Hindi nawala sina Laurence sa tabi ni Jonathan hanggang sa ilibing ang kanyang ama. Alam naman nilang pinipilit lang ng binata maging masaya ngunit kitang-kita naman sa mga mata nito na labis pa rin siyang nasasaktan sa nangyari.
Ito na ang pinaka malungkot na pasko at pagsalubong ng bagong taon. Tila bumalik sa kanya ang pakiramdam na nawalan. Sobrang hirap na tanggaping nawalan ka ng isa pang tao na sumusuporta sa'yo at pinaniniwalaan ka. Ang masaklap pa hindi siya nakuntento sa pagiging anak. Wari'y marami siyang naging pagkukulang dahil nagpakalugmok siya sa pansariling problema no'ng nakaraan.
Ginawa naman niya lahat upang mapanatiling maganda ang kalusugan ng kanyang ama, Hindi talaga inaasahang ganito ang kahahantungan nito. Maski ang mga kapatid niya ay naging matamlay at hindi maibalik ang dating sigla kahit ano pa ang gawin.
Lumapit si Laurence kay Jonathan na kasalukuyang nakatayo sa libingan ng ama. Nagsipag uwian na ang ibang mga bisita. Pauwi na rin ang kanyang Ina kasama ng mga kapatid niya ngunit gusto pa niyang manatili do'n ng matagal. Sinamahan naman siya ng Sirius pati na si Felicity.
"Nandito lang kami para sa'yo pre."
Tipid lang na ngumiti si Jonathan. "Salamat."
Lumapit sa kanila si Charles. "Oh tara na mga pards baka nagugutom na kayo. Kain tayo sa Winward libre na ni Samuel."
Nagpalitan ng tingin sina Charles at Laurence bago tumingin kay Jonathan. Tumango ito saka nagsimula nang maglakad papunta sa sasakyan.
Tahimik lang sila buong biyahe. Pati na rin ang kapilyuhan ni Michael ay hininto niya muna. Alam naman nilang nag aadjust pa rin si Jon dahil sa nangyari.
Huminga ng malalim si Laurence at tumingin sa bintana. Pinagmamasdan ang paligid sa labas. Kinausap niya ang kanyang mga magulang patungkol sa pag-aaral niya sa Amerika ngunit hindi man lang nagbago ang desisyon nito. Talagang desidido silang pag-aralin siya sa ibang bansa.
Ngayon hindi niya maiwasang mag-alala ng sobra. Hindi pa niya nasasabi ang bagay na ito sa Sirius. Ano naman ang mangyayari kung sabihin niya? Kahit ano pa ang gawin niya alam niyang hindi na magbabago ang desisyon ng kanyang magulang.
Napabuntong hininga siya. Siguro nga ito na ang nakatadhana para sa kanya.
Lumipas pa ang ilang araw na hindi pa rin niya nasasabi ang problema sa kabanda. Sa susunod na linggo ay balik eskwela nanaman sila. Tinatrabaho na rin kasi ang paggawa sa sariling mga kanta. Sabayan pa ng pagpa'practice para sa nalalapit na LPCON sa marso. Lahat ay busy sa kanya-kanyang personal na gawain.
"Men ano bang bumabagabag sa'yo? Parehas lang kayo ni Charles na lutang. Share mo naman d'yan ano bang meron?" wika ni Michael at saka tumabi sa kanya. Inabutan rin siya ng coke in can.
Binuksan niya ang soft drink saka uminom. Nginitian niya si Michael. "Wala naman. Naisip ko lang pre na ang dami lang nangyari nitong mga nakaraan."
Nagkibit balikat si Michael. "Gano'n talaga. Hindi naman pwedeng masaya lang. Laging kasama ng saya ang lungkot natural na 'yon Men."
BINABASA MO ANG
Brightest Star
Teen FictionAng buhay parang tono sa bawat kanta. May pataas at may pababa. Ngunit iisa lang ang hinahangad nito, 'yon ay ang sumabay sa ritmo ng buhay. May panahong nasa itaas tayo, may panahong nasa ibaba. Pero lahat ng 'yon ay magsisilbing leksyon upang mag...