Chapter 12

1 0 0
                                    

MALAMIG, ayan ang nararamdaman ko habang nagtatakang napatingin sa lugar na ito. Nandito ako ngayon sa Sunken Garden ng UP. Nakauniform ako at may suot na bag. Nagtataka lang ako dahil sa ibang halaman rito na alam kong hindi dapat naroon at iba ang pagkakapuwesto. Iniba na ba nila?

Napatingin ako sa dalawang taong nagtatawanan sa ilalim ng punong 'yon. Napakunot ang noo ko, bakit sila lang ang tao rito? Wala ba silang klase?

Napalingon-lingon ako at kita kong wala ngang ibang tao. Kung ganoon, anong ginagawa ko rito? Dapat nasa klase na ako, baka mapagalitan pa ako.

Akmang maglalakad na ako nang marinig kong nagsalita ang babae.

"Robert, ano ba 'yang ginagawa mo?"

Robert? Napalingon ako sa dalawang tao na 'yon. Ang sinabi ba niya ay Robert? Kung ganoon, tinignan ko ang babaeng nakangiting pinagmamasdan ang lalaking nasa tabi niya.

Nilingon at tinitigan ng lalaki ang babae na para bang sa kaniya lang naikot ang mundo nito.

"Mahal na mahal kita, Lia."

Agad nanlaki ang mata ko at napatakip sa bibig nang marinig ang sinabi ng lalaki. Lumakas ang ihip ng hangin dahilan para manginig ako sa lamig at bumagsak ang luha ko.

Ang nanay at tatay ko!

Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatayo at napatulala. Nakita ko na lamang na ako na lang ang taong nandito. Lumapit ako sa pwesto nila kanina. Dahan-dahan akong naglakad papunta roon. Napahawak ako sa braso ko dahil sa lamig gayong tirik naman ang araw.

Tinignan ko ang punong 'yon. Nakita ko ang mga pangalan nilang nakaukit doon ngunit napatigil ako nang makita ang pangalan niya roon.

A-anong ibig sabihin nito?

Nagulat ako nang may humawak sa kamay ko at nakita ang mukha niyang nakangiti sa'kin habang nasa likod niya ang mga magulang ko. Nagtataka akong napatingin rito.

Napabalik ang tingin ko sa kaniya at nanlaki ang mata nang makitang unti-unti siyang naglalaho. Hinawakan ko siya ngunit tumagos lamang ang kamay ko. Ramdam ko ang sunod-sunod na luhang lumalandas sa pisngi ko. Hindi alintana ang malabong paningin, tuloy-tuloy pa rin ang paghawak ko sa kaniya ngunit natagos lamang ang kamay ko.

Ano bang nangyayari?

Nakita kong pumikit siya at binitawan ang kamay ko.

H-hindi! H-hindi maaari!

"Jay!"

Napabangon ako habang hawak-hawak ang dibdib ko. Tuloy-tuloy pa rin ang pag-agos ng luha ko habang hinahabol ko ang hininga ko. Rinig ko ang kulog at paglagaslas ng ulan sa labas. Madilim ang kwarto. Ramdam ko rin ang panginginig ng kamay ko habang umiiyak.

Bakit ganoon ang panaginip ko?

Nagulat ako nang makita siyang tulog na nakaupo sa tabi ng kama ko habang hawak-hawak ang isa kong kamay.

Anong ginagawa mo rito? Anong ginagawa mo sa panaginip ko? Bakit ka nandoon?

Napahagulgol ako sa hindi malamang dahilan. Hindi ko alam kung anong nangyari, hindi ko alam. Naguguluhan ako. Napatakip ako sa bibig ko dahilan para mabitawan ang kamay niyang nakahawak sa'kin habang nakatingin sa kaniya.

Sino ka ba talaga?

Bahagya siyang nagising at hinanap ng kamay niya ang kamay ko. Agad kong sinubsob ang mukha ko sa braso habang nakapatong sa tuhod, tuloy-tuloy pa rin ang paglandas ng luha ko.

"Sofia? A-ayos ka lang ba?" rinig kong sabi niya dahilan para umiyak ako lalo.

Naramdaman kong umupo siya sa tabi ko at dahan-dahang nilapat ang malaki niyang palad sa likod ko at hinimas-himas ito para patahanin ako.

Nang maalala uli ang panaginip na 'yon ay inangat ko ang ulo ko para tignan siya. Bahagya siyang nagulat at nag-alala nang makita ang luhaan kong mukha.

"Sof-"

Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang yakapin ko siya. Niyakap ko siya ng mahigpit, na para bang takot takot na mawala siya tabi ko. Nagulat siya sa ginawa kong 'yon.

"H-hindi ko a-alam," wala sa sariling sambit ko habang umiiyak. "H-hindi ko alam kung bakit ka nandoon sa p-panaginip ko," sabi ko.

Umiling-iling ako habang yakap-yakap ko siya. Hinawakan niya ang likod ko, "A-ayoko,"

Ayoko, ayoko siyang mawala kung 'yon man ang ibig sabihin ng panaginip na 'yon. Ayoko.

Naramdaman kong niyakap niya ako pabalik, nang mahigpit, dahilan para tumahan ako. Malakas pa rin ang buhos ng ulan at malamig ang simoy ng hangin. Hindi pa rin ako bumibitaw sa pagkakayakap sa kaniya, akmang bibitawan niya ako nang higpitan ko pa lalo ang pagkakayakap sa kaniya at sinubsob ang mukha sa matipunong dibdib nito.

"Sofia, kailangan mo munang magpahinga, may lagnat ka pa rin," mahinahong ani niya.

Umiling ako, "Dito ka lang," mahinang sabi ko. Naramdaman kong bumuntong-hininga siya.

"Kung anuman ang panaginip mo, alalahanin mong nandito ako palagi sa tabi mo," sabi niya para mapahiwalay ako sa pagkakayakap at mapatingin sa kaniya.

Yumuko lamang ako at tumango. Hindi ko pa rin maiwasan alalahanin ang panaginip na 'yon. Sobrang sakit.

Naramdaman kong hinawakan niya ang baba ko para itaas ito at mapatingin sa kaniya. Nakita kong bahagyang nakangiti ang labi niya ngunit ang mga mata niya ay nag-aalala.

"Magpahinga ka na,"

Inalalayan niya akong humiga at inayos ang kumot ko. Nilagay niya ito hanggang leeg ko dahil nanginginig pa ako ng konti dahil sa lamig.

Tinignan ko siya habang inaayos 'yon.

"'Wag mo 'kong iwan,"

Nakatingin lang ako sa kaniya habang nakatitig sa'kin. Nakita kong napatigil siya. Maya-maya pa ay tumango siya at ngumiti.

NAKATITIG lamang ako sa kisame habang nakapulupot ang kumot sa katawan ko. Hindi ko magawang makabangon dahil masama pa rin ang pakiramdam ko. Alam kong umaga na pero hindi pa rin umaayon ang katawan ko at ayaw bumangon.

Kahit masakit at nahihilo ay pinilit kong bumangon, hawak-hawak ang noo ko ay pumunta ako ng banyo para magmumog at maghilamos ng mukha. Napatitig ako sa salamin, grabe naman ang mugto ng mata ko.

Huminga ako ng malalim at lumabas. Napagdesisyunan kong pumasok ng school kahit masakit ang katawan ko. Kaya ko pa naman.

Habang nagawa ng kape ay hindi ko maiwasang alalahanin lahat ng nangyari kagabi. Napapikit na lamang ako. Hindi ko pa rin maintindihan.

Nagulat ako nang bumukas ang pinto at tumambad ang lalaking laging nasa isip ko,

At puso ko.

Ngumiti ito nang makita ako at tinaas ang paperbag na hawak niya.

"Pandesal?"

Napangiti ako at tumango.

Hindi niya ako binigo. Hindi niya ako iniwan.

••••••••••

Please vote and comment! Lablots!

Whispering Flame (MP SERIES #1)Where stories live. Discover now