"Mawalang-galang na iloy (ina), ngunit bigo akong makakita ng aking mapapangasawa. Ngunit hindi naman nauwi sa wala ang aking paglalakbay, dahil natagpuan ko si Sinagtala. Simula ngayon, siya ang ating bagong Babaylan.""Nakakapanghinayang naman na hindi pala siya ang iyong magiging bana (asawa). Tunay na napakarikit pa naman niya. Baka maaaring asawahin-----"
"K-kaya niyang tumawag ng makapangyarihang diwata upang gabayan at ingatan ang ating banwa." Siniko niya ako. Nais niyang tumawag ako ng diwata? Sino naman ang aking tatawagin? Sarili ko?!
Ah! Bakit hindi?!
Pumikit ako at kumanta ng itinurong awitin sa akin ni Gayang.
"Pen pen de sarapen, de kutsilyo, de almasen." Ayon kay Gayang, isa raw itong napakagandang awitin sa lengwahe ng kakilala niyang isa pang diwata. Ito ang kinakanta niya tuwing patutulugin ako nung ako'y bata pa.
Pagkatapos ay pinagliwanag ko ang aking sarili. Lahat ng mga nakatunghay ay napaluhod sa aking harapan. Ganun din si Lahid at ang ina nito.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Kinabukasan, nagising na lamang ako nang marinig ang malakas na ugong ng bulungan sa labas ng balay (bahay na gawa sa pawid at kahoy).
Pagkabukas ko pa lamang ng pintong gawa sa kawayan ay bumungad kaagad sa akin ang maraming tao, babae at lalaki, bata at matanda.
Karamihan sa mga babae ay mga walang pangitaas at tanging tapis na abot sakong lamang ang kasuotan. Ang mga lalaki naman ay pulos may mga batuk (tattoo)
"Siya nga ba ang bagong babaylan na nagningning daw kagabi?"
Narinig kong tanong ng isang babae sa isa pa.
"Oo, siya nga. Iyon ang narinig ko mula sa mga mandirigmang nakatunghay ng pangyayari kagabi. Lubha raw nakakamangha ang ganda at kaningningan nito."
"Sang-ayon ako."
"Tingnan mo naman at tila higit pa siyang maputi at maganda kaysa sa mga binukot ng ating karatig banwa." Narinig ko namang sambit ng isang mandirigma.
*Binukot - itinuturing na pinakamagandang babae sa isang banwa na itinatago sa kanyang bukot (tirahan ng binukot). Hindi ito maaaring maarawan o tumapak sa lupa. Itinuturing din itong isang prinsesa dahil hindi sila maaaring gumawa ng Gawain bahay.
"Sandali, paano mo nasabi? Hindi ba't hindi maaaring Makita ng kahit na sino maliban sa kanyang pamilya ang sinumang binukot?"
"Totoo, ngunit tuwing iniimbitahan roon ang ating datu ay may ilang mga binukot ang nagtatanggal ng kanilang mga pangtaklob dahil nais nilang masilayan sila ni Datu Lahid. Tila naghahangad na mapili sila upang mapangasawa nito lalo pa't alam nila na naghahanap ng mapapangasawa ang ating datu."
Ganun siya kagandang lalaki na kahit sa maraming binukot ay hinahangad siya?
Nabaling ang aking pansin sa isang babae na tila mas bata lamang sa akin ng ilang taon. Nagsusumiksik siya upang makalapit lamang sa akin. Nang makalapit ay agad itong nagpatirapa na ikinagulat ko!
"Mawalang galang na po mahal na babaylan, napag-alaman ko pong mayroon kayong kakayahang magpagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng diwatang lumulukob sa iyo. Alam ko pong isang mababang uripon (alipin) lamang ako, ngunit kailangan ko po talaga ng inyong tulong upang gumaling ang aking iloy (ina)."
Mabilis naman ang pagkilos ng mga mandirigmang nasa malapit lamang at pilit itong hinihila paalis.
Binitiwan naman nila ito nang pigilan ko sila.
Naalala ko ang sinabi ni Sumaan, "Hindi ka dapat humaharap sa kahit sino nang nakahubad."
Kumuha ako ng isang malinis na panapis at ibinalot iyon sa kanyang hubad na pangitaas.
Sa pagtingala niya ay nginitian ko siya. Nakikita ko ang kanyang pagmamahal sa kanyang ina, ngunit wala akong kakayahang magpagaling. Kung kaya ko lamang ay hindi ko sana nahayaang mamatay si Gayang.
"Ano ang iyong pangalan?"
"Gintawon, mahal na babaylan."
Pinunasan ko ang kanyang mga luha, hinaplos ang kanyang pisngi saka nginitian.
"Patawarin mo ako Gintawon, ngunit wala akong kakayahang manggamot."
Napasinghap ang marami sa kanilang narinig.
"Anong klaseng babaylan iyan kung hindi naman pala marunong manggamot?"
Napayuko ako sa narinig kong bulong ng isang uripon. Ano nga lang ba ang kaya kong gawin?
"Huwag po kayong panghinaan ng loob kung wala man kayong kakayahang manggamot. Alam ko pong mayroon pa kayong ibang higit na kayang gawin. Maraming salamat po sa panapis na ito. Kayo lamang po ang nakadama ng aking paghahangad na ikubli ang aking hubad na katawan. Hindi ko po nararamdaman na ako'y isang mababang uripon lamang para sa inyo."
Nagulat ako nang Makita ang magandang ngiti ng babaeng ito saka mabilis na umalis bago magbigay galang.
Hindi ko na siya nahabol pa dahil dumating na si Lahid at niyaya akong mag-agahan sa kanilang balay.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Pagdating doon ay nagtataka akong napatingin kay Lahid na nginitian lamang ako.
Bakit napakaraming tao?
"Narito na ang ating bagong Babaylan, si Sinagtala. Sa kasamaang palad ay wala siyang alaala sa kanyang nakaraan, ngunit nais kong tulungan ninyo siyang makabuo ng bago at magandang ala-ala sa ating punsod bilang isang kabahagi ng pamilya. Maaasahan ko ba kayo?"
Malakas na sigaw niya. Lahat ay nagsipagsigawan ng pag-sang ayon. Napangiti ako nang malawak nang Makita ang masayang mamamayan na ito na handa akong tanggapin bilang pamilya.
Ngunit napawi rin ang aking ngiti nang mayroon akong marinig na hindi ko nanaising marinig ni Lahid.
"Nagdala siya ng isang babaylan na walang maalala? Eh paano kung nagkukunwari lamang iyan na walang ala-ala at isa palang tauhan ng ating kalabang banwa na matagal nang nagnanais tayong pangayawin (sakupin)? Hindi nag-iisip ang isinumpang datung iyan."
"Tama ka, sana ay hindi makalimutan ng mga taong ito na ang sinumpang datung iyan ang naging dahilan ng kamatayan ng marami sa ating punsod."
"Dapat ay siya nalang ang napaslang sa nakaraang digmaan, hindi ang magiting na dating datu. Hindi niya na sana iniwan pa ang punsod na ito sa kamay ng isinumpang Lahid na ito."
Napansin ko ang biglang pagtahimik ni Lahid. Narinig niya!
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Nagulat ang lahat nang pagningningin ko ang aking sarili saka lumapit sa isang iglap, sa dalawang mandirigmang walang habas kung magsalita.
Tinawag ko ang aking espada at mabilis na itinutok sa leeg ng isa sa dalawang mandirigma.
"Makinig kayong lahat! Ang sinumang magbanggit sa kanyang Datu na siya'y isang sumpa, ay aking isusumpa." Pagkatapos itong sabihin, ay kunwaring natumba ako. Agad naman akong sinalo ni Lahid saka bumulong.
"Maraming salamat."
Saka niya ako biglang binuhat! Sa gulat ko ay nagpumiglas ako hanggang sa pareho kaming matumba at.....Napasinghap ang lahat nang matunghayan ang pagdampi ng pareho naming mga labi!
"Kalapastanganan!"
Mabilis kaming bumangon ni Lahid sa matinis na sigaw ni Hara Maruha.
"Saksi ang lahat sa ating punsod sa nangyari, nadungisan mo na ang puri ni Sinagtala, Lahid. Ngayon, kailangan mong panagutan ang iyong ginawa.
Kailangan na ninyong magisang dibdib."
Hindi maaari!
BINABASA MO ANG
DIWATA: Yugto ng Sumpa
Historical FictionIsang Datung itinuring na sumpa ng Kalupaan. Isang Diwatang isinumpa na nabibilang sa Kaluwalhatian. At isa pang Diwatang isinusumpa ng kanyang nasasakupang Kasanaan. Pag-ibig, pagpapatawad, at pagtanggap. May puwang pa nga ba ang mga ito sa makapan...