Chapter 11

1 0 0
                                    

NAGISING ako na nasa kama na ako. Ang huling natatandaan ko ay sa sahig ako natulog. Agad kong nilibot ang paningin ko sa loob ng kwarto, nang hindi siya makita ay lumabas na lamang ako.

Wala na siya,

Napabuntong-hininga na lamang ako at walang ganang pumunta ng c.r.

Di man lang nagpaalam or nag-iwan ng sulat.

Habang naghihilamos sa harap ng salamin, naalala ko ang naisip kong 'yon kagabi. Napangiti ako ng malungkot habang nakatitig sa repleksyon ko.

Hindi ko man lang naisip na baka may girlfriend na siya. Sa edad niyang 'yon, alam kong imposibleng wala. Imposibleng wala siyang minamahal ngayon.

Matamlay akong nagbihis ng uniform para pumasok ng school. Feeling ko lalagnatin ako, hindi ko alam, ewan. Ang alam ko lang, masama ang pakiramdam ko.

"AYOS ka lang?" may bahid ng pagaalalang tanong ni Tintin, tumingin ako sa kaniya at uminom ng tubig pagkatapos ay tumango na lamang ako. Nakakatamad magsalita.

Nandito kami ngayon sa main library, may tinatapos lang akong research. Nakita ni Tintin na papasok ako ng library kaya sumama na lang siya sa’kin.

"Sure?" tanong pa niya at tumango na lamang ako. Sinimulan ko ng magbasa pero wala akong maintindihan. Walang pumapasok sa utak ko.

Naalala ko uli si Jay, ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Nasa bahay ba nila siya ngayon? Nasa trabaho? O baka nandoon siya kung saan kasama ang babaeng mahal niya?

Namayani ang lungkot sa katawan ko dahilan para sumama lalo ang pakiramdam ko. Hindi ko namamalayan na nakatitig lang ako sa librong nasa harap ko. Napabuntong-hininga na lamang ako saka nagpaalam kay Tintin.

Lumabas ako ng Gonzalez Hall at dinala ako ng mga paa ko sa pwestong pinaghintayan niya sa'kin dati. Malayo ako sa pwestong 'yon at nakatitig mula roon. May dalawang tao na nakaupo sa pwestong 'yon, at wala siya sa dalawang taong nakaupo roon. Yumuko na lamang ako at tumalikod na para umalis.

Napapikit ako dahil sa hilo. Nilalagnat nga siguro ako. Agad akong pumunta sa next subject ko para makaupo na. Hindi ko na kaya ang hilo. Hindi ko alam kung bakit pa ako pumunta roon gayong alam ko naman na hindi at wala siyang balak pumunta dito.

Wala naman siyang dahilan para pumunta dito.

HAPON na, at ramdam kong nilalamig na ako. Balak ko sanang pumunta muna kay Kirsten para magpaalam na hindi muna ako papasok kaso napag-isipan ko na huwag na lang. Sayang ang kita.

At sa kamalas-malasan, nakalimutan kong pumunta ng clinic para makahingi ng gamot man lang. Bahala na nga.

Umuwi muna ako sa apartment para magpalit ng damit. Nagdala ako ng jacket at lagyanan ng tubig. Walang gamot sa apartment at malayo pa rito ang drug store. Napagpasyahan kong sa shopping center na lang ako bibili.

"THANK you, Ma'am," mahinang sabi ko at ngumiti ng tipid, inabot ko sa kaniya ang paperbag na may lamang mga pastries na binili niya.

"Ang init mo, hija. Dapat nagpapahinga ka na lang," sabi niya. Isa itong babae na medyo may edad na. Ngumiti lamang ako sa kaniya, hindi umabot 'yon sa mata.

"Kaya pa naman po," sabi ko at bahagyang yumuko. "Salamat po," dagdag ko pa.

Ngumiti lamang ito at inabot ang bayad. Pagkatapos ay umalis na, sinundan ko siya ng tingin habang papalayo. Huminga ako ng malalim para pigilan ang pagluha ko.

Naalala ko ang nanay ko, kung nabubuhay siguro siya ngayon, kasing-edad na rin niya siguro ang babaeng 'yon. Binibilhan siguro niya ako ng pasalubong gaya ng babaeng 'yon. At pinapaalahanan niya rin siguro ako na magpahinga katulad ng babaeng 'yon. Mapapasalamatan ko pa siguro siya sa pag-aalaga sa'kin noong bata pa 'ko katulad ng pagpapasalamat ko sa babaeng 'yon.

At kung nabubuhay pa siguro siya ngayon, siguro inaalagaan na niya ako.

Ang hirap-hirap mamuhay mag-isa. Ang hirap.

Yumuko na lamang ako at pinunasan ang nangilid na luha. Umupo na lamang ako at sumandal sa upuan. Kinapa ko ang leeg ko at hinawakan ang noo ko. Naramdaman kong mas uminit pa lalo ako kaysa kanina.

Nakalimutan kong bumili ng gamot.

Kaso wala pa akong kain kaya mamaya na muna.

9:30 na ng gabi nang pauwiin ako ni Ma'am, ang may-ari ng stall na 'to, nalaman kasi niyang masama ang pakiramdam ko.

"Jusko hija! Ang taas ng lagnat mo! Dapat pinaalam mo na lang kay Kirsten ito, kung hindi pa sinabi sa akin ni Manong Jun, hindi ka pa makakauwi," sabi niya matapos niyang hawakan ang noo ko para icheck. Umiiling-iling na lamang siya.

Napadaan kasi si Manong Guard sa harap ng stall, nakita niya siguro akong matamlay at nireport 'to sa kaniya. Napabuntong-hininga na lamang ako at yumuko sa harap niya.

"Pasensiya na po, Ma'am," mahinang sabi ko. Wala na akong lakas pang magsalita. Sa ngayon, gusto ko na lamang matulog at magpahinga.

Inabot niya ang 500 pesos sa harap ko. Napatingin ako sa kaniya at umiling.

"Ma'am kahit 300 na lang po, di ko po natapos-"

"Huwag mo ng alalahanin 'yon, ibili mo na lang 'yan ng gamot at makakain mo," sabi niya at kinuha ang kamay ko para ilagay ang pera doon.

Yumuko uli ako sa kaniya at nagpasalamat. Kinuha ko na ang bag ko at nagpaalam na sa kaniya. Nagpasalamat uli ako bago umalis.

Nagpaalam na rin ako kay Manong Guard na nadaanan ko.

"Sa susunod, 'wag mo ng gawin 'yon Sofia, hindi biro ang sakit na lagnat. Ang sakit ay sakit pa rin." sabi niya at ngumiti sa'kin. Napatango na lamang ako. "Osiya, magpahinga ka na," sabi niya.

"Salamat po," mahinang sabi ko at bahagyang yumuko.

Naglakad na ako papalabas ng shopping center para mag-abang ng tricycle or jeep. Nang makakita ay agad ko itong pinara.

Hindi ko alam pero iniisip ko na sana, sana makita ko si Jay. Kahit man lang siya makita ko para kahit papaano gumaan ang pakiramdam ko. Kahit 'yon lang.

Agad akong bumaba ng tricycle at nagbayad. Naglakad ako ng konti papuntang tabi ng kalsada para mag-abang ng jeep pauwi.

Habang naghihintay ng jeep, biglang lumakas ang hangin at sinabayan ng isang malakas na kulog. Bahagya akong nagulat at hinigpitan pa lalo ang pagkakasuot sa jacket.

Sana hindi umulan, please. Wala akong payong!

Maraming jeep na dumadaan pero hindi yun yung daanan papauwi kaya naghintay pa ako ng konti. Ayokong maabutan ng ulan. May humintong jeep sa harapan ko pero hindi ako sumakay, hindi kasi yun ang daan pauwi 'e. Nang umandar ang jeep ay halos madurog ako sa nakita ko sa kabilang kalsada.

Napahawak ako sa jacket ko, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Kumurap ako ng ilang beses para pigilan ang pamumuo ng luha ko. Parang may nagbara sa lalamunan ko habang nakatingin doon.

Tama nga ako,

Masayang makita ang mga ngiting niyang 'yon pero masakit pala kapag iba ang dahilan ng pagngiti niya.

Nakatingin lang ako sa kaniya, sa kanila, na masayang kumakain at nagtatawanan habang nakasilong sa isang malaking payong ng isang tindahan.

Habang ako, hindi alintana ang unti-unting pagbagsak ng ulan at masamang nararamdaman. Hindi alintana ang pagbagsak ng luha at tingin ng ibang tao.

Sofia, nakita mo na siya. Hindi ba dapat masaya ka ngayon, at gagaan na ang pakiramdam mo?

Pero bakit kabaliktaran ito ng sinasabi ng puso mo?

Gusto ko lang naman siya makita, bakit naman may kapalit na sakit?

••••••••••

Please vote and comment! Lablots!

Whispering Flame (MP SERIES #1)Where stories live. Discover now