KABANATA 3 - Prinsipe ng Kasanaan

176 22 0
                                    


“Ngayon sabihin mo, paano mo nalamang hindi makakarating si ama?” wika ko habang malungkot na naupo sa isang malaking bato sa tabi ng ilog.

Naupo rin naman siya isang dipa ang layo sa akin.

“Dahil mayroong labanang nagaganap sa Kaluwalhatian.”

Mabilis akong napalingon sa kanya! Nag-aalala ako!

“K-kumusta si ama?! Mabuti ba ang kanyang lagay?! Nasugutan ba siya sa kung saan?!”

Hayun na naman ang pag-angat ng isang sulok ng kanyang labi.

“Hindi ko pa alam kung ano na ang kinahantungan ng labanang iyon. Ngunit huwag kang mabagabag, dahil sa paglipas ng maraming taon, lubos na lumakas pa ang iyong ama.”

Tumingin siya ng diretso sa mga mata ko.

“Hindi pa nagigising ang diwatang magpapabagsak sa kanya.”

Napahinga ako ng maluwag sa kanyang sinabi.

Napangiti ako nang Makita ang ilang paru-paro na nagsipagliparan sa kanyang paligid, ngunit hindi nangangahas na dumapo sa kanya.

Hanggang sa iangat niya ang hintuturong daliri, at doon dumapo ang kulay abo at pinakamalaking paruparo na bigla na lamang sumulpot sa kung saan. Kasing laki na nga yata ito ng aking dalawang nakabukang kamay.

“Ano ang iyong pangalan?”

Tanong ko na ipinatong ang aking baba sa aking tuhod.

Ipinanatag ko ang aking sarili sa kanyang presensya dahil na rin sa aking nakikita.

Tiningnan niya lang ako ngunit hindi naman sumagot.

“Kung ganun, nais mo bang ipagpatuloy ko ang pagtawag sa iyo ng Tahu? Takot sa hu----“

“Sumaan, Sumaan ang aking ngalan.” Mabilis niyang pagputol sa sinasabi ko. Dumadali naman pala siyang kausap tuwing mababanggit ko ang hubad eh.

“Sumaan… Magandang pangalan.”

Nginisihan niya lang ako. Saka marahan nang binugaw ang mga paru-paro.

“Ipinangalan sa akin iyan ng aking ama dahil nais niya akong maging masama, bilang ako ang prinsipe ng Kasanaan. Magandang pangalan pa rin ba iyan para sa iyo?”

Inangat ko ang aking hintuturong daliri saka dumapo ang kulay abong paru-paro dito.

“Maganda ang iyong pangalan hindi dahil sa kahulugan na kaakibat nito, kundi dahil mabuting diwata ang nagmamay-ari dito.”

Napansin ko ang paglabas pa ng iba pang mga hayop at unti-unting nagsisipaglapitan sa aming dalawa ni Sumaan. Ang isang kuneho ay nagpakalong pa sa kanya.

“Kahapon lamang naman tayo nagkita, at ngayon lamang naman tayo nagkakilala. Ngunit kung makapagsalita ka akala mo’y alam mo na ang aking tunay na pagkatao. Madali kang mamamatay kung masiyado kang madaling magtiwala.”

Marahan kong hinaplos-haplos ang likuran ng isang maliit na oso na nasa aking kanlungan.

“Alam mo ba na ang mga hayop ay may kakayahang maramdaman kung masama o mabuti ang katauhan ng isang diwata o tao? Hindi ako sa iyo nagtitiwala, kundi sa mga hayop na nasa piling mo ngayon.”

Napahinto siya sa paghaplos sa likuran ng kuneho, saka nito marahang binugaw ang mga hayop at tumayo.

“Kalokohan.”

Tingala ko siyang tiningnan. Sa kabila ng kanyang pagiging kayumanggi, hindi naman nito ikinubli ang pamumula niya. Pasimple na lang akong napangiti.

DIWATA: Yugto ng SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon