KABANATA 4 - Pagkasawi

145 20 1
                                    

Nanginginig kong pinagmasdan ang dugong natatapakan ng aking mga paa, at sinundan ang diwatang pinagmumulan nito.

Hindi, hindi ito maaari. S-siya ba ang may gawa nito?

Paano nga ba ito nangyari?

Isipin mong mabuti Sinagtala.

Ahh, tama. Nagsimula nga pala ang lahat ng ito sa isang simpleng tanong lang.

- - - - - - - - - - - - - - - - - -

"Hindi ba't ang paggising ni Ulilang Kaluluwa at ang muling pagkabuhay naman ni Galang Kaluluwa ang pareho nating tungkulin? Gawin mo ang iyong tungkulin Gayang, at gagawin ko naman ang akin."

"Sino ang iyong tinutukoy, Sumaan?"

Napaharap sa aking kinalalagyan ang dalawa. Si Gayang na gulat na gulat at si Sumaan na walang emosyon lang na nakatingin sa akin.

"W-wala iyon Sinagtala. Aalis na si Sumaan kaya't bumalik na tayo sa kastilyo."

Mahigpit akong hinawakan ni Gayang at inakay na pabalik nang hindi ako sinasagot sa aking tanong.

Napansin ko ang panginginig ng kanyang mga kamay, kaya hinigpitan ko ang hawak ko sa kanyang kamay.

"Hindi mo ibabalik si Sinagtala sa kastilyo, Gayang."

Napahinto si Gayang saka nanlilisik ang mga matang tiningnan si Sumaan habang ako ay naguguluhan pa rin sa nangyayari.

Sino ba ang kanilang tinutukoy? Kahit kailan ay hindi naman sa akin nabanggit ni Gayang o ni ama ang pangalan ng dalawang Kaluluwa na tinutukoy ng lalaking ito.

"Gayang, ayos lamang ako. Kung mayroon kang tungkulin at kailangan mong lisanin ang kastilyo, ay magiging ayos lamang ako nang mag-isa. Hindi mo kailangang mag-alala sa akin."

Baka dahil sa akin ay hindi nagagawa ni Gayang ang kanyang tungkulin. Kaya't hindi ko na siya pipigilan pang manatili rito sa Liblib kahit pa lubha akong malulungkot.

"Hindi Sinagtala, hindi kita iiwan. Halika na't bumalik, baka naroon na ang iyong ama sa kastilyo."

"Binabalaan kita Gayang. Hindi mo ako nanaising salungatin."

Mariin silang nagtitigan ngunit sa huli ay inilabas ni Gayang ang kanyang dalawang maliit na patalim na kanyang sandatang panlaban.

"Huwag mo akong piliting labanan ka Sumaan."

Ano bang pinagaawayan nila? Bakit kailangang humantong sa ganito?

"Gayang! Itago mo nang muli ang iyong sandata. Ikaw Sumaan, umalis ka na dito sa Liblib. Sinabi ko na sa iyo nung una pa lamang, hindi ako sasama sa iyo. Halika na Gayang at bumalik sa kastilyo."

Inakay ko na si Gayang sa kanyang braso saka nagsimulang lumakad. Ngunit hindi pa kami nakakalayo ay bigla na namang nagsalita si Sumaan na ikinalakas ng tibok ng puso ko. Ngunit hindi ko alam kung ano ang tamang tawag sa damdaming dahilan nito.

"Si Gayang kasama ang isa pang diwata ng Kaluwalhatian, ang pumaslang sa iyong ina, Sinagtala. Nanaisin mo pa nga bang manatiling kasama, ang dahilan kung bakit ka lumaking walang ina?"

Dahan-dahan kong nilingon si Gayang. Tulala akong lumayo sa kanya, hindi ako makapaniwala!

"T-totoo ba ito Gayang? Totoo ba ang ibinibintang sa iyo ni Sumaan? Dahil kung sasabihin mong hindi, ikaw ang paniniwalaan ko. Dahil ikaw ang higit kong kilala kaysa sa kanya."

Umaasa nalang ako na sana, itanggi niya.

Sa kanila lang ni ama umiikot ang aking mundo, kaya sa sumunod niyang sinabi ay pinaguho niya ang kalahati nito.

"P-patawarin mo ako Sinagtala. Ngunit hayaan mo akong magpali-----"

"Hindi kita nakilalang ganoon Gayang! Higit sa lahat, bakit ang aking ina pa?! Kaya ba umaasta kang kapalit niya?! Alam din ba ito ni ama?!"

Lumapit sa akin si Sumaan saka hinawakan ako sa magkabilang balikat. Hinayaan ko lamang siya dahil tila nauubusan ako ng lakas dahil sa aking natuklasan.

"Bitiwan mo si Sinagtala!"

Malakas na sumigaw si Gayang saka sinugod si Sumaan, habang unti-unti naman akong ginugupo ng hilo hanggang sa tuluyan nang magdilim ang mga paningin ko.

At sa pag-gising ko, ay wala nang Sumaan sa paligid.

Tanging ang nakahandusay na katawan na lamang ni Gayang ang aking nakikita.

Pagapang ko siyang dinaluhan, hindi alintana ang lagkit ng dugong kumakapit sa aking balat.

"G-Gayang, gumising ka. Sige na, pinapatawad na kita, gumising ka lamang pakiusap."

Noong marinig ko ang pag-amin ni Gayang sa pagpaslang sa aking ina, totoong nagapoy ang aking poot.

Nunit ngayong kalong ko ang kanyang walang buhay na katawan, napagtanto kong hindi ko pala kayang manatiling may poot sa kanya.

Sa lahat ng mga pinagsamahan namin, pinaramdam niya sa akin na hindi ako nag-iisa, pinaramdam niya sa akin ang pakiramdam ng may ina. Kaya nga ni minsan ay hindi ako naghanap o nagtanong man lamang dahil alam kong nandiyan siya. At higit sa lahat araw-araw at oras oras niyang ipanaparamdam sa akin ang pag-ibig niya.

"Gayang, hindi ba't nangako kang hindi mo ako iiwan dito sa Liblib? Hindi ba't sabay pa tayong magtutungo sa Kaluwalhatian pagtuntong ko sa wastong edad? Hindi mo pa naaamin kay ama ang iyong damdamin, kaya't kailangan mong bumangon riyan!"

Kahit gaano pa ako maghinagpis, hindi ko na talaga naririnig ang pagtibok ng kanyang puso.

Si Sumaan, siya ang pumatay kay Gayang! Noong una pa lamang naman ay inamin na niyang hindi siya mabuting diwata dahil siya ang prinsipe ng Kasanaan. Bakit ko nga ba pinagkatiwalaan pa siya dahil lamang sa damdamin ng mga hayop para sa kanya?

Sa labis na galit kay Sumaan ay hindi ko napansin ang pagningning ng aking katawan.

Hanggang sa mayroon akong marinig na kaluskos sa likuran ng malaking puno ng niyog, di kalayuan sa aming kinalalagyan.

Doon ay nakita ko ang isang matipuno at puno ng Batuk (tattoo) na lalaking gulat sa kanyang nakikita. Tila kahit na sino yata ay may kakayahan nang marating ang lugar na ito, na hindi pa nangyari dati.

Sa isang kisap ay nasa likuran na niya ako habang nakatutok ang aking espada sa kanyang leeg.

"Tutulungan mo akong ilibing ang aking ina at umalis dito. Hindi ito isang pakiusap, kundi isang utos."

Tama, si Gayang ay akin ding ina.

Character illustration para kay Sinagtala

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Character illustration para kay Sinagtala.

A/N: Hi loves, sana ay nagugustuhan ninyo ang aking istorya. mas magiging kapana-panabik pa ang mga susunod na kabanata. Ano na kaya ang mangyayari kay Sinagtala oras na lisanin niya ang Liblib? At sino ang bagong karakter na tutulong sa kanya?

Huwag ninyong kalimutang magvote at ifollow na rin po ako. Hihi thank you! ❤️😊







DIWATA: Yugto ng SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon