Pakiramdam ko ay natuod na ako sa kinauupuan ko dahil kay Tita Vanice ang boses na narinig ko. Nakabalik na ulit siya sa loob at nakikipagkantahan na sa mga kapatid niya. Nang marinig ko ang boses niya kanina ay nataranta ako at napindot ang end call. Alam kong hindi tama na mangbintang na lang kami ng basta-basta. Kahit na sa kaloob-looban ko ay may pagdududa na ako sa kanila. Wala naman akong makitang dahilan para gawin nila ang mga gano'ng klase ng krimen.
Nabaling ang paningin ko kay Mama na ngayon ay masayang nakikisabay sa pagkanta ni Tita Vanice. Ipinilig ko ang aking ulo at nilingon ang mga katabi ko na ngayon ay tahimik din at mataman na pinapanood sina Mama. Siguro ay may mga nabubuo na rin sa kanilang isipan ngunit pinipigilan lang nila ang kanilang sarili na huwag magsalita. Kahit si Brian na kanina ay todo ang pagkain ngayon ay natahimik na lang din at napatulala.
Sa lalim ng iniisip naming apat ay hindi namin namalayan na nakalapit na pala sa amin si Mama.
"Hindi niyo ba nagustuhan ang niluto ko? Parang ang tatamlay niyong kumain, eh," pabiro niyang puna sa aming apat.
Nakita ko naman na nahihiyang ngumiti si Brian. "Masarap po, Tita. Medyo nabusog na nga po ako, eh," pagdadahilan niya.
"Naku! Basta, ha, kumuha lang kayo kapag gusto niyo pa. Marami pang pagkain do'n."
"Sige po, Tita," sagot ni Rence.
Iniwan na ulit kami ni Mama at bumalik na siya sa puwesto nilang matatanda. Nagbaba ako ng tingin sa pagkain na nasa harapan ko at tamad itong tinusok gamit ang tinidor saka isinubo.
Ang daming nangyayari nitong nakaraang linggo at sa sobrang dami ay naguguluhan na ako—kami. Hindi ko pa alam kung sasabihin ba namin kay Inspector Toribio ang tungkol sa nalaman namin ngayon. Baka kasi nagkakamali lang kami at wala talagang kinalaman si Tita Vanice. Paano kung setup lang ang phone call para siya naman ang mapagbintangan? Ayokong magbintang.
"Sierra..."
Natigil ako sa pag-iisip ng tawagin ako ni Connor. Binalingan ko sila at nagtama ang mata namin ni Connor.
"Ano 'yon?"
"Ngayon na alam na natin kung kanino ang nag-iisang number sa cellphone ni Tito Samuel, ibig sabihin ba nito ay sila na rin ang hinahanap natin?" mahina niyang sabi.
"Saka, sasabihin ba natin kay Inspector Toribio? Kasi 'di ba pumayag na tayo na makipagtulungan sa kanila?" si Brian naman ang sunod na nagsalita.
Tama siya. May kasunduan na kami kay Inspector Toribio na makikipagtulungan kami sa imbestigasyon nila. Malaki ring tulong ang bagay na 'to kung sasabihin namin sa kanila.
"Kailangan natin sabihin sa kaniya 'yon. At isa pa, hindi tayo sigurado kung nagkataon lang ba na sa kaniya talaga ang number na 'yon o may kinalaman nga siya sa mga krimen na nangyari," mahinang sagot ni Rence kay Brian.
Lumingon ulit ako kina Tita Vanice at saktong nagtama ang mga mata namin. Nginitian niya ako pero isang pilit na ngiti lang ang naisukli ko. Paano kaya kung may kinalaman nga siya sa pagkawala ni Diana?
Siguro ang dapat muna naming gawin sa ngayon ay mas mag-ingat dahil hindi na namin alam kung sino nga ba ang totoong kakampi at hindi. Malay natin, ang taong nakangiti sa harapan natin ay may hawak na palang kutsilyo sa likod niya at handa nang isaksak sa atin kapag tayo ay nakatalikod na.
Itinigil na muna namin ang pag-uusap tungkol sa nangyari kanina lang. Masyado kaming na distract at kailangan muna naming mag-enjoy kahit na papaano.
Kami naman ang inalok nila na kumanta dahil napapagod na raw sila. Si Brian naman ang unang inabutan ng microphone kaya wala na siyang nagawa nang magsimula ng tumugtog ang kantang Bakit ba Ako na kanta ni Jessy Zigzag. Nagtawanan kami ng pumiyok siya sa chorus. Kahit na nagkandapiyok-piyok na siya ay tinuloy niya pa rin ang kanta at sa huli ay ang naging score niya ay 98. Dahil do'n ay binibiro siya nina Rence na kailangan daw palang pumiyok para makakuha ng high score.
"Next week nga po pala birthday ko. Gusto ko po sanang ipaalam si Sierra," parang bata na sabi ni Brian sa harapan nina Papa.
"Aba, magbi-birthday ka pala? Imbitado ba kami diyan?" biro ni Papa.
"Opo, punta po kayo ni Tita."
"Kami, hijo? Ayaw mo ba kaming imbitahin?"
Natigilan kami ng magsalita si Tita Lorna. Tinignan ko si Brian at mukhang hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
"I-Invited din po kayo..." parang hindi sigurado na sabi ni Brian.
"Sabi mo 'yan, ah? Pupunta kami," sagot ni Tita Vanice na may kasama pang ngiti.
Napahawak ako sa kamay ko dahil bigla akong kinilabutan sa paraan ng pagngiti niya. Kung noon ay parang normal lang, ngayon ay napapansin ko na lahat ng galaw nila. Gusto ko sanang sabihan si Brian na hindi niya na dapat inimbita sina Tita Lorna dahil hindi pa naman kami sigurado pero, huli na.
Ipinagpatuloy na ulit namin ang pagkanta at kahit ako ay hindi rin nakatakas sa pamimilit nila. Si Brian naman ay sinulit na talaga ang luto ni Mama. Si Connor naman ay nando'n at busy sa pakikipagusap kay Papa. Si Rence naman ay nasa tabi nina Mama at sigurado ako na siya na ang sunod na pakakantahin kaya dapat lang na maghanda na siya.
Nang mag-alas sais na ay kinailangan na nilang umuwi. Lalo na si Rence dahil malayo pa ang bahay niya. Dahil marami pa ang handa ay pinatulong na muna ako ni Mama na magbalot para sa mga iuuwi ng bisita namin.
Binalutan ko silang tatlo at sinigurado kong marami ang kay Brian dahil pabulong niyang ni-request 'yon. Ipatitikim daw kasi niya sa mommy niya.
"Mga, hijo, mag-ingat kayo sa pag-uwi. Lalo na't hindi pa rin nahuhuli ang mga taong nasa likod ng pagkapahamak niyo." Nang sinabi 'yon ni Mama ay hindi ko napigilan ang paglingon ko sa gawi ni Tita Vanice.
Mabilis din akong nag-iwas ng tingin ng lingunin ako ni Tita Mavie.
"Opo, Tita, mag-i-ingat po kami," magalang na tugon ni Connor kay Papa.
"Ihahatid ko na lang itong si Brian dahil malayo pa ang bahay. Si Connor naman ay sa tapat lang at si Rence naman ay may sasakyan. Baka madukot pa 'to sa pag-uwi," sabi ni Papa kay Brian na may halong pagbibiro.
"Hala, thank you po, Tito!" wika ni Brian saka sumunod kay Papa. Kumaway pa muna ito sa amin bago umalis.
"Alis na rin kami, Mare!"
"Mag-ingat din kayo, ha!" paalala sa kanila ni Mama.
Binalingan naman nila ako ng tingin at isa-isang bumeso. Pagkalapit ni Tita Vanice ay naglapat ang magkabila naming pisngi at nagsimula siyang magsalita ng mahina.
"Lahat ng bagay ay may limitasyon. Alam niyo dapat kung hanggang saan lang ang puwede niyong apakan. Who knows? You might be standing on a landmine, dear." Tumigas ang ekspresyon sa mukha ko ng marinig iyon.
BINABASA MO ANG
The Mystery In Belgia Village
Mystery / ThrillerKuryosidad. Katanungan. Kamatayan. Walang nag-akala sa kanilang lima na ang simpleng pagtugon sa sariling kuryosidad ang maglalagay sa mga buhay nila sa binggit ng kamatayan. Nang mawala ang isa sa kanila, alam nilang sila na ang susunod na biktima...