9 YEARS OLD ELROY'S POV
"Bata, tigil!" Rinig kong sigaw ng mga lalaking humahabol sa amin.
Hindi ko ito pinakinggan. Bagkus ay mas binilisan ko pa ang takbo ko.
Kahit buhat-buhat ko ang apat na taon kong kapatid ay hindi ako huminto man lang para magpahinga. Kailangan namin makaalis dito.
Ang sabi nila sa akin ay gagamutin nila ang kakaibang sakit ng kapatid ko. Pero imbis na gamutin ay kung ano-anong eksperimento ang pinaggagawa nila sa kaniya.
"K-Kuya." Rinig kong sambit ni Aren.
Nasulyap ako sa kaniya nang mabilis habang tumatakbo. "Shh. Magtiis ka muna, iaalis ka na ni kuya rito."
Hindi kalaunan ay nagawa naming makatakas ng kapatid ko. Kahit hindi kami nakalayo masyado ay sapat na ito para hindi nila kami matunton.
"K-Kuya, nagugutom ako," nanghihinang sambit ni Aren.
Namumutla na ang kulay niya at mukhang kahit anong oras ay mawawalan na siya ng malay. Nataranta ako sa inakto niya at mabilis akong napatayo.
"S-Sige. Diyan ka lang ha? M-Maghahanap lang ako ng makakain," pagpapagaan ko ng loob sa kapatid ko.
Inayos ko ang telang nakataklob sa kaniya na nagsisilbi niyang kumot. "Babalik si kuya. Hintayin mo lang ako," muling sambit ko bago tuluyang umalis.
Mabilis akong tumakbo papalabas ng gubat upang makahanap ng makakakain. Nakarating ako sa isang maliit na bayan.
Pasimple akong naglakad sa harapan ng isang nagtitinda ng tinapay at mabilis na dumukot ng iilan dito.
"H-Hoy! Magnanakaw!" sigaw ng tindero.
Agad akong kumaripas ng takbo. Nagsimula akong habulin ng iilang sibilyan sa bayan.
Napaismid ako nang matagpuan ang sarili ko sa isang dulo ng kalye. Wala akong matataguan o pwedeng takbuhan man lang.
"Diyan ka lang, bata!" sambit ng sibilyan na humahabol sa akin.
"Isa kang peste. Mabubulok ka ngayon sa kulungan," dagdag ng isa.
Unti-unti silang naglakad papalapit sa akin, dahan-dahan akong napaatras. Doon ko naramdaman ang pagbabago ng mga mata ko. Inilabas ko sa bulsa ang mga laruan kong sundalo na gawa sa kahoy.
Nang inilabas ko ito ay tila naging kasing laki sila ng tao at pinrotektahan nila ako. Bakas ang takot sa mga mukha ng mga humabol sa akin.
Kinuha ko na ang chansang iyon para makatakas. Mabilis akong bumalik sa pwesto kung saan ko iniwan si Aren.
Hindi nagtagal ang pagtakbo ko nang naaninagan ko na ang pwesto kung saan ko iniwan ang kapatid ko. Ngunit para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makitang tanging ang tela na lamang ang naiwan sa pwesto.
Nabitawan ko ang mga dala kong tinapay at mabilis na pinuntahan ang pwesto. Agad akong nataranta nang wala akong makitang bakas ng kapatid ko.
"Aren!" sigaw ko sa gitna ng gubat.
Inilibot ko ang tingin ko para hanapin ang kapatid ko ngunit wala akong makita. Bumigat ang paghinga ko at para akong masisiraan ng bait.
Siya na lang ang meron ako. Hindi siya pwedeng mawala-
"Kuya!" Rinig kong sambit ng isang pamilyar na boses.
Agad akong napalingon sa batang tumawag sa akin. Nabigla ako nang makita si Aren at isang matandang lalaki.
Kaswal nitong buhat-buhat ang kapatid ko na may hawak na mansanas.
"A-Aren," bulong ko.
"Ikaw ba ang nakatatandang kapatid ng batang ito?" nakangiting tanong sa akin ng lalaki.
BINABASA MO ANG
Lunar Academy: School For The Hunters
FantasyGIFTED SERIES #2 Hide. Hide yourself. Hold your breath and don't make a sound. Look at your surroundings and watch your step. The hunters are here. Genre: Fantasy Language: Tagalog / English ✅COMPLETED Started: June 24, 2020 Finished: August 28, 202...