Paraiso

3 0 0
                                    

Ano ba ang paraiso para sa iyo?
Gusto mo bang makapunta dito?
Halika't isasama kita rito.
Ngunit, bago iyon, gusto ko munang malaman mo ang paraiso ko.

Ang paraiso ko'y ibang-iba sa iba.
Hindi ito tulad ng sa kanila,
Masyadong magarbo, masyadong maganda.
Simple lamang ito pero dito'y masaya.

Hindi ka na gagastos ng pera,
Hindi mo kailangang bumiyahe nang napakahaba.
Hindi mo kailangang tawirin ang karagatan,
Hindi mo rin kailangang akyatin ang kabundukan.

Hindi mo dito maririnig ang mga: huni ng ibon,
Mga hugong ng bubuyog at kulilig,
Bawat hampas ng agos ng tubig,
Sapagkat, hindi ito ang paraisong iyong dinidinig.

Wala rito ang mapuputing buhangin,
Mga luntiang tanim,
Mga punong matatayog,
At isang komportableng kama kung saan ka matutulog.

Pero, paano nga ba naging isang paraiso ito para sa'kin?
Kung wala ni isa sa inyong mga hiling?
Kung hindi naman halatang ika'y pagpapalain,
Sapagkat wala ritong maraming pagkain?

Hindi mga huni o hugong ang iyong maririnig,
Kundi isang hindi mapapatigil na bibig.
Hindi mga punong nagsisitaasan ang iyong makikita,
Kundi ang tumataas na dugo nila ama't ina.

Hindi ka masiyadong makakapagpahinga,
Bagkus ay maraming bagay, sa iyo'y ipapagawa.
Hindi mo makikita ang paglubog ng araw,
Kundi kaming pamilyang lumulubog na sa utang.

Pero kahit na ganito ang naturing kong paraiso,
Masayang-masaya ako sa tuwing ako'y nandito.

Minsan na nga lang makita ang pag-init ng ulo ni ina,
Sa tuwing hindi ako umuuwi nang maaga.
Minsan na nga lang makita ang aking pamilya,
At ang ngiti sa mata ng bawat isa.

Kaya sa tuwing ako'y nandito,
Ramdam ko na ako'y nasa paraiso.
Sapagkat pinalilibutan ako,
Ng mga taong mahal ko.

Dito kung saan lumaki ako,
Dito kung saan isinilang ako.

Tibok ng PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon