KABANATA 10 - Karita

102 12 0
                                    


“Sino ka at ano ang ginagawa mo rito?” bulong ko sa tenga niya habang nakatutok ang espada sa kanyang leeg.

“Ako si Karita, ang pamangkin ni Gayang.”

P-Pamangkin siya ni Gayang?

Nagulat ako nang sa isang iglap ay mabilis siyang naka-kawala mula sa pagkakabihag ko at ngayon ay malayo na sa kinaroroonan ko.

Higit siyang mabilis kaysa akin o baka nga higit pa kay Gayang!

“Sa hitsura palang ng iyong tindig ay alam ko nang hindi ka lubos na maalam sa mga paraan ng pakikipaglaban.”

Mula sa ilang milya niyang layo, sa isang kisap mata ay ako naman ang bihag niya. Ang isang kamay niya na may mahahaba at matatalim na kuko ay nakatapat sa aking leeg na kung magkakamali lamang ako ng galaw ay tiyak na mapapatay ako, habang ang isa naman ay gapos ang aking dalawang kamay sa aking likuran. Walang ibang paraan para makatakas sa nilalang na ito!

Totoo. Minsan ko nang itinanong kay Gayang kung bakit hindi niya ako nais turuan sa pakikipaglaban, ngunit sinasabi niyang hindi ko na raw kailangang matutuhan pa iyon dahil wala namang kaaway ang nakakapasok sa Liblib.

Kahit na hindi ako sang-ayon sa kanyang dahilan ay palihim naman akong nanonood sa kanyang mga pagsasanay at palihim ko iyong pinag-aaralan. Ngunit ngayon ko napatunayan na hindi sapat ang aking mga natutunan.

“Hindi ako isang kaaway, isa akong diwatang inalagaan ni Gayang magmula ng ako’y sanggol pa lamang.” Pagpapaliwanag ko.

“Itinuturing ko nang aking tunay na ina si Gayang at anak naman din ang kanyang turing sa akin.” Pagpapatuloy ko pa.

Pagkarinig niya niyon ay binitiwan na niya ako saka naglakad nang paikot sa akin na tila ba kinikilatis ang buo kong pagkatao, habang ang dalawang kamay na ngayon ay bumalik na sa normal na haba ang mga kuko ay inilagay naman niya sa kanyang likuran.

“Paano mo nalamang narito ako?”

Tanong ko habang hingal na hingal dahil sa kaba.

“Hindi ikaw ang ipinunta ko rito. Naramdaman kong narito ang nawawalang matandang iyon. Nasaan siya? Bakit nararamdaman ko ang kanyang presensya sa iyo?”

Napayuko ako matapos ng tanong na iyon? Hindi ko alam kung paano ipaaabot ang balitang wala na si Gayang.

“Nararamdaman kong ika’y kinakabahan. Huwag kang magkakamaling magsinungaling sa akin dahil may kakayahan akong maramdaman kung nagsasabi ka ng totoo o hindi.”

Napapikit ako nang mariin bago nagsalita.

“Si Gayang, patay na siya.”

Muli kong naramdaman ang kanyang pagbihag sa akin. Sa pagkakataong ito, higit na mahigpit ang kanyang paghawak sa aking dalawang kamay, habang ang isang kamay naman nito ay tila mas humaba pa ang mga kuko at unti-unting bumabaon sa aking leeg.

Nagsimulang umagos ang maraming dugo mula rito, ngunit tinatanggap ko lang ang kirot na dala ng kanyang mga kuko.

Nararapat ko rin namang maramdaman ito. Higit ang sakit na nadama ni Gayang dahil lamang pansamantala akong nagtiwala sa isang diwatang hindi ko pa naman lubos na kilala.

“Kung ganoon, paano mo siya pinaslang?”

Anong ibig niyang sabihin? Si Sumaan ang pumaslang sa kanya!

“Hinahayaan kitang ako’y saktan dahil nararapat lamang iyon sa akin bilang wala akong nagawa nang siya’y paslangin ng diwatang nakapasok sa aming tahanan. Alam kong hindi pa sapat ang lalim ng sugat kong ito kapalit ng buhay ni Gayang, ngunit hinding hindi ko matatanggap na ako’y iyong paratangan nang hindi man lamang naririnig ang naging buong kaganapan.”

DIWATA: Yugto ng SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon