KABANATA 11 - Mananatili

119 12 0
                                    

"Lahid, tulungan mo akong dalhin siya sa aking silid. Kailangan natin siyang gamutin."

Nakatingala ko siyang sinabihan habang yakap pa rin si Karita. Natigilan si Lahid at naguguluhan lamang akong tinitigan.

"Bakit mo siya gagamutin gayong tinangka ka niyang paslangin?"

"Bakit mo pinagpapatuloy ang pamumuno sa banwang ito gayong sumpa ang tingin nila sa iyo?" Sa halip na sagutin ay tinanong ko rin siya.

"Ano namang kaugnayan ng aking pamumuno sa pagtulong mo?"

"Hindi ba't pinamumunuan mo ang banwang ito dahil mahalaga ito sa iyong ama? Ganoon din ang aking dahilan. Mahalaga siya para kay Gayang. Nagkaroon lamang kami ng hindi pagkakaunawaan kaya niya nagawa iyon sa akin, ngunit wala ka nang dapat pang ipag-alala dahil mabilis humilom ang aking sugat kung kaya't maya-maya lamang ay tuluyan na itong gagaling."

Ipinakita ko pa sa kanya ang kaninang malalim na sugat sa aking likuran na ngayon ay unti-unti nang humihilom.

Wala na siyang nagawa kung hindi agawin sa akin si Karita at kargahin na parang isang prinsesa. Katulad kung paano ako kargahin ni ama nang may pag-iingat.

Nakatitig lang naman si Karita kay Lahid na tila hindi maintindihan kung bakit namin siya tinutulungan.

Nang makarating sa silid ay maingat siyang inilapag ni Lahid sa aking higaan habang ako ay naghanap ng malinis na tela at tubig na panlinis sa kanyang malalim na sugat. Naghanap din ako ng dahon ng bayabas.

Iyon ang nakikita kong ginagamit ni Gayang sa paglilinis ng kanyang sugat tuwing hindi inaasahang nasusugatan niya ang sarili sa page-ensayo.

Sa pagbalik ko ay nakaupo na si Karita na nakapangalumbabab pa habang nasa harap ni Lahid at tinititigan ito habang tulog.

Masiyado bang matagal ang pagkawala ko at nakatulugan niyang bantayan ang diwatang ito na hindi namin alam kung may balak pa uling patayin ako?

Gigisingin ko na sana si Lahid pagkatapos kong ilapag ang bitbit na bao ng niyog na dinikdikan ko ng dahon ng bayabas, pero pinanlisikan ako ni Karita ng tingin habang mahigpit na hawak ang kanan kong kamay na ipanggigising sana kay Lahid.

"Nahirapan akong patulugin ang isang iyan tapos ay gigisingin mo lamang?"

Agad kong hinila ang kamay ko mula sa kanya.

"Kung iniisip mong saktan o patayin siya, huwag mo nang tangkain. Dahil hindi man ako magaling makipaglaban ay natitiyak kong gagawin ko ang lahat upang mapaslang ka."

"Bakit? Iniibig mo ba ang isang ito?"

Hindi ko mawari kung bakit tila biglang nag-init ang aking pisngi. Ano bang pinagsasabi ng diwatang ito? Napakabata ko pa!

"Siya ang tumulong sa akin noong namatay si Gayang. Siya ang naglibing sa kanya at nanalangin din siya upang mapunta sa magandang lugar si Gayang. Bagay na hindi natin magagawa bilang mga diwata."

Natigilan siya at naupo na ng maayos.

Walang sabi-sabing pinasak ko ang dinikdik na dahon ng bayabas sa kanyang kalamnan na ikinadaing niya.

"Hindi masamang magdahan-dahan." Hindi ko siya pinansin at nanatili lang sa pagdadampi ng halamang gamot.

"Sabihin mo sa akin, anong klaseng diwata ka? Bakit nakuhang lisanin ni Gayang ang Kaluwalhatian gayong matapos na mamatay ang kanyang mag-ama ay hindi na niya nilisan pa ang kahariang iyon?"

Nang tingnan ko siya ay sinalubong ako ng mapag-usisang mga mata niya.

Kahit naman ako ay hindi pa alam kung anong klaseng diwata ako. Ni hindi ko pa nga alam kung anong kapangyarihan ba ang meron ako maliban sa mga kapangyarihan na kaya ring gawin ng lahat ng diwata, katulad ng pagpapalit ng kasuotan, at pagpunta sa isang lugar sa napakabilis na paraan.

Wala naman akong naiisip na espesyal sa akin.

Ah teka, baka nga iyon ang dahilan...

"Tingin ko ay hindi naman talaga ako ang pinakadahilan. Sa labing walong taong magkasama kami ni Gayang, napagtanto ko na kanyang iniibig si ama----"

Wala man siyang kinakain o iniinom ay tila bigla siyang nabilaukan saka naubo ng tuloy tuloy at tumawa pa pagkatapos!

Nagdududa ba siya sa angking alindog ng aking ama? Napakakisig kaya niya!

Kinunutan ko lang siya ng noo.

"Napaka-imposible ng iyong sinasabi! Lubos na iniibig ni Gayang ang kanyang yumaong asawa, hindi ko nakikita si Gayang na iibig sa iba."

"Paano mo nasabi iyon? Maraming pwedeng mangyari sa loob ng labing walong taon. Maiksi man ang panahong iyon para sa ating mga diwata, ay alam kong tinatangi niya rin si ama dahil nararamdaman at nakikita ko iyon. Kung paano niyang titigan si ama at kung paanong maging kulay kamatis siya tuwing nababanggit ko man lamang ang kanyang pangalan."

"Hindi pa rin ako kumbinsido, dahil sa angkan naming mga diwata ng panggagaya, ay may sumpang iginawad sa amin. Isa lamang ang aming iibigin."

Pagkasabi niya niyon ay agad siyang tumayo at siya na ang nagtali ng tela palibot sa kanyang kalamnan.

"Ikaw? Mayroon ka na bang inibig?"

Tiningnan niya lamang ako saka lumapit sa bintana at doon itinuon ang kanyang tingin nang hindi man lamang sinagot ang aking katanungan.

Marami pa sana akong nais tanungin yaman din lamang na ang lahat ng ito'y may kaugnayan kay Gayang, ngunit tila wala na siyang balak pang sagutin ang alinmang itanong ko.

"Siya nga pala, pagkatapos maghilom ng iyong sugat ay maaari ka nang umuwi sa inyong tahanan. Huwag kang mag-alala, nais ko ring malaman kung tunay ngang isinumpa ako ni Gayang, makikita mo pa rin ako ditto sa iyong sunod na pagbabalik."

Yun ay kung hindi pa ako nakakakita ng diwatang tutulong sa akin na linangin ang aking mga kakayahan.

"Hindi ako aalis."

Ha?

"Hihintayin ko ang resulta ng presensiya ni Gayang sa iyo, hihintayin ko ang kamatayan mo. Mananatili ako."

Sabi niya sabay tingin kay Lahid.

DIWATA: Yugto ng SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon