Corregidor

163 7 0
                                    

Hapon na nang makarating kami sa Corregidor. Kulimlim pa rin ang langit at may mahinang ambon. Nakatulog kami parehas sa ferry, dala na din siguro sa pagod at sa haba ng byahe namin kanina. Malamig ang hanging sumalubong sa amin sa isla. Sariwa at amoy probinsya kahit alam mong malapit ka pa din sa Maynila. Dumaong ang ferry, at kasama ang iilang pasahero ng huling byahe papunta sa isla, bumaba kami at sinalubong ng replica ng tramvia na syang maghahatid sa amin sa nag-iisang hotel doon, ang Corregidor Inn.

Magkatabi kami sa tram, back pack lang nya ang dala namin, at isang paper bag ng mga napamili kong damit para sa dalawang gabing pamamalagi namin dito sa isla. Hindi pa man kami nakakapaglibot ay kita na agad namin ang ganda ng lugar. Karamihan ng lupa ay natatakpan ng damo at ng matatayog na puno. Walang ingay ng sasakyan at wala masyadong tao na palakad-lakad sa gilid ng kalsada. May ilang mga 'guard house' sa nadaanan namin, nagpapaalala ng nakaraang humubog sa makasaysayang isla.

Unang beses naming parehas na makarating dito sa Corregidor, at kita ko sa mga mata niya ang excitement. Palinga-linga sya at para bang hindi mapakali sa bagong tanawing nakapaligid sa amin. Napatitig ako sa kanya, ngayon lang kasi ako nabigyan ng pagkakataon na mamasdan sya sa nang malapitan na walang ibang iniisip o inaalala. Tinatangay ng hangin ang kanyang manipis na buhok kayat napilitan syang gawin head band ang dala nyang puting panyo na lalong nagpaaliwalas ng kanyang mukha. Napatingin sya sa akin at ngumiti.

"Thank you.", wika nya habang nakatingin sa akin. "Buti na lang nag-resign na ako sa trabaho, pwede na maglakwatsa."

Ngumiti lang ako at lumingon muli sa labas ng tram. Natanaw ko na ang Corregidor Inn na magsisilibing tuluyan namin sa dalawang gabing pamamalagi namin dito. Makaluma ang itsura ng hotel, na bagay naman sa karakter ng buong isla. Pula ang mala-tisang bubong nito at puti ang dingding. Sa unang tingin ay aakalain mong lumang dormitoryo nuong panahon ng Kastila. Malalaki ang bintana nito, ngunit alam mong malaki na rin ang nabago dahil sa mga airconditioning unit na nakalagay sa mga ito. Pataas ang kalsadang tinahak ng aming sinasakyan papasok sa entrada ng hotel. Kapansin-pansin ang mga halamang nakapaligid sa hotel na nakatanim sa mga plantbox na yari sa malalaking bato na pawang mga tahimik na saksi sa pinagdaanan ng isla.

Una akong bumaba ng tram, dala ko ang back pack at ang paper bag. Inalalayan ko sya sa pagbaba. Dalawang babae ang sumalubong sa amin at bumati. Dere-derecho kami papanik sa front desk ng inn, sinundan namin ang mga kapwa turista na kasabay namin sa tram. Sya ang nagcheck in para sa amin at nakipagusap sa reception. Nakatayo lang ako sa lobby at pinagmasdan ang ganda ng lugar.

Makintab ang sahig na gawa sa kahoy, at ang mga dingding ay napapalamutian ng iba ibang larawan mula sa mayamang kasaysayan ng lugar. May ilang mga mesang pinapatungan ng flower vase o kaya ay picture frame. Kaunti lang ang mga tao, mukhang karamihan ay day tour lang at hindi magoovernight.

Lumapit sya sa akin.

"Room is ready, kaso wala na daw guided tour ngayon, bukas na daw ang next schedule.", wika nya.

"Ah, ok lang sa Lunes pa naman ang uwi natin. Mas ok nga makapahinga muna tayo.", sagot ko.

Pumasok kami sa aming kwarto na nasa parehas na palapag ng lobby. Maliit lang, may isang kama na pangdalawahan, TV, at CR. May cabinet na nakalagay sa isang sulok sa likod ng pinto. Puti ang tiles ng sahig at malamyang luntian ang dingding. Simple lang ang puting kisame na nagpaganda sa malamlam na ilaw.

Hindi naman kami nagexpect ng kahit na ano, libre naman lahat to at maganda pa din naman kahit maliit ang kwarto.

Humiga sya agad sa kama, habang nilapag ko sa loob ng isang kabinet ang mga dala namin.

"Ang bilis ng oras, 4 PM na agad, gutom na ako. Meryenda tayo?", aya nya sa akin habang nakahiga at pinagmamasdan ang kisame.

"Sige maghihilamos lang ako, malagkit na mukha ko e."

Tumayo sya agad ng kama at hinawakan ako sa braso.

"Ang arte mo, lika na mamaya ka na maghilamos."

Nakangiti sya sa akin kaya wala na kong nagawa kung hindi ang sumunod.

"Kung di ka lang maganda, naku.", biro ko habang sinasara ang pinto ng kwarto.

Nagtanong kami sa reception kung saan may pwedeng makainan ng meryenda at nagtungo kami doon. Open air ang dining area, isang malaking terrace ng hotel na may mga mesa at upuan. May ilang mga tao, pamilya, couple, barkada. Naupo kami sa pinakasulok na mesa kung saan tanaw na tanaw ang dagat na nakapaligid sa isla.

"Malaki ba tong island?", tanong nya sa akin habang umuupo sa upuang iniatras ko para kanya.

"Hindi naman, mga 5 square kilometers.", sagot ko matapos umorder ng pagkain sa lumapit na waiter.

"Anong lugar yon?", tanong nya ulit sabay turo sa isang bulubundukin na nasa gawin silangan ng isla.

"Di ko sure kung Bataan o Cavite."

"Bakit Corregidor?", tanong nya ulit matapos sumandal sa upuan at tumanaw sa dagat.

"Ha? Sponsor ng quiz bee yung company na nagmamanage nitong resort so yan yung grand prize."

"I mean, bakit Corregidor yung name ng island?", paglilinaw nya sabay tingin sa akin.

Natawa kami parehas.

"Bukas pa yung guided tour di ba?", pabiro kong sagot.

Apatan ang upuan ng mesa, at pinili naming maupo na magkatapat, at iniwang bakante ang mga upuan sa gilid namin. Nasa kaliwa ko ang dagat, at nasa harapan ko si Rose. Salitan kong tinitingnan ang dalawang magandang view sa harap ko.

Ang Kwento ni Lolo BenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon