Chapter One
UNANG araw ng second periodical exam natin non sa Llano High. Base sa obserbasyon ko, 70.31% ng klase ay nag-review. 'Yong natira ay kumakapit lang sa stock knowledge gaya ko.
Tinaob ko ang answer sheet ko sa ibabaw ng desk. Napahikab at napahilig sa kahoy na upuan. Tahimik ang mga kaklase ko ngayon dahil bukod sa nasa harap ang adviser namin ay abala sila sa pag-compute. Samantalang ako ay maagap na tinapos ang Math. Obvious naman siguro na 'yon ang paboritong subject ko.
"Siguradong highest ka na naman, Alonte," bulong ng seatmate ko na si Ladiao.
Napatingin ako sa gawi niya ngunit iba ang nahagip ng mga mata ko. Napansin kita na mabagal na naglalakad sa harap ng classroom namin. Pasimple kang dumudungaw sa loob. Kunot noo kong sinundan ang vision mo at doon ko natagpuan si Gervacio.
Napangisi ako. Crush mo?
Lalong umangat ang sulok ng labi ko nang humakbang ka paatras para muling sulyapan ang crush mo. Sayang ka, Miss. Babaero ang natipuhan mo. Pwede namang ako?
Pinilig ko ang ulo. Kung mukha ang batayan, lugi na ko kay Gervacio.
Hindi ko pa alam kung anong pangalan mo non pero palagi na kong nakabantay sa bintana. Palagi kitang inaabangan. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil hindi lang ako natuwa, nagandahan din ako sa'yo.
Kulot ang buhok mo, morena, at maamo ang mukha. Alinsunod sa preference ko sa babae kaya hindi ko napigilang humanga sa'yo.
Kaso ang problema, wala akong lakas ng loob na lumapit sa'yo. Mailap ka at reserved na babae. Kung hindi ko pa narinig ang pangalan mo, isang beses sa canteen ay hindi ko pa malalaman.
Kung hindi pa kita sinundan non sa classroom mo, hindi ko malalaman kung anong section mo. Nasa section Love ka. One room apart lang dahil nasa Faith ako, section one.
Sa pagitan nating dalawa ay ang Hope, section Hope. Tamang-tama dahil umaasa na ko sa'yo non.
"Tayo na, Insan! Ano pang hinihintay mo? Pasko?" sabay simangot niya sa'kin.
Nilipat ko muna ang backpack sa kabilang balikat ko bago sumagot. "Mauna ka na. May pupuntahan pa ko."
Umuulan ngayong tanghali kaya nag-aalala ako sa'yo. Halatang wala kang dalang payong dahil kanina ka pa naghihintay sa shed, sa labas ng campus.
Alam ko 'yon dahil kanina pa kita pinagmamasdan mula rito sa sari-sari store ni Aleng Nena. Nagpa-photocopy kami para sa report namin bukas sa ESP.
"May dala ka bang payong?"
Tumango ako sa babaeng pinsan ko na kaklase ko rin. "Ingat ka," saad ko.
Kumaway siya, ganoon din ang mga kagrupo ko habang umaalis. Huminga ako nang malalim at ambang dadaluhan ka nang sumuong ka bigla sa malakas na ulan. Hindi ko pa nabubuksan ang payong ko non.
Mahina akong napamura lalo na nong napanood ko kung paano ka nanginig dahil sa ginaw. Nadaanan mo ko pero diretso lang ang tingin mo sa kalsada. Naglakad ka na para bang wala lang. Samantalang ako ay napapasinghap dahil sa pagiging pabaya mo.
Paano kung magkasakit ka?!
Pero naglaho bigla ang inis ko nang masilayan ko ang malapad mong ngiti. Tumingala ka sa langit habang dinadama ang malakas na buhos ng ulan.
You looked... wonderful.
Natauhan lang ako nong nakalayo ka na. Nagmadali akong sumunod sa'yo habang hawak ko ang brown na payong, na hindi ko ginamit.
Nagpaulan din ako tulad mo. Tanga ko ba? Sorry agad. Gusto ko lang maramdaman kung anong nararamdaman mo ngayon.
T'saka paano mo 'yon nagawa? 'Yong imbes na magalit ka dahil wala kang payong ay nag-enjoy ka pa sa ulan?
Paano ang gamit mo? Paano ka?
Marahas akong bumuntong hininga. Umiling, at bahagyang ngumiti habang nakasunod pa rin ako sa bawat yapak mo.
Paki-dampot naman ako. Nahuhulog na yata ako sa'yo.
"Kainis ka naman, Insan! Puro kasi basketball ang inaatupag mo kaya bumagsak ka!" sermon ng pinsan kong si Rosy Salanta. Ilang beses pa niya kong nahampas dahil sa irita.
Nasa harap kami ng bulletin board ngayon para malaman kung anong magiging section namin sa pasukan. Grade 10 na tayo at halos isang taon ka nang gumugulo sa isipan ko.
"Okay lang. Maiba naman." Nagkibit balikat pa ko kahit na sa loob-loob ay nanghihinayang din.
Nahanap ko ang pangalan ko sa section Bonifacio. Okay lang sana 'yon kung hindi ko nabasa ang Phoebe Herrera sa list ng Rizal. Shit!
Dapat hindi na ko nagulat don dahil naging Top 1 ka nong Grade 9. Dapat din hindi ako nakuntento sa general average ko. Malaki sana ang posibilidad na maging magkaklase tayong dalawa.
"Pati rin si Jemel nalipat! Pa'no na ko nito?" madramang sambit ni Insan.
Tinawanan ko lang siya non kaya lalong nagusot ang mukha niya. Nagulat na lang ako nong biglang nasa harap na kita.
"Uh, excuse me," mahinahon ang tono mo ngunit kunot ang noo. Ang ganda pa rin.
Kung hindi pa ko hinatak ni Insan ay hindi pa ko mahihimasmasan. Shit! Kinausap mo ko! Nagkatinginan tayo! Parang ang sarap maglinis ng kwarto at maghugas ng pinggan dahil sa gaan ng pakiramdam ko.
Hindi ko mapigilan ang ngiti ko habang nakamasid pa rin sa'yo. Hinahanap mo ang pangalan mo sa Rizal. Ngumiti ka nong nahanap mo.
You really deserved that place. I'm proud of you. Sana lang alam mo.
"Crush mo?"
Natigilan ako bigla. Bumaling ako sa pinsan ko na ngayon ay natatawa na. Hindi ko nagustuhan ang ngisi niya. Sinundot-sundot pa niya ang tagiliran ko.
"Ikaw, ah? Hindi ka nagsasabi. Akala ko pa naman si Kyla Tividad ang popormahan mo. 'Yon pala si--"
Napahinto siya nong inakbayan ko siya. Halos sakalin ko siya non kaya pinagmumura niya ko. Tinakpan ko rin ang bibig niya dahil kinukuha niya ang atensyon mo. Mukhang balak niya pang ilaglag ako!
"Manahimik ka, Rosy. Kung ayaw mong i-send ko kay Christian 'yong picture mong nakanganga," banta ko sa kan'ya. Pero imbes na matakot ay kinagat niya bigla ang palad ko.
Wala akong nagawa kun'di ang pakawalan siya. Shit! Bumaon ang ngipin niya.
Humalakhak siya. "Wala akong pakialam, Insan. Mahal ako ng boyfriend ko kaya matatanggap niya pa rin ako!"
Shit!
BINABASA MO ANG
Wistful
RomansaSiguro nga imposible, pero nangarap pa rin si Markus Alonte ng isang Phoebe Herrera. He's been loving her for more than a decade now but he remained invisible only in her eyes. Kahit na bumalik na ito mula sa Canada ay hindi pa rin niya nasabi at hi...