12 YEARS OLD LEMON'S POV
Palihim akong nakasilip sa bintana at pinananood ang mga batang kasing edad ko na naglalaro. Hindi ko mapigilang mainggit sa kanila.
"Hays, kawawa naman ang nag-iisang anak ng pamilyang charlotte 'noh? Sa kabila ng yaman nila ay walang doktor na nagawang magpagaling sa anak nila." Rinig kong sambit ng katulong sa labas ng kwarto ko.
"Hoy! Tigilan mo nga 'yan! Magagalit sa'yo si madam kapag narinig ka! Halika na't ipagpatuloy na lang natin ang trabaho," suway rito ng isa pang katulong.
Napaismid ako sa narinig ko. Nakaramdam na naman ako ng lungkot at napatingin sa sarili ko sa salamin.
Pinanganak akong may malubhang sakit sa balat. Hindi ko magawang lumabas ng bahay dahil sa oras na tumama ang sikat ng araw sa balat ko ay maaring ikamatay ko. Kaya lahat ng bintana sa bahay namin ay pinasadya talaga para sa akin.
Kasabay ng kawalan ko ng kakayahang lumabas ay sa buong buhay ko rin, hindi ko magawang makalad. Kaya wala na ring bago kung makalabas man ako.
Ngunit sa kabila ng mga sakit ko ay hindi ko nagawang mawalan ng libangan. Mula nang magkaisip ako ay tinuruan na 'ko ng aking ama na gumawa ng mga manika o mga puppet. Kilalang isang magaling na marionette ang ama ko rito sa syudad.
Lalo pang naging masaya ang paggawa ng mga puppet dahil sa kakaibang kakayahan ko. Ang sabi ni ama ay sa kaniya ko raw ito nakuha.
Isa akong tagapagmana ni Glycon at may kakayahan akong kumontrol ng kahit anong manika o puppet. Kaya kong manipulahin ito na parang isang totoong tao kung saan nakararamdam, nakakakita, nakaaamoy, nakaririnig, at nagkakaroon sila ng panlasa.
Sila na ang mga naging kaibigan ko mula ng bata pa 'ko. Pati na rin ang alaga kong puting pusa na iniregalo sa akin ni mama noong ika-pitong taong gulang ko.
"Miss Kievah, nandiyan na po ang inyong ama," tawag sa akin ng katulong.
Labis ang tuwa ko at agad akong lumabas ng silid. Mabilis kong pinaandar ang wheel chair ko papunta sa salas kung saan nag-aabang sa akin si ama.
"Ama!" masayang sambit ko.
Sinalubong ako nito ng isang mahigpit na yakap. "Pasensya ka na kung natagalan ako Kievah. 'Wag ka mag-alala, mayroon akong regalo sa'yo."
Lumawak ang ngiti ko sa sinabi nito. Doon ko napansin na mayroong isang malaking kahon sa likod niya.
"Ano po 'yan?" marahang tanong ko.
Isang ngiti ang sinagot sa akin ni ama at inilipat niya ang kahon sa harap niya.
Tila nanlaki ang mga mata ko at napaawang ang bibig ko nang buksan niya ang kahon. Bumungad sa akin ang isang manika na kamukhang-kamukha ko.
"Nagustuhan mo ba?" nakangiting sambit ni ama.
Hindi ko nagawang makasagot sa kaniya, bagkus ay nilapitan ko ang manikang kaharap ko.
Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Parang ako talaga ang manika. Kasing laki ko ito at detalyadong-detalyado ang mukha. Nang hinawakan ko rin ang manika ay para talagang itong isang tao.
"P-Para sa akin po ito?" hindi makapaniwalang sambit ko.
Isang tango ang sinagot sa akin ni ama na kinasaya ko lalo. Muli ko itong niyakap nang mahigpit.
Nang muli kong tapunan ng tingin ang manika ay nakaisip ako ng ideya. Naramdaman ko ang pagbabago ng mga mata ko.
Nang muli ko itong buksan ay bumungad sa akin ang totoong katawan ko at si ama. Hindi ako makapaniwala sa nagawa ko. Nagawa kong kontrolin ang manika na para bang katawan ko.
BINABASA MO ANG
Lunar Academy: School For The Hunters
FantasyGIFTED SERIES #2 Hide. Hide yourself. Hold your breath and don't make a sound. Look at your surroundings and watch your step. The hunters are here. Genre: Fantasy Language: Tagalog / English ✅COMPLETED Started: June 24, 2020 Finished: August 28, 202...