Pumasok ang sasakyan namin sa loob ng isang magarang village. Sa gate ay may mga guard na nagbabantay. Pagkalagpas namin do'n ay may nakita kaming playground at may mga puno sa paligid no'n. Palinga-linga ako sa mga dinadaanan namin. Sobrang nakakapanibago naman ang bago naming titirhan. Malayong-malayo sa mga bahay na nilipatan namin noon.
Nagdesisyon kasi si Papa na lumipat na raw kami ng bahay para malayo sa gulo. Tutal afford na raw nila ni Mama ang lumipat sa bagong bahay. Si Papa ay isang pulis at tumaas na ang ranggo niya kaya mas tumaas na rin ang sweldo niya. Si Mama naman ay isang lisensyadong doctor. Nakatutuwa nga sina Mama at Papa dahil bagay na bagay sila. Isang pulis at isang doctor.
Nabalitaan din daw nila na may malapit lang na university rito na pwede ko raw pasukan. Medyo na-e-excite tuloy ako dahil private school na raw ang papasukan ko. Simula kasi nang elementary ako ay sa public school na ako pinag-aral. Ngayon naman na first year college na ako ay sa private school na.
Napa-wow ako nang makita ko na ang mga bahay sa loob ng village na lilipatan namin. Halos lahat ng bahay ay malalaki at lahat ay may kotse. Medyo magkakalayo rin ang bawat bahay dahil malawak ang village na 'to.
Yes! Makakapag-jogging na ako!
"Sigurado po ba kayo na rito na tayo titira?" hindi makapaniwala na tanong ko habang patuloy na namamangha sa bawat bahay na nadaraanan namin.
"Bakit? Ayaw mo ba?" si Mama ang sumagot sa akin. Nakaupo siya sa passenger seat, katabi ni Papa.
"Hindi naman sa gano'n, pero halatang mayayaman ang mga nakatira rito. Baka hindi tayo makapagbayad ng bahay o nang ibang bills," sabi ko habang nakatanaw sa labas ng bintana.
"Sierra, lilipat ba tayo rito kung hindi namin kakayanin ang mga gastusin? At isa pa, wala na tayong babayaran na bahay dahil nabili na namin ang lupa ng bago nating bahay!" puno ng saya na sagot ni Papa.
"Talaga? Pero paano? Saka, magkano?" hindi makapaniwala na sabi ko.
Natawa silang pareho at hindi pa rin ako maka-get over sa bago naming titirhan. Grabe, parang kahapon lang ay nasa masikip at magulo kaming tirahan tapos ngayon ay instant sosyal na ang magiging bahay namin.
Lumipas pa ang ilang minuto na pagmamaneho ni Papa hanggang sa tumigil kami sa tapat ng isang bahay na may malaking gate. Ibinaba ko ang bintana ng kotse at agad na inilabas ang ulo ko para lang ulit mamangha.
"Wow! Ito na ba talaga ang magiging bahay natin?"
Tumigil kami sa tapat ng isang malaking bahay na may pinaghalong kulay white at green. Lumabas na nang sasakyan sina Mama at Papa kaya bumaba na rin ako.
"Nagustuhan mo ba anak?" rinig kong tanong ni Papa.
Hindi na ako nakatugon dahil nanguna na ako sa pagpasok sa loob ng bahay. Napaawang ang labi ko nang makita ang interior ng loob ng bahay. Napansin ko rin na kumpleto na ang mga appliances at furniture. May malaking T.V at may dalawang mahabang sofa at may isa ring single sofa. Naglakad ulit ako hanggang sa marating ko ang dining area. Kagaya ng inaasahan ko ay kumpleto na nga talaga ang mga gamit.
May kitchen counter pa! At paglabas ko ng pinto sa kusina ay bumungad sa akin ang katamtamang garden.
"Oh, my God! Dream house!" tili ko sa sobrang saya.
"Ayaw mo bang makita ang sarili mong kwarto?" Napalingon ako sa likuran ko at nakita ko si Mama.
"May kwarto ako?!" Tumango naman si Mama bilang pagtugon. Napangiti ako ng malawak at nagsimula ng tumakbo papunta sa second floor ng bahay.
"Dahan-dahan lang baka mahulog ka!" sigaw ni Papa nang magkasalubong kami.
Umakyat na ako sa hagdanan at may nakita akong tatlong kwarto. Binuksan ko ang unang pinto at gano'n na lang ang saya ko nang makita ang dream room ko! Kaya pala tinanong nina Mama last month kung ano ang gusto kong maging disenyo ng kwarto kung sakali raw na magpapagawa kami.
BINABASA MO ANG
The Mystery In Belgia Village
Mystery / ThrillerKuryosidad. Katanungan. Kamatayan. Walang nag-akala sa kanilang lima na ang simpleng pagtugon sa sariling kuryosidad ang maglalagay sa mga buhay nila sa binggit ng kamatayan. Nang mawala ang isa sa kanila, alam nilang sila na ang susunod na biktima...