KABANATA 9 - Anim na Buwan

107 12 0
                                    

“Saksi ang lahat sa ating punsod sa nangyari, nadungisan mo na ang puri ni Sinagtala, Lahid. Ngayon, kailangan mong panagutan ang iyong ginawa.

“Kailangan na ninyong mag-isang dibdib.”

Sabi niya habang galit ang boses pero tila nagpipigil ng ngiti.

Tila si Lahid ang nais niyang parusahan, ngunit bakit ako ang nahihirapan?

Hindi maaari! Masiyado pa akong bata para magkaroon ng asawa. Isa pa, baka tustahin ako ni ama sa oras na malaman niyang tumakas ako para lamang ikasal sa isang ginoong hindi ko pa naman lubos na kilala.

At higit sa lahat, kailangan ko pang ipaghiganti ang kamatayan ni Gayang.

“Paumanhin Hara Maruha, batid ko na nais ninyo lamang bigyang halaga ang aking puri ngunit ito ay isa lamang hindi inaasahang pangyayari.”

Bahagya kong sinilip ang mukha ni Lahid ngunit nakayuko lamang siya.

“Hindi ko nais sirain ang katayuan ni Datu Lahid sa kanyang banwa na ikakasal lamang sa babaylang wala namang pagkakakilanlan. Hindi ba datu Lahid?”

Hinihintay ko ang pagsagot ni Lahid ngunit nanatili lamang siya nakatunghay sa kawalan.

Tulungan mo akong kumawala dito aba!

Nabaling naman ang aking atensyon kay Hara Maruha na bigla na lamang pumalakpak.

“Hindi mo na kailangan pang mag-alala! Dito maaari mo muling buuin ang iyong pagkatao kasama namin. Kasama ng inyong bubuuing pamilya ni Lahid.”

Napangiwi na lamang ako nang Makita ang pagkislap sa kanyang mga mata. Malakas ko nang siniko si Lahid na kanina pa nananahimik!

“Magsalita ka naman!”

Pahasik kong bulong sa kanya.

“Pananagutan ko ang aking nagawang kalapastanganan, hindi bilang datu o mandirigma kung hindi bilang ginoo na may mataas na paggalang sa binibini.”

Maaari ko ba siyang sakalin?

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Natapos ang piging na naibalik ang dating sigla ng banwa.

Hindi ko alam kung bakit natutuwa pa ang mga mamamayan sa banwang ito na ikasal kami gayong isa akong binibining walang pagkakakilanlan!

Hindi ba dapat, isang binukot ang tanggapin nila bilang kabiyak ng kanilang datu?

Tulala pa rin ako hanggang sa matapos ang piging. Hindi ko na nakuha pang makipagsiyahan dahil na rin sa biglaang nangyari kanina.

Bago ko tuluyang bumalik sa balay na aking tinutuluyan ay hinila muna ako ni Hara Maruha upang manatili sandali, dahil mayroon daw siyang sasabihin.

“Lubos akong natutuwa na isang makapangyarihan at napakagandang binibini ang magiging katuwang ni Lahid sa pamamahala ng ating banwa! Ipahahanda ko na ang inyong pagiisang dibdib sa lalong madaling panahon!”

Malungkot lang akong ngumiti habang nag-iisip na tumakas mamaya oras na tulog na ang lahat.

“Paumanhin iloy, ngunit nais ko sanang maganap ang aming pag-iisang dibdib sa panahong nais ni Sinagtala. Hindi ba’t mas magiging maginhawa ang aming pagsasama kung kami’y lubos nang magkakilala? Katulad na lamang ninyo ni baba (ama)”

Bigla kong nilingon si Lahid. Tama! Kailangan ko lamang magtakda ng panahon, sapat upang makatagpo ako ng diwatang tutulong sa akin at pagkatapos noon ay maaari ko nang lisanin ang banwang ito!

“Tiyak din akong labis na nabigla si Sinagtala kung kaya’t nais kong bigyan ninyo kami ng panahon na ----“

“Dalawang taon. Bigyan ninyo sana ako ng dalawang taon para makapaghanda bilang isang mabuting asawa at makilala pa si Datu Lahid.”

Pareho naman silang tila naguluhan sa sinabi ko.

“Dalawang taon?” sabay pa nilang tanong.

Ah! Oo nga pala! Nabanggit sa akin ni Gayang noon na ang pagbilang ng mga tao sa panahon at oras ay ibinabase lamang sa tag-init, tag lamig, at tag-ani. Ngunit ang pinaka tanyag na pag bilang rito ay ang pagbilang ng kabilugan ng buwan. Sa oras naman ay sa araw.

Masiyado nang nahuhuli ang mga tao sa pagbilang at pagtukoy ng panahon. Maturuan nga sila minsan.

“dalawampu't apat na kabilugan ng buwan lamang ang aking hihilingin upang makapaghanda.”

Biglang nawala ang mga ngiti ni Hara Maruha, si Lahid naman ay tahimik lang din.

“Hindi, bago matapos ang taglamig, kailangan ay naikasal na kayo.”

Matigas na sambit ni Hara Maruha. Kung ganun ay mayroon na lamang akong anim na buwan upang humanap ng diwata!

“at sa pagdating ng tag-araw, kailangang mayroon nang supling sa iyong sinapupunan.”

Bakit tila nagmamadali yata ito sa pagkakaroon ng supling?

Masiyadong mabilis ang anim na buwan pero pwede na iyon.

“Sumasang ayon po ako.”

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

“Ihahatid na kita sa iyong balay upang ikaw ay makapagpahinga na rin. Alam kong naging nakakapagod ang araw na ito para sa iyo.”

Tiningnan ko ng matalim si Lahid na bigla namang umiwas ng tingin na tila ba takot na mayroong lalabas na patalim mula sa mga mata ko.

“Ano ba ang pumasok diyan sa isip mo at sumangayon ka pa sa pag-iisang dibdib na iminumungkahi ng iyong ina?”

Napakamot nalang siya ng ulo habang patuloy kami sa paglalakad patungo sa balay na aking tinutuluyan.

“Nais mong isalba ang iyong pagkaginoo, gayong sisirain naman nito ang mga layunin ko! Sinabi ko na sa iyo una pa lamang, na hindi ako magtatagal dito----“

“Huwag kang mangamba, sinabi ko lamang iyon upang tumigil na si iloy at bigyan ka ng panahon para mahanap ang diwatang tutulong sa iyo.”

Iyon din naman ang dahilang naisip ko kaya niya nagawa iyon. Nahiya tuloy ako na labis akong nagalit sa kanya gayong labis na ang tulong na ibinibigay niya sa akin.

Biglang umiral ang nakakailang na katahimikan.

“Alam kong pareho nating hindi ginusto ang nangyari kanina, huwag kang mag-alala, balewala na sa akin iyon.”

Pagbasag ko sa katahimikan sabay nginitian siya. Narating nap ala namin ang balay nang hindi napapansin. Tinitigan niya lang ako habang palapit nang palapit ang mukha niya sa mukha ko.

“Bukas magkasintahan na tayo. Maghanda ka.”

A-anong paghahandaan ko? A-at bakit ba palapit pa rin ng palapit ang mukha niya sa akin?

A-at b-bakit may paghaplos pa sa gilid ng labi ko?! Napapikit ako.

“May kanin.”
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Matagal na siyang nakaalis pero nanatili pa rin akong tulala sa tapat ng pintuan dahil sa gulat. Bakit ka pumikit Sinagtala?! Bakiiiit?!

Papasok na sana ako habang sabunot ang sarili nang may Maramdaman akong kakaibang presensya.

Sa isang iglap ay nasa kanya na akong likuran.

“Sino ka at ano ang ginagawa mo rito?” bulong ko sa tenga niya habang nakatutok ang espada sa kanyang leeg.

“Ako si Karita, ang pamangkin ni Gayang.”

DIWATA: Yugto ng SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon