Napaigik ako sa sakit ng sinubukan kong gumalaw. Pakiramdam ko ay mahihiwa ako sa tuwing pinipilit kong gumalaw. Sobrang higpit ng pagkakatali sa aking mga kamay at paa na tipong naiipit na ang dugo ko.
"Ahh!" Napabaling ako sa kabila nang marinig ko ang palahaw ni Rence.
Naaninag ko siya sa kabilang sulok ng kuwarto, kagaya ko ay nakagapos rin ang kamay niya sa likuran pati na rin ang paa niya. Ang masaklap lang ay magkakonekta ang tali namin sa paa at kamay kaya mas nahihirapan kaming gumalaw.
"Connor!" sigaw ko sa kaniya na nasa kabilang sulok ng kuwarto.
"N-Nasaan tayo?" nauutal niyang tanong.
Nilibot ko ang paningin ko sa buong paligid, tama nga ang hinala ko, nasa isang malawak na kuwarto kami. Walang ilaw sa loob nito at tanging ang ilaw ng buwan na tumatagos sa itaas ang nagsisilbing ilaw namin.
"Brian! Brian! Huwag kang gagalaw!" naagaw ni Rence ang atensyon ko nang magsisisigaw siya.
Bumaling ako sa kabilang sulok at nakita ko si Brian na namimilipit sa sakit. Mukhang hindi pa niya alam na nakatali ang tali ng paa niya sa kaniyang kamay kaya imposibleng makatayo siya.
"Dahan-dahan kang sumandal sa likod mo, Brian. Huwag mo nang pilitin na gumalaw!" sabi sa kaniya ni Connor na kagaya namin ay mahinahong nakasandal din sa pader.
"Ang mga Tita's ang may kagagawan nito, tama ako 'di ba?!" malakas na sabi ni Brian.
Napapikit ako dahil tama ang sinabi niya. Ngayon ay nag-aalala na ako para kina Mama at Papa. Pati na rin sa mga magulang nila. Bakit hindi namin napansin na hindi umiinom ng dala nilang wine ang mga Tita's?
"Maglapit-lapit tayo! Kaya niyo ba?!" sambit sa amin ni Connor at sinubukan nga namin.
Nakita kong ibinagsak ni Brian ang katawan niya sa sahig at saka doon mabagal na gumapang. Ginaya rin namin siya at pilit ko rin iginapang ang sarili ko papunta sa gitna. Hindi na namin inalintana ang mga duming maaaring kumapit sa damit namin. Nabigyan ako ng pag-asa ng makita kong magkakadikit na silang tatlo. Ipinagpatuloy ko ang dahan-dahan na pag-gapang, mahirap dahil katawan lang ang gamit.
"Kaya mo 'yan, Sierra, kaunti na lang!" sabi pa nila.
Natigil ako sa ginagawa kong paggapang ng marinig ko ang tunog ng pagbukas ng bakal na pinto. Pumasok si Tita Lorna na may matamis na ngiti sa kaniyang labi. Natigil naman ang paningin niya sa akin na ngayon ay nakasalampak sa lupa.
"Oh, let me help you, sweetie," sabi nito at lumapit sa akin. Naramdaman ko ang mahigpit nitong paghawak sa buhok ko at saka ako kinaladkad papunta kina Connor.
"Sierra!" sigawan nila.
Pakiramdam ko ay mapupunit na ang anit ko sa sobrang higpit at lakas ng pagkakahatak sa akin ni Tita Lorna. Sumakit din ang hita ko dahil sa ginawa niyang pagkaladkad.
"What? I just helped her!" kunwari'y na-offend na sabi niya sa amin.
Sumandal na ako sa kanila at ngayon ay magkakatabi na kami.
"Nasaan ang mga magulang namin?!" lakas loob kong sigaw sa kaniya.
Napahawak si Tita Lorna sa kaniyang ibabang labi at tumaas ang dalawang mata, kunwaring nagiisip. "Ay! Naiwan pala namin sila sa bahay niyo, pero hayaan niyo na, wala naman kaming interes kina Mare. Huwag din kayong umasa na darating sila dahil sinigurado namin na hindi na sila makalalabas sa bahay na 'yon, haha!" Nagbato kami sa direksyon niya ng matatalim na tingin.
"Kumusta pala ang wine na iniregalo ko sa'yo, Brian? Halatang nagustuhan ninyo!" humahalakhak na ani saad niya.
"Tita Lorna, pakawalan niyo na po kami! Ayaw na po namin dito!" nagsisisigaw na sabi ni Brian.
Naglakad naman palapit si Tita Lorna sa tabi ni Brian at saka dinakot ang dalawa niyang pisngi gamit ang isang kamay lang.
"Anong sabi mo? Ayaw niyo na rito? Bakit, hindi ba kayo nag-e-enjoy?" galit na sabi nito at malakas na binitawan ang pisngi ni Brian. Nag-iwan pa ito ng namumulang marka.
Muling bumukas ang pintuan at sunod naman na pumasok si Tita Mavie.
"Lorna, huwag mo nang pag-aksayahan ang mga 'yan ng oras. Bukas ay kahaharapin na nila ang mga tadhana nila," saad nito kay Tita Lorna.
May dala siyang tray ng pagkain at mukhang sa amin niya ito ibibigay.
"Oh, sige, pakainin mo 'yang mga 'yan. Kayo naman, huwag na kayong mag-inarte dahil huling kain niyo na 'yan!" bulyaw niya bago pabagsak na isinara ang bakal na pintuan.
Marahan na inilapag ni Tita Mavie ang tray ng pagkain sa harapan namin. Hindi siya nagsasalita habang isa-isa niyang inilalagay sa harap namin ang mga pagkain na dala niya. May tig-iisa rin kaming baso ng tubig.
"Paano po kami kakain? Hindi niyo po ba kami tatangalan ng tali?" tanong ko sa kaniya.
"Huwag na kayong maraming request, gamitin niyo 'yang mga bunganga niyo para kumain," mahinahon niyang sabi ng hindi man lang kami tinitignan sa mata.
"Tita Mavie, tulungan niyo po kami. Alam kong hindi kayo sangayon sa ginagawa ng mga kapatid niyo," umaasa kong sabi.
"Sierra, hindi kami totoong magkakapatid. At huwag na kayong umasa na tutulungan ko kayo," matigas niyang sabi at walang ano-ano'y iniwan kami.
Nang sumara na ang pintong bakal ay napabuntong hininga na lang ako. Tinignan ko ang mga kasama ko na ngayon ay tulala na sa pagkain na nasa harapan namin.
"Ano bang ginawa natin sa kanila? Bakit pati tayo pinapahirapan nila?" Nanlulumong saad ni Brian.
"Connor? Ano'ng ginagawa mo?" tanong ko sa kaniya ng ilapit niya ang bibig niya sa baso na puno ng tubig.
Akala ko ay iinom siya kaso itinapon niya ito at natapon ang tubig.
"Bakit mo tinapon?" giit ni Rence.
Hindi naman kami pinansin ni Connor at gamit ang sariling labi ay nagawa niyang ma-iangat ang baso habang nakaipit ang labi ng baso sa kaniyang labi. Nang maiangat niya na ito ay saka niya ito muling ibinagsak.
Nanlaki ang mata namin ng mabasag ang baso. Muling yumuko si Connor at ginamit niya muli ang labi para kumuha ng isang bubog. Medyo kinakabahan ako sa ginagawa niya. Baka mahiwa pa siya ng bubog.
"Tumalikod ka, Sierra, iaabot ko sa kamay mo ang bubog." Naintindihan ko naman ang gusto niyang gawin namin kaya agad na akong pumihit patalikod sa kaniya.
Nakalahad na ang dalawa kong kamay at naramdaman ko na ang pagbagsak ng bubog sa kamay ko at maingat ko itong hinawakan. Pagkalingon ko kay Connor ay nakita ko agad ang ibaba niyang labi na dumudugo.
"Iyong labi mo, Connor!" natataranta kong sabi dahil tumutulo na ito sa baba niya.
"Huwag mo na 'yang pansinin, Sierra, hiwain mo na ang tali ko sa likod!" sabi niya.
Nagdadalawang isip man na baka mahiwa ko siya sa kamay ay nangapa pa rin ako. Kinapa ko muna ang tali niya bago ko ito hiniwa gamit ang bubog. Makapal ang tali kaya tumatagaktak na ang pawis ko pero hindi ko pa rin 'to napipigti.
"Kaunti na lang, Sierra, huwag kang titigil," giit ni Connor.
Ipinagpatuloy ko nga ang paghiwa at halos mapunit ang labi ko sa pagngiti ng maramdaman ko ang pagkaputol ng tali ni Connor.
"Yes!" bulalas ni Connor at agad na inalis ang tali niya sa paa. Natagalan pa siya dahil sa higpit ng pagkakatali.
Nang kami na ang kakalagan niya ay ginamit rin niya ang bubog na nakuha namin kanina para mas mapadali. Napahawak ako sa kamay ko nang maalis na ang tali ko. Ako na ang nag-alis ng tali ko sa paa at para akong nakahinga ng maluwag ng makatayo na ako.
Pare-parehas na kaming nakatayo ngayon sa harap ng pinto at ang kailangan na lang namin gawin ay makalabas sa pintuan na 'to ng hindi kami nahuhuli ng mga Tita's at ang makaalis sa lugar na 'to ng buhay.
BINABASA MO ANG
The Mystery In Belgia Village
Mystery / ThrillerKuryosidad. Katanungan. Kamatayan. Walang nag-akala sa kanilang lima na ang simpleng pagtugon sa sariling kuryosidad ang maglalagay sa mga buhay nila sa binggit ng kamatayan. Nang mawala ang isa sa kanila, alam nilang sila na ang susunod na biktima...