Nagmamahal, Aurora

159 6 5
                                    

D E D I C A C I O N

Nais kong ihandog ang kwentong ito kay inay Binibining Mia at sa kanyang librong I love you since 1892 na kanyang likha na naging inspirasyon ko sa pagsusulat nitong istoryang ito. Simula noon ay inibig ko na ang kasaysayan at ito ang nagpamulat sa akin upang mapamahal sa sariling kultura, pamumuhay at paniniwala noon. Maging ang kagustuhang maharana, makatanggap ng liham at tawaging binibini ay aking ninais pagkatapos kong basahin ang kaniyang libro. Maraming salamat po!

-Binibining Adhika Hiraya

***

Ano bang mahalagang nandito at kahit na sino ay hindi maaaring pumasok bukod sa mga pinahihintulutan?

"Aray!" dinig kong daing ni Artia. Papagalitan ko sana siya pero bigla siyang napatulala sa kung ano mang bagay na nasa sahig.

"Hindi ba't itong kahon na ito ay nakaguhit sa kwadernong nasa ilalim ng iyong higaan?" tanong niya habang nakatutok pa din ang ilaw at mata sa kahon na sa tingin kong dahilan upang siya'y matalisod. Tama nga siya, isa ito sa mga napaginipan kong may laman na mga liham.

Imbes na pagalitan siya kung bakit niya pinakeelaman ang kwaderno ay inagaw ko mula sa kanya ang phone at umupo upang mas maigi kong makita ang kahon.

"Mahal kong Aurora," basa ko sa nakaukit dito, isa itong kahon na gawa sa kahoy. Ano kaya ang koneksyon ni Senior Damian kay Aurora?

"Aurora may paparating!" natatarantang pasigaw na bulong ni Artia. Agad ko naman siyang hinila papasok sa isang malaking aparador.

"Pakisabit na lamang sa tabi ng isang kuwadro. Pakiusap, pakiingatan" dinig naming utos ni Senior Damian.

Binuksan ko ng kaunti ang aparador upang makita sila. Dalawang lalaki ang may hawak ng isang malaking parihabang nakatakip ng itim na tela na tiyak kong larawan. Dahan-dahan nila itong isinasabit katabi ng isang larawan na kagaya ng isa'y may nakatakip din na itim na tela.

"Maraming salamat, makakaalis na tayo" pasasalamat niya at umalis na sila.

Nakahinga na kami ng maluwag ng marinig namin ang pagsara ng pinto at papalayong ingay ng yapak nila. Lumabas na kami nang tuluyan na silang lumisan. Agad naman naming tinungo ang dalawang larawan na may takip na tela. Sa kuryosidad na malaman kung ano ang nakaguhit dito ay halos sabay pa naming tinanggal ang mga nakatakip dito.

Sabay din kaming napatakip ng bibig sa gulat at 'di mawari kung bakit kami nagkatinginan.

Dalawang larawan, ngunit iisang mukha. Magkaiba ang kulay ng mata, ang isa ay kayumanggi at ang isa nama'y itim. Makikita ang pagsikat ng araw sa likod ng isa at tanglaw ng bilog na buwan sa kabila. Agaw-pansin ang kanilang kuwintas, ang isa ay may nakaukit na 'Aurora' at ito ay halatang gawa sa mamahaling ginto na katulad sa akin, ang isa naman ay isang bilog na may maliit na orasa, sa loob nito ay may itim na buhangin na malapit ng maubos, parang nakita ko na ito dati. Nakasuot ng pulang terno ang isa at ang isa nama'y katulad ng aming uniporme.

Ngunit sa kabila ng pagkakaiba ng dalawang larawan alam kong isa lang ang tumatakbo sa aming isipan ni Artia.

"Bakit kayo magkakamukha?" gulat na tanong nito sa akin.

"Hindi ko din alam. Nagtataka din ako" sagot ko sa kaniya.

Dahan-dahang niyang pinadaan ang palad sa imahe ng babaeng itim ang mga mata.

"Parang nakita ko na ang kanilang kuwintas" wala sa sariling sabi niya.

"Saan?" tanong ko at mas lalong lumapit sa kanya.

"Ang isa ay suot mo, ang isa naman ay suot ni Herera na galing daw kay Arturo".

"Selene! Ano ba?! Ang hirap mo namang gisingin. Nandito na tayo!" bumungad sa akin ang iritang mukha ni Cassy.

Nakatulala lang ako sa kanya dahil agad akong nanibago, para akong galing sa ibang mundo dahil sa panaginip ko.

"Kabisado na kita pamangkin. May napaginipan ka na naman? Ano na naman yan aber? Bangkay na natagpuang patay?" iritang sabi niya ngunit hindi ko siya pinansin.

Tumayo na lang ako at inayos na ang mga gamit ko upang makalabas na ako sa bus. Agad na sinulat ko sa kwaderno ko ang mga salitang kuwintas, paglubog at pagsikat ng araw, Artia, Aurora, Herera, Senior Damian at Arturo. Pagkababa ko ay sumalubong sa akin ang malamig na ihip ng hangin habang napako ang tingin ko sa isang napakalaking arko na may nakaukit na 'Maligayang Pagdating sa Bayan ng San Diego' na halatang nalipisan na ng panahon dahil sa kulay nito.

Unang tingin ko pa lang ay masasabi ko na may nakabalot sa lugar na ito.

Misteryo.

***

Nagmamahal, Aurora (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon