Nasaan ka?
Mahal ko, bakit mo ako tinatakbuhan. Ang tagal kitang hinanap, kung saan saan na ako nagpunta. Mahal ko, maging sina mama ay nag-aalala na.
Nagpalinga-linga ako sa paligid, nasaan ka na? Masyado na akong nahihirapan na wala ka sa tabi ko, di ko kayang mabuhay ng maayos kung hindi kita kasama.
"Eurydice!" Sigaw ko sa pangalan mo, mababatid ang takot sa boses ko. Nagluluha na naman ang mga mata ko. Hindi ako iyakin, kilala ako bilang malakas na tao. Hinaharap ang mga problema ng may ngiti sa labi.
Nakilala mo ako bilang tao na masiyahin, pero nagbago ang lahat magmula ng iwan mo ako. Bawat araw at segundo ikaw ang iniisip ko. Ikaw ang kailangan ko para magkakulay muli ang mundo ko.
Iba ka mahal ko. Ikaw ang lakas ko, pero ikaw din ang kahinaan ko.
Sa wakas nakita kita, dali-dali akong tumakbo papunta sa direksyon mo. Mabuti nalang at tumigil ka sa pagtakbo.
Yinakap kita, mahigpit na mahigpit na yakap. Dito ko binubuhos lahat ng nararamdaman ko para sa iyo, lahat ng sakit at pangungulila, mahal ko. Batid mo sana na ikaw parin ang tinitibok ng puso ko, ikaw lang.
"Mahal ko, wag mo na akong iiwan. Nakikiusap ako. Maawa ka sa akin." Saad ko. Tuloy-tuloy parin sa pagbagsak ang mga luha ko. Ayaw ko nang mawala ka.
"Bitawan mo ako." Matigas mong wika. Pilit kang kumakawala sa yakap ko. Aykong alisin ang pagkakayakap sa iyo, dahil sa oras na gawin ko iyon parang binitawan ko narin ang pagkakataon ko na bumalik ka sa piling ko. Gusto ko sa tabi lamang kita, dito kalang.
"Hindi ka ba nakakaintindi? Ang sabi ko bitawan mo ako!" Tinulak mo ako palayo, pero nanatili ang pagkaka-hawak ko sa kamay mo. Hindi ako makakapayag.
"Mahal ko, umuwi na tayo sa bahay natin."
"Umuwi? Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo? Hindi ako uuwi kasama mo. Bitawan mo ako." Nagpupumiglas ulit siya upang makawala sa pagkakahawak ng kamay. Pagkamuhi ang makikita sa kanyang mukha.
"Mahal ko, tara na." Sabi ko, uuwi na tayo. Sa bahay natin, makakasama na ulit kita. Bago matulog ikaw ang makikita ko, pagkagising ko mukha mo ang bubungad sa akin. Napakasarap gumising kung ikaw ang unang-una kong masisilayan.
"Hindi mo ba naiintindihan? Hinding-hindi ako uuwi kasama mo. Namumuhi ako sa iyo. Dahil sayo..." bumuhos na ang mga luha sa mata. Tama na. Wag kanang umiyak, mas nasasaktan ako.
"Mahal..."
"Dahil sayo nawala ang anak natin...Dahil sayo..."
Mahal tama na, nakikiusap ako, hindi ko sinasadya. Hindi ko naman ginusto na mangyari iyon, hindi ko ginusto na mawala ang anak natin.
"Ang sakit dito." Tinuro niya ang puso niya.
"Mahal ko, hindi ko ginustong mangyari iyon. Mahal ko siya. Nasaktan din ako nung mawala siya. Pero, mas nasasaktan ako nang mawala ka, ngayong wala ka sa piling ko. Diba magkasama nating haharapin ang mga problema? Nangako ka hindi ba? Malalampasan din natin ito, nang magkasama. Bubuo tayo ng pamilya."
"Nasasaktan ka? Pwes doble ang sakit na nararamdaman ko, ako ang nagdala sa kaya sa loob ng pitong buwan. Ako ang nanay niya. Pero dahil sa ginawa mo, nawala siya. Kasalanan mo lahat ng ito" pinagsusuntok niya ako sa dibdib, nakawala na siya mula sa pagkakahawak ko. Ayaw kong nakikitang kang lumuluha.
Pinunasan ko ang mga ito gamit ang likod ng palad ko, ngunit may sumusunod na patak sa bawat pagpahid ko.
Humakbang ka palayo. Nang akmang hahawakan kita...
"Wag mo akong hahawakan!"
"Eurydice..."
"Sinabi nang wag mo akong hahawakan!" Humakbang ka na naman palayo. Tinitingnan mo ako ng masama, mahal ko tama na . Lalo akong nahihirapan sa ginagawa mo. Maayos pa natin to.
Ilang hakbang na ang layo mo. Ayaw ko ang nakikita ko. Paliit nang paliit ang pigura mo. Mawawala ka na naman ba?
Tumakbo ka, at hinabol kita. Hindi ko hahayaan na mawala ka, gagawa ako ng paraan para maabutan ka. Kahit gaano pa kalayo ang takbuhin mo, kahit gaano pa kabilis. Hahabulin at hahabulin parin kita.
"Eurydice!" Sigaw ko. Bakit sumakay ka sa kotseng iyon?
Napaupo nalang sa kawalan, lalong bumuhos ang luha sa mata mo. Paano pa kita mahahanap? Saan kita makikita?
Babalik na naman ba ako sa walang saysay kong buhay? Sa bahay natin na walang sigla dahil wala ka? Gigising na naman ba ako nang may kulang sa tabi ko? Maawa ka na mahal ko, hindi ko na kaya.
---
11/16/14