Bulong Sa Hangin

27 2 0
                                        

Sa unang pahina ng ating pagsasama,

Nadama ko ang pagmamahal at pagpapahalaga ng bawat isa,

Oo, mayroong mga bagay na hindi tayo nagkakasundo,

Ngunit sa usapang masinsinan,

Lahat ito'y naglalaho.


Sabay tayong nangarap ng maraming bagay,

Bumuo ng kastilyo,

Para sa pagsasamang walang humpay,

Tayo ay hari at reyna tuwing magkasama,

Taimis at Pepe naman,

Kung sa paligid may matang mapanghusga.


Masaya tayong nag-uusap habang nakatingin sa dalampasigan,

Pinagmamasdan ang takipsilim mula sa durungawan,

At pagsapit ng dilim, sabay pipikit at bibilang hanggang tatlo,

At ang mga hiling natin ay sa mga bituin ibabato,

Bituing mabilis gumalaw sa kadiliman ng kalangitan,

Saan mo naman kaya dadalhin ang aming kahilingan,

Lahat ng iyan, iyong tinuran sa aking harapan,

Ang mga salita mong nagtulak upang ako'y magulumihanan,

Napaisip ako kung hanggang saan ang patutunguhan,

Hindi ng hiling ko, kundi ng daang ating dinaanan.


Ngunit bago pa man ako pumikit ay ulan ang pumatak,

Pagdilat ko, sa isang kisapmata, nasa kabilang dako ka na,

Iniwan akong nag-iisa at naguguluhan pa,

Iniwan mo akong nalulunod sa mga katanungan,

Ang pangakong nakaguhit sa buhangin ay binura na ng karagatan,

Kaya't nandito akong muli sa dalampasigan,

Pumupukol ng mga tanong na sa aki'y sumasakal,

Mga tanong na sa puso ko mismo bumubukal,

Sabay lingon ko sa ating pinanggalingan,

At minasdan ang mga taong dati ay abot kamay ko lang,

Ngunit ngayon ni anino ay hindi na maaninag,

Ang ilaw na aandap-andap.


Huli na nang mapagtanto ko,

Na tinamaan ako sa iyo,

Na bakit sa dinami rami ng tao sa mundo,

Ikaw pa ang minahal ko,

Para pala akong sumusuntok sa buwan,

Na kahit may pinagsamahan ay wala pa rin palang pakielam,

Dahil ang iyong mga salita,

Ay naging bulong na lang sa hangin,

At hindi ko alam kung maririnig ko ba itong muli.


Kaya naman, sa pagbulong muli ng hangin,

Kahit masakit ay pipilitin kong tanggapin,

Dahil katotohanan ang aking narinig,

Na ang pag-ibig ko sa iyo,

Ay hanggang bulong na lang sa hangin.

Words, Poems, PoetryMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon