Sa kalagitnaan ng gabi ay maririnig ang munting hagulgol at pagmamakaawa ng isang dalagita. Nagmamakaawa para sa kaniyang buhay. Mahigpit ang pagkakahawak sa kaniyang buhok habang hinihila siya ng taong nakamaskara papunta sa isang silid. Bumukas ang pintuan kasabay ng pagtulak nito sa babaeng walang kalaban-laban at nanghihina na rin dahil sa ilang araw na walang kain. Wala na itong sapat na lakas upang makatayo sa sarili nitong mga binti at tumakbo upang makahingi ng tulong.
"P-Please, pakawalan niyo na po ako! Gusto ko ng umuwi sa amin..." Nasundan ito ng isang palahaw matapos mahiwa ang kaniyang kanang pisngi.
Ang kaninang takot na kaniyang nararamdaman ay mas lalo pang dumoble nang makita niya ang hawak ng isa sa mga taong nakasuot ng maskara. Sa kaliwa nitong kamay ay mahigpit ang pagkakahawak sa itak na kaniyang dala.
"Tulong! Tulungan niyo ako—"
Napatigil ito sa pagsigaw ng sunod na hiwain ang kaniyang leeg. Umagos dito ang napakaraming dugo at kinailangan niya itong hawakan kahit na marumi ang kaniyang kamay upang mapigilan ang pagsirit ng dugo mula sa kaniyang lalamunan.
"Iyan ang napapala ng mga pasaway. 'Di ba sinabihan ka na namin na huwag gumawa ng kahit na anong ingay? Maglalaro lang naman tayo kaya huwag ka ng matakot," saad ng isa sa mga nakamaskara at nagawa pa nitong himasin ang ulo ng babae na parang alaga niyang aso. Namilog ang parehong mata ng dalaga ng maramdaman nito ang talim ng kutsilyo sa gitna ng kaniyang dibdib, nakasentro sa kaniyang puso.
Lingid sa kanilang kaalaman, may dalawang estudyante ang napadaan sa labas ng abandonadong bahay.
"Sigurado ka bang dito tayo dadaan? Hindi mo ba alam 'yong sabi-sabi ng iba na huwag na huwag kang dadaan sa street na 'to lalo na't kapag nakalubog na ang araw dahil sa ganitong oras daw nagpaparamdam 'yong kaluluwa sa abandonadong bahay!" giit ng isang estudyanteng babae sa kasama nitong kaibigan.
Sandali siyang tinitigan ng kaibigan bago natawa. "What? Ano ka ba, bakit ka naman nagpapaniwala sa mga ganiyang kuro-kuro? Saka, mas mapapabilis tayo kung dito tayo dadaan, 'no," pangbabalewala sa sinabi ng kasama.
Nag-aalangan man ay sumunod pa rin ito sa kaibigan. Sa tuwing may maririnig na kaluskos ay panandalian nitong mahihigit ang hininga. Mahigpit din ang pagkakahawak nito sa magkabilang strap ng bag habang palinga-linga sa bawat bahay na madadaanan, tila ba alerto sa lahat ng nasa paligid.
"Sandali lang! Hindi mo ba 'yon naririnig?" Hinigit nito ang uniform ng kaibigan upang panandaliang huminto. Pareho silang nakatigil sa tapat ng isang madilim na bahay. Sapat na ang isang tingin upang patindigin ang mga balahibo sa kanilang katawan.
"Ahhh!"
Nagkatinginan ang magkaibigan na may nanlalaking mata nang marinig ang isang malakas na palahaw na naghatid ng matinding takot sa kanilang pareho. Sabay silang napatili saka kumaripas ng takbo palayo sa abandonadong bahay.
Sa loob naman ng silid ay nakahandusay na sa sahig ang walang buhay na katawan ng dalagitang pinahirapan ng paulit-ulit. Naiwan pang nakabukas ang mga mata nito habang nakaawang ang labi.
"Hindi lang tayo ang mawawalan. Sisiguraduhin ko na lahat ng nakatira rito ay magdurusa rin katulad natin." Puno nang pighati at galit ang boses nito habang patuloy ang pagdaloy ng luha sa kaniyang pisngi na may bahid ng dugo.
BINABASA MO ANG
The Mystery In Belgia Village
Mystery / ThrillerKuryosidad. Katanungan. Kamatayan. Walang nag-akala sa kanilang lima na ang simpleng pagtugon sa sariling kuryosidad ang maglalagay sa mga buhay nila sa binggit ng kamatayan. Nang mawala ang isa sa kanila, alam nilang sila na ang susunod na biktima...