Kung okay lang sana na huwag nang sumabay sa pagkain upang hindi makaharap si Silas ay ginawa na ni Alaina. Ngunit ang pagpuna at sermon ng magulang naman ang ayaw niyang maging hapunan.
“Siya nga pala, Silas, ano bang plano mo next month? 'Di ba't kaarawan n'yo na nitong si bunso?”
Mula sa pagkain ay napadako ang tingin ng dalaga kay Tatay George nang mabanggit nito ang okasyon sa susunod na buwan. Oo nga pala't magkasunuran lang ang araw ng kaarawan nila ng kaniyang Kuya Silas. Kung hindi pa binanggit ng kaniyang ama ay hindi niya iyon maaalala.
Hugis parihaba ang mesa at may anim na upuan. Nakaupo sa kabisera ang kanilang ama at nasa kaliwang bahagi naman nito nakaupo ang kanilang ina. Magkatabi naman sila sa kanang bahagi nito at nasa katapat niya ang panganay na kapatid.
Sa puwestong iyon ay kitang-kita niya ang pag-upo nito ng tuwid matapos makainom ng tubig sa baso nito. Bahagya pa itong sumulyap sa kaniya bago binalingan si Tatay George.
“'Yong dati lang ho, 'tay. Mas dadamihan na lang po natin ang handa at mag-iimbinta nang mas marami kaysa normal dahil debut na rin naman nitong si Alaina. H'wag na po kayong mag-alala sa gagastusin, sagot ko na po lahat. Sina nanay at Adeline na lang po ang bahala sa dekorasyon.”
Nakatitig lang naman si Alaina rito habang sinasabi iyon ng kaniyang Kuya Silas. Hindi na rin naman bago sa kanila na ito ang laging naglalabas ng pera tuwing kaarawan nilang dalawa mula nang magkaroon na ito ng regular na trabaho. Mataas naman kasi ang sahod nito sa pagiging head supervisor ng isang mall sa sentro. Sadyang simple lang manamit at kumilos itong kapatid niya kaya hindi mapagkakamalang mapera.
“O, bunso, okay lang ba iyon sa iyo?”
Noon lang bumaling ang kaniyang tingin sa ama nang marinig ang tanong nito. Alangan pa siyang nginitian ito matapos sulyapan ang kaharap sa hapag at saka tumango.
Palagi naman siyang um-oo kapag ipinagsasabay na ang handa ng kaarawan nila ni Silas. Minus gastos na rin kasi.
“Okay lang po.” Aniya't ipinagpatuloy na ang pagkain.
Doon na natapos ang pag-uusap tungkol sa kaarawan at napalitan na ng ibang topiko. Tahimik lang naman siyang nakikinig sa pinag-uusapan ng mga nakatatanda. Ngunit dahil ramdam niya ang panaka-naka at mariing pagtitig sa kaniya ng kaniyang Kuya Silas ay sunod-sunod ang naging pagsubo at paglunok niya ng pagkain.
Ang Ate Adeline na niya ang naghugas ng mga pinagkainan kaya siya na lang ang naglinis sa mesa. Pagkatapos ay nagpaalam na rin siya sa kapatid na aakyat na sa kwarto. Kanina pa nasa loob ng silid ng mga ito ang kanilang magulang na nasa ibabang palapag lang din. Tumungo na rin sa sarili nitong silid sa ikalawang palapag ang kaniyang Kuya Silas.
Sinigurado niya munang naka-lock na ang main door ng bahay bago umakyat sa ikalawang palapag. Tinahip ng kaba ang kaniyang dibdib nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Silas at lumabas doon ang lalaki. Madadaanan kasi iyon bago niya marating ang sariling kwarto kaya hindi na siya nakakilos pa nang makita ito.
Ang kaba sa kaniyang dibdib ay hindi mapalis habang sinusundan ng tingin si Silas na naglalakad patungo sa terasa ng kanilang bahay. Maninigarilyo na naman yata ito.
Bigla ay nakaramdam ng kahungkagan ang dalaga. Sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang napaisip habang sinusundan ng tingin ang kapatid na mabuti na lang ay hindi lumingon sakaniyang direksyon kaya hindi siya nakita.
Normal pa ba 'tong kabang nararamdaman ko? Untag niya sa sarili't mahigpit na napahawak sa laylayan ng suot na malaking t-shirt.
Hindi niya kasi mawari kung bakit ganoon na lang siya kung kabahan at naiilang kapag nakikita ang kapatid. Hindi naman 'ata makatwiran iyong nangyari kaninang umaga dahil minsan nama'y nakikita niya itong nakabuhad. Hindi nga lang hubo't hubad, iyong itaas na bahagi lang ng katawan nito at minsa'y naka-boxer lang.
BINABASA MO ANG
Defiance | R18+
Ficción GeneralHanda siyang suwayin lahat para sa taong kaniyang minamahal. Handa silang suwayin lahat para sa pag-ibig na ipinagbabawal. Date started: June 5, 2020 Date finished: - Date published: June 10, 2020