“Paanong naaalala mo ako?”Bahagya siyang lumayo upang magkaroon ng puwang sa pagitan naming dalawa. Naupo na rin naman ako sa kanyang tapat saka humalukipkip.
“Ano ang iyong ibig sabihin Sinagtala?”
“Ang diwatang ating inilibing, ay ang diwatang nag-alis ng iyong ala-ala sa utos ng aking ama.”
Napaling ang kanyang ulo na tila nagtataka.
“Wala akong ibang diwatang nakita ng araw na iyon maliban sa iyo at ang iyong kuneho.”
Ano ang ibig niyang sabihing wala siyang ibang nakitang diwata? Sigurado akong nakita niya sina ama at Gayang!
Ano ang nangyari? Bakit hindi inialis ni Gayang ang kanyang ala-ala sa akin at kay Kuling?
O baka naman nakaligtaan niya lamang? Pero malabo, dahil napakatalas ng memorya ni Gayang.
Ah, baka may nangyari lamang na hindi inaasahan. Baka bigla na lamang mayroong dumating na tao at kinailangang mabilis na makaalis upang hindi siya Makita nito. Tama. Baka ganun nga.
Hindi ko dapat pagdudahan si Gayang. Kasama ko na siya simula pa ng ako’y sanggol pa lamang.
Alam kong totoo ang kanyang pagmamahal sa akin.
Alam kong itinuring na rin niya akong tunay niyang anak, katulad ng pagturing ko sa kanya bilang aking ina.Tapat si Gayang, nasisiguro ko iyon.
Pinilit kong alisin ang lahat ng aking pagdududa.
Ipinatong ko ang aking ulo sa aking dalawang tuhod, saka ipinalupot dito ang aking mga kamay.
Ito ang unang gabing walang Gayang na pumapasok sa aking kwarto para lamang halikan ako sa noo, yakapin at kantahan hanggang sa ako’y makatulog.
“Hindi mo kailangang ikubli ang iyong mga hikbi Sinagtala. Isipin mong wala ako rito.”
At nang gabing iyon, saksi ang kweba, mga paniki at si Lahid sa aking ikalawang pagluluksa.
- - - - - - - - - - - - - - - -
Nagsimula muli kaming maglakbay nang lumiwanag na, ngunit kapansin-pansing hindi sumisilip ang sinag ng araw ni ama. Makulimlim.
Hinahanap ba niya ako? Hinahanap ba niya si Gayang?
“Sinagtala, nais kong alamin ang iyong saloobin patungkol sa kung paano kita ipakikilala sa aking mga nasasakupan.”
Nalipat sa kanya ang aking pansin.
“Nasasakupan? Isa ka bang ginoong mayroong mataas na katungkulan?”
Nakita ko siyang bahagyang napangiti, ngunit masisilayan pa rin ang bahagyang lungkot sa kanyang mga mata.
Napaling na lamang ang aking ulo habang hinihintay ang kanyang sagot.
“Tama ka, ako ang datu ng aming banwa.”
“Ngunit paano ka nga ba napunta sa Liblib? Ang sabi sa akin ni ama at ni Gayang, walang ibang makakapunta sa lugar na iyon dahil ito’y hindi nakikita ng kahit na sino. Kahit kami ni Gayang ay hindi ito matatagpuan oras na umalis kami roon. Tanging si ama lamang naman ang may kakayahang maglabas pasok roon.”
May nadaanan kaming mababang puno ng saging na mayroon nang hinog na bunga. Pumitas ako ng apat at iniabot sa kanya ang dalawa.
“Ang totoo ay naglalakbay ako upang humanap ng aking magiging kabiyak…”
Nabilaukan ako sa sinabi niya, mabilis naman niya akong dinaluhan at magaang pinapalo ang aking likuran.
“Kung ganoon ay nais mo akong ipakilala bilang iyong mapapangasawa?!”
Ngunit labing walong taon pa lamang ako! Si ama nga ay isang libong taon bago nag-asawa!
Natulala ako sa kanya nang masilayan ko sa unang pagkakataon ang kanyang mga ngiti at marinig ang kanyang matipunong tawa. Hindi ko akalaing mayroon pang pumapantay sa kakisigan at gandang lalaki ni ama.
“Hindi pa ako tapos magpaliwanag Sinagtala.”
Nahihiyang natahimik na lamang ako habang nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag.
“Nagkahiwa-hiwalay kami ng aking mga mandirigma nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Binabaybay namin ang matarik na bundok ng mga oras na iyon ngunit wala na akong maalala matapos ang pagkahulog ko mula sa mataas na bangin.
"Nagising na lamang ako na naroon na at hinahanap ang daan pabalik, ngunit dinala ako ng aking mga paa patungo sa iyo.”
Hindi ko alam ngunit sa kabila ng lamig na dulot ng pagiging makulimlim ng langit, ay tila umiinit ang aking mukha.
“Kaya’t sa oras na makarating tayo sa aking banwa ay huwag ka nawang mabibigla kung mayroon mang isang tao ang bigla kang ----“
“Maaari mo akong ipakilala sa kahit anong iyong nais, maliban sa pagiging kabiyak mo. Hindi rin naman ako magtatagal sa iyong banwa, sapagkat oras na makatagpo na ako ng diwatang tutulong sa akin na linangin ang aking kapangyarihan ay aalis na rin ako. Huwag kang mag-alala, hindi ko kalilimutan ang kabutihan mo.”
Matagal niya lamang akong pinakatitigan, nailang naman ako sa klase ng kanyang tingin na tila ba hinahalukay ang aking buong pagkatao at puso.
“Kung ganoon, ganito kita ipakikilala sa kanila…”
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
“Anak ko! Mabuti na lamang at ligtas ka! Labis mo akong pinag-alala nang ipaalam sa akin ni Sumil na napahiwalay ka matapos kayong hagupitin ng malakas na bagyo. Lahat ng iyong mandirigmang kasama ay nakauwi ng ligtas, maliban sa iyo.” Ani ng babae. Siya pala ang ina ni Lahid.
Matagal nang lumisan ang liwanag nang makarating kami sa kanilang banwa.
Sa unang pagtapak pa lamang naming papasok sa lugar na iyon ay tumatakbong magandang babae na ang sumalubong ng yakap kay Lahid.
Ganito rin ako salubungin ni Gayang tuwing napag-aalala ko siya dahil madalas akong mawala sa kagubatan ng Liblib noong bata pa ako.
“Mabuti naman at ligtas silang nakabalik. Sinag, siya nga pala ang aking ina, si Hara Maruha” pagpapakilala ni Lahid.
Napatingin siya sakin at ang laki ng ngiting hinawakan niya ang aking mga kamay. Napatitig ako sa banayad na paghawak nito sa akin.
“Siya na ba ang binukot na iyong nais na maging kabiyak?” Tuwang tuwang sabi nito.
Ang kanina’y mahinhing pananalita ay napalitan ng malakas na pagtawa nito na may kasama pang paghampas sa braso ni Lahid.
“Napakagaling mo talagang mamili anak ko! Natutuwa ako na tinupad mo ang pangako mong pakakasalan mo ang isang bai na tulad ko ay natatangi ang ganda. Manang-mana ka talaga sa iyong ama!” Pinagtitinginan na siya ng mga gising pang mandirigma.
“Iloy, mahinhin ka.” Pagpapaalala naman ni Lahid, na ikinatawa ng mahina ng mga mandirigmang nakapaligid sa amin.
“E-ehem… a-ano pang hinihintay mo? Papahingahin mo na muna ang iyong mapapangasawa----“ Bumalik na siya sa pagiging mahinhin. Pinutol siya ni Lahid sa kanyang pagsasalita.
“Mawalang-galang na iloy (ina), ngunit bigo akong makakita ng aking mapapangasawa.”
Hindi ko alam ngunit tila nasilayan ko sa mukha ng kanyang ina ang pag-aalala.
“Ngunit hindi naman nauwi sa wala ang aking paglalakbay, dahil natagpuan ko si Sinagtala, simula ngayon...
Siya ang ating bagong Babaylan.”
* * * * * * * * * * * * *
A/N: Paumanhin po sa matagal na hindi pag update, sobrang busy lang po kasi sa trabaho. Pero sobra po akong natutuwa na mayroong ilan na nagadd ng aking kwento sa kanilang mga library at reading lists. Sana po ay patuloy niyong suportahan ang kwento kong ito.
Huwag niyo po sanang kalimutang magiwan ng komento at like sa bawat kabanata ng D:YS. Muli, maraming salamat po! 🥺😊🙂😘
BINABASA MO ANG
DIWATA: Yugto ng Sumpa
Historical FictionIsang Datung itinuring na sumpa ng Kalupaan. Isang Diwatang isinumpa na nabibilang sa Kaluwalhatian. At isa pang Diwatang isinusumpa ng kanyang nasasakupang Kasanaan. Pag-ibig, pagpapatawad, at pagtanggap. May puwang pa nga ba ang mga ito sa makapan...