Nagpupuyos akong bumalik ng balay! Akala ko ba puro mandirigma lamang ang makakasama niya? Kaya nga hindi niya ako nais isama eh!Ang alam ng mga tao ay ako ang makakaisang dibdib niya! Pero mayroon kaagad siyang kaulayaw hindi pa man kami ikinakasal!
(Kaulayaw=kabit/kaharutan)
Hindi naman ako nagagalit dahil mayroon siyang kasamang ibang binibini, ang akin lamang ay bakit hindi niya ako pinapasama, gayong maaari naman pala siyang magbitbit ng babae niya!
“Oh, bakit tila may nakaimbak kang pitong araw na tae na di mo mailabas?”
Nakapangalumbaba lamang ako habang tulala sa labas ng bintana nang dumating ang taga-sira ng araw ko, kasama na niya si Gintawon na parehong mayroong bitbit na mga bagong aning gulay.
“Karita, alam mo ba kung gaano katagal na mawawala sina Lahid?”
Walang gana kong tanong sa kanya na nasa tapat ko lamang habang tumutulong na rin ako sa paghihimay ng malunggay para sa lulutuin ni Gintawon.
“Ang sabi ni Sumil ay aabutin daw sila ng kulang-kulang sampung pagsikat ng araw doon, kasama na ang paglalayag. Bakit mo naitanong?”
Sa halip na sagutin ko siya ay bumaling naman ako kay Gintawon na abala din sa paghahanda ng mga sangkap sa kanyang lulutuin, ngunit nakangiti lamang habang nakikinig din sa aming usapan.
“Gintawon, mayroon bang binibining isinasama si Lahid tuwing pumapalaot ito o naglalayag patungo sa mga karatig banwa? ---- Aray!”
Sinamaan ko si Karita ng tingin habang sapo ang aking ulo na kanyang binatukan.
“Tinatanong kita kulugo. Sagutin mo muna ako bago ka magtanong muli ng panibago. Sakalin kita eh!”
Sabay kaming napatingin ni Karita kay Gintawon nang bigla itong natawa at huminto rin nang mapagtantong nakatingin na kami sa kanya habang hawak naming pareho ang leeg ng bawat isa.
“P-paumanhin bai Sinagtala at bai Karita. Natutuwa lamang ako sa kulitan ninyong dalawa.”
Mukha ba kaming nagkukulitan? Nagpapatayan kami Gintawon, nagpapatayan!
Inalis na namin ang pagkakasakal sa bawat isa, at nagsamaan nalang ng tingin. Pasalamat ka Karita at narito ang inosenteng si Gintawon.
“Tungkol sa iyong katanungan nga po pala Bai Sinagtala----“
“Sinag na lamang ang itawag mo sa akin.”
“ngunit----“
“Shhh… Sinag lamang, malinaw?”
Alanganin na lamang siyang tumango.
“Ngunit hindi kita maaaring tawagin sa iyong nais kapag mayroong ibang tao sa paligid. Dahil tiyak na mapaparusahan ako sa hindi ko pagsunod sa paggalang ng antas ng lipunan.”
Tumango lang ako.
“Katulad nga po----“
“Alisin mo na ang ‘Po’ masiyadong nakakatanda. Ayang si Karita ang ‘po-in’ mo dahil gurang na iyan.”
At sakal na naman niya ang leeg ko.
“Tulad nga ng sinasabi ko, tila mailap ang datu sa mga kababaihan, kaya’t walang ibang binibining nakakasama si Datu Lahid maliban kay Hara Maruha, sa inyo at kay bai Mantal na kanyang kababata. Ito ang kauna-unahang bai na nakakuha ng tungkuling maging tagapagpayo ng datu, maliban sa punong babaylan.”
Pareho na kaming taimtim na nakikinig ni Karita kay Gintawon. Sa tagal namin ditto ay ngayon lamang naming nalaman na mayroon palang tagapag payo si Lahid.
BINABASA MO ANG
DIWATA: Yugto ng Sumpa
Ficção HistóricaIsang Datung itinuring na sumpa ng Kalupaan. Isang Diwatang isinumpa na nabibilang sa Kaluwalhatian. At isa pang Diwatang isinusumpa ng kanyang nasasakupang Kasanaan. Pag-ibig, pagpapatawad, at pagtanggap. May puwang pa nga ba ang mga ito sa makapan...