Chapter 13: Drama King

244 24 1
                                    

"Hanggang anong oras ba tayo tutunganga rito? Nagugutom na ako."

Tinignan ko ang katabi ko na si Brian. Nakabusangot na ang mukha niya at tamad na nakatingin sa labas. Kahit ako ay naiinip na rin dahil mag-iisang oras na kaming nandito.

"May pagkain d'yan sa likod niyo. Hihintayin lang natin na mawala 'yong ibang customer saka tayo lalabas," sabi ni Rence habang matiyagang nanonood sa labas ng sasakyan.

"Kainin ko na 'to, ha?" sabi pa ni Brian pagkaabot ng isang paper bag sa likuran niya.

Kinuha ko ang isang burger at inalok silang dalawa pero tumanggi si Rence dahil abala siya sa pagbabantay sa suspect namin. Si Connor naman ay tinanggap ang burger na inalok ko.

"Malapit ng mag-alas otso, maya-maya lang din lalabas na tayo. Alam niyo na ang mga gagawin," paalala ni Rence, hindi naaalis ang paningin sa labas.

Nang mag-dismissal kami kaninang alas sais ay umuwi lang kami saglit sa mga bahay namin para makapagbihis ng pambahay dahil hindi puwedeng malaman ng suspect kung saan kami nag-aaral. Hindi ako nahirapan makaalis ng bahay dahil wala pa naman sina Mama at Papa. Mamaya pang alas diyes ang uwi ni Papa at si Mama naman ay mamaya pang alas sais. Kaya kahit abutin ako rito ng alas nuebe ng gabi ay ayos lang.

Maliban na lang kay Brian na kinailangan pang magsinungaling para payagan ulit siyang makalabas. Sinabi niya na may project kami sa bahay nina Rence at nasa kanila ang mga materials. Sa huli ay pinayagan na rin si Brian. Pinabaunan pa nga kami ng pagkain ng mommy niya pero nakain na namin 'yon kanina pa. Napasulyap ako sa wrist watch ko at isang minuto na lang ay lalabas na kami.

Medyo kinakabahan ako sa gagawin namin kahit na nasa public place naman kami. Ang plano kasi namin ay iisa-isahin namin ang tatlong lead ng mga pulis. Kahit na sigurado akong babae ang isa sa kanila.

Dahil si Henry Tolentino ang pinakamalapit ay siya ang una sa list namin. Nakalagay sa data niya na dati siyang drug addict at ngayon ay kalalabas lang sa isang rehab center. May saksing nakapagturo na nakita raw niya si Henry Tolentino na sapilitang pinapasok sa van ang isang binatilyo at kalauna'y natagpuang patay.

"Let's go," giit ni Rence at nauna nang lumabas ng sasakyan.

Bumaba na rin kami ng sasakyan at sumunod sa kaniya. Tumawid na kami sa kalsada at iniwan ang sasakyan ni Rence roon. Pagkalapit namin ay saktong kinakausap na ni Rence ang isa sa mga empleyado ng talyer.

"Pasensya na, sir, pasara na po kami, eh," tanggi nito sa kaniya.

Magpapanggap kami na nasiraan ng sasakyan at gusto namin na si Henry ang magtitingin sa sasakyan para maisama namin siya sa kabilang kalsada at doon makikipag-usap sa kaniya.

"Sir, gusto lang po namin ipatinggin ang sasakyan ng kaibigan namin kasi po mukhang may problema, eh. Baka naman po puwedeng kahit isa sa mga empleyado niyo na lang po ang tumingin kung may problema po ba talaga," biglang singit ni Connor.

Napabaling sa kaniya ang lalaki na kinakausap ni Rence at mukhang hindi pa rin ito papayag ng bigla siyang tumango.

"Henry! May last customer pa tayo. Ikaw na ang tumingin kung ano bang problema sa sasakyan ng mga batang 'to," sabi nito.

Nagkatinginan kaming apat. Mukhang umaayon sa amin ang pagkakataon. Hindi na namin kailangan i-request si Henry dahil siya na talaga ang inutusan.

"Nasa'n ba ang sasakyan niyo?"

Lumapit sa amin ang isang lalaki na kamukha ng nasa picture ni Henry Tolentino doon sa file. May katangkaran at may mga tattoo sa magkabilang braso. Napansin ko rin ang mga hikaw niya sa tainga.

The Mystery In Belgia VillageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon