagagaling niya palang mamili dahil sa mga dala niya.
Tipid akong ngumiti sa kanya.
"alam mo, hindi ko alam kung dapat ba akong maawa sa'yo. Inaraw-araw mo na ang pagpunta dito pero ni minsan hindi ka nilabasan at kinausap ni Ma'am. Palagi kang may dalang bulaklak pero ni hindi man lang niya ito nahahawakan. Halos dito ka na nga matulog sa kotse sa kahihintay na lumabas siya at kausapin ka."
Nakatingin siya sa akin, na parang ako na ang pinaka nakakaawa na taong nakilala niya.
"...bakit mo parin ginagawa to?"
lahat ng sinabi niya totoo. Inisip ko kasi na baka mapagpasyahan niyang kausapin ako, na baka tanggapin niya ang dala kong bulaklak o kahit man lang maawa siya sa akin masaya na ako. Kahit makausap lang siya ng saglit o masilayan lang ang kanyang mukha magiging masaya na ako. Ang kaso kahit makita siya hindi ko magawa, palagi siya nakakulong sa loob ng bahay.
"mahal ko siya. Iyon ang dahilan ko, kahit na anong paghihirap ang pagdaanan ko gagawin ko basta sa dulo siya ang kasama ko."
sapat nang dahilan na mahal ko siya para malampasan ito. Tanging sa pagmamahal na mayroon ako para sa kanya kumakapit. Ito ang nagbibigay ng lakas araw-araw sa akin para bumangon at pumunta dito.
"pagmamahal...o siya, akina iyang bulaklak susubukan kong ibigay."
Iniabot ko sa kanya ang mga ito.
Ngumiti pa ng minsan si Ate bago tumalikod.
Sana maging maayos na ang lahat.
---
"ma'am" pagtawag sa akin ni ate Mina kasabay ng pagkatok niya sa pintuan.
"ma'am?" minsan niya pang pagtawag sa akin.
"Sandali lang ate" bumangon ako mula sa pagkakahiga sa kama.
Pagkabukas ko nang pinto ay nakita ko ang pumpon ng rosas sa kamay niya. Kulay pink ang mga ito-ang paborito ko. Mukhang alam ko na kung saan niya galing ang mga ito.
Inilipat ko kaagad sa kanya ang tingin ko, bago niya pa mahalata na pinagmamasdan ko ang mga rosas na hawak niya.
"bakit ate? May kailangan ka ba?"
Itinaas niya ang mga rosas at parang sinasabi na kuhanin ko ito sa kanya. Pero ipinagsawalang bahala ko iyon at nagkunwaring hindi ko naiintindihan.
"Ma'am hindi naman sa nakikialam ako, pero sana kuhanin mo lang itong dala niyang bulaklak. Naaawa na ako sa asawa mo..."
Hindi ako makatingin ng deretso sa kanya, iniwas ko ang tingin ko.
Kinuha niya ang kamay ko at inilagay dito ang bulaklak.
"...alam kong nasaktan ka sa nangyari, pero nagsisi na siya. Kausapin mo na siya."
wika niya saka ako tinalikuran. Wala na akong nagawa kung hindi pumasok sa kwarto bitbit ang mga ito. Hinawi ko ang kurtina na tumatakip sa bintana. Natanaw ko mula dito si Orpheus na nakatayo at nakasandal sa kanyang kotse. Nakayuko siya at mukhang malalim ang iniisip. Hindi katulad nung huli ko siyang makita ng malapitan na mahaba ang kanyang buhok ngayon ay mukhang bagong gupit na siya.
Tulad ni Ate Mina, naaawa din ako sa kanya. Lahat ng ginagawa niya ay nakikita ko at nararamdaman ko ang sinseridad. Alam kong araw-araw siya kung magpunta dito, araw-araw ay may dala siyang bulaklak. At alam ko ding umaalis lang siya sa oras na makita niyang nakapatay na ang ilaw sa kwarto ko.
Nakikita ko lahat.
Napabitaw ako sa kurtinang hawak ko ng magtaas siya ng tingin at nagtama ang ang mata.
Kita ko sa mukha niya ang kalungkutan. Ang pangungulila na nararamdaman niya.
"EURYDICE, MAHAL KO!" dinig kong sigaw niya. Napapikit ako ng madiin at nagisip.
Panahon na ba para kausapin ko siya? Ito na ba ang tamang panahon para balikan siya?
Pinakiramdaman ko ang sarili ko.
Kaya ko na bang makasama siya? Wala na ba ang sakit na naidulot niya?
Hindi. Hindi pa ito ang tamang panahon.