"Ina, totoo po bang hindi tumitigil ang ulang ito magmula nang ako'y isilang? Kaya po ba isang sumpa ang tingin sa akin ng ating banwa (tribu)?" Marahang hinaplos ng butihing ina ang pisngi ng walong taong gulang na anak niya. Malungkot niya itong nginitian tsaka niyakap ng mahigpit."Hindi totoo iyon anak ko, maaaring labis lamang ang kalungkutan ng kalangitan katulad na lamang ng lungkot na ating nadama noong pumanaw ang iyong Baba (ama). Ngunit hindi rin magtatagal ay matatapos din ito. At sa pagkakataong iyon, kikilalanin ka na ng ating banwa (tribu) bilang si Lahid, ang susunod na datu at hindi bilang isang sumpa." Sabay silang tumingala sa madilim na langit na walang sawa ang pagluha.
^~^~^~^~^~^~^~^~^~^~^
SAMANTALA SA KALANGITAN MALAPIT SA KALUWALHATIAN
*Kaluwalhatian - an ancient Philippine version of heaven, known as the sky realm where most deities reside, and is the court of Bathala, the supreme god.
"Ikaw na lamang ang natitira Ulilang kaluluwa." Dumagundong sa Kalangitan ang galit na boses ng makapangyarihang Bathala habang mabilis na nagpupulasan pabalik sa Kaharian ng Kasanaan ang mga alipores ng dambuhalang ahas na kayang lumipad.
*Kasanaan - an ancient Philippine version for the underworld ruled by Sitan.
"Maging si Sitan ay tinalikuran ka na." Nakangising sabi ni Mayari. Ang pinakamagandang diwata na anak ni Bathala, ang diwata ng buwan.
"Ama, iwan na ninyo sa akin ang ahas na ito. Nais kong ipakita sa kanya ang lakas ng anak ng Bathala." Tahimik lamang siyang tinitigan ni Bathala ngunit tumango rin kalaunan at ibinigay sa kanya ang karapatang paslangin ang kaaway.
Nagsimulang maglakad palapit kay Ulilang Kaluluwa si Mayari, habang ang ilan pang mga diwata ay nanatili lamang sa kanyang likuran.
Dahan dahang tinanggal ni Apolaki (diwata ng araw) ang kanyang Sinagkadena sa sugatang ahas.
Kahit nanghihina, nagawa pa ring tumawa ng napakalakas ni Ulilang kaluluwa habang dahan-dahan ding lumalapit sa magandang diwata.
"Masiyado kang bilib sa iyong sarili Mayari, samantalang kalahating diwata ka lamang naman! Hindi mo ba batid na iyang mapagmalaking ugali mo ang kikitil sa iyo?" muli itong nagpakawala ng itim na usok mula sa kanyang bibig. Tinutunaw nito ang alinmang madikitan nito sa kalangitan.
Muling pinairal ng mga diwata ang mga pinagsama samang kapangyarihan, upang pigilan ang usok na magawi sa Kaluwalhatian na konti na lamang ang pagitan mula sa pinaglalabanang kalangitan.
Karamihan sa mga diwata ay pagod na sa pagpapaliit ng pinsala sa Kalupaan. Kung magpapatuloy pa ito ng mas matagal ay tiyak na bibigay na ang mga diwata, maaaring lumubog ang Kalupaan sa tubig dahil sa pagkatunaw ng mga ulap sa Kalangitan na dulot ng usok.
"Makinig kayo! Kitilin ninyo man ang aking ikalawang buhay, ngunit hindi ninyo mapapatay ang aking poot. Kasabay ng aking pagkatalo ay ang pagsibol ng bagong ako! Hindi ninyo ako makikita ngunit iiwan ko ang takot sa inyo. Tandaan ninyo, lilipulin ko kayong lahat sa pagbabalik ko!"
Biglang naramdaman ng mga diwata ang matinding lamig na nagpataas ng kanilang mga balahibo. Ang takot ay patuloy na lumulukob sa kanilang mga puso. Maliban sa makapangyarihang si Bathala.
Sa kabila ng iginawad na sumpa ni Ulilang Kaluluwa na may kalakip na kapangyarihan ng takot, pinilit ni Apolaki na isantabi ang mga ito at buong lakas na isinaksak ang kanyang Sinagtalim sa puso ng dambuhalang ahas, habang si Mayari ay tulala pa rin at ni hindi magawang makapagsalita man lamang.
BINABASA MO ANG
DIWATA: Yugto ng Sumpa
Historical FictionIsang Datung itinuring na sumpa ng Kalupaan. Isang Diwatang isinumpa na nabibilang sa Kaluwalhatian. At isa pang Diwatang isinusumpa ng kanyang nasasakupang Kasanaan. Pag-ibig, pagpapatawad, at pagtanggap. May puwang pa nga ba ang mga ito sa makapan...