Hindi ako makapaniwala na muli ko siyang makikita! Naalala ko, paglilibing din ang una naming pagtatagpo.Katulad ng nangyari ngayon, nahuli rin si ama ng pagdating sa aking kaarawan. Kaya’t kinabukasan ay naisipan ko na lamang na aliwin ang aking sarili mula sa aking kalungkutan.
Nakikipaglaro ako kay Kuling noon, ang kaibigan kong kuneho. Napatigil ako sa aking kinalalagyan nang bigla na lamang siyang magtungo sa ipinagbabawal na hangganan ni ama at ni Gayang.
“Kuling, halika rito’t bumalik! Hindi ako maaaring magtungo riyan dahil ako’y pagagalitan.”
Pabalik na siya nang may isang mahaba at matabang ahas ang bigla na lamang sumulpot, saka siya pinaluputan. Bago pa nito tuluyang kainin ang kawawa kong kaibigan, ay bigla na lamang itong lumisan. Tila ba dumating lamang ito upang kitilin ang buhay ni Kuling!
Wala akong nagawa kundi ang umiyak na lamang habang nangyayari iyon. Hindi ko nagawang lumapit dahil sa takot ko sa ahas at sa galit ni ama at ni Gayang.
Nang Makita ko ang bahagyang pag-galaw ng isang tenga ni Kuling ay mabilis akong tumakbo patungo sa kanya, at umaasang ma iligtas siya kahit pa ako’y kagalitan nina ama at Gayang.
Pinakiramdaman ko kaagad ang kanyang puso nang ako’y makalapit, ngunit wala na itong tibok. Iyon ang aking unang iyak sa pagkawala ng aking pinahahalagahan.
“Batang bai (binibini), bakit ka nagniningning?”
Napatingala ako sa batang ginoong nagsalita. Nang Makita niya ang yakap kong kuneho ay kaagad itong lumuhod sa tabi ko.
“Siya si Kuling, ang aking kaisa-isang kaibigan ngunit pinaslang ng isang napakalaking ahas!” Patuloy ang aking pagdadalamhati nang magsimula siyang magbungkal ng lupa sa pamamagitan ng dala niyang espada na may kakaibang hugis.
“Ano ang iyong ginagawa ginoo?” Nginitian niya lamang ako habang patuloy pa rin sa pagbubungkal.
“Gumagawa ako ng libingan ng iyong kaibigan.”
“Libingan? Bago lamang iyan sa aking pandinig. Ano ang iyong ibig sabihin?”
Napahinto siya nang panandalian.
“Ngayon ka lamang ba namatayan?”
Tumango naman ako sa kanyang tanong.
“Ang paglilibing ay ginagawa upang paghimlayan ng isang mahalagang tao o hayop na wala nang buhay. Sa ganitong paraan, mayroon silang kinalalagyan na maaari nating balikan sa mga panahon na nangungulila tayo sa kanila.”
Sa kabila ng paghikbi ay tumango-tango ako upang ipaalam sa kanyang naintindihan ko.
“Maraming salamat sa iyong paglibing kay Kuling. Ako nga pala si Sinagtala, ikaw? Ano ang iyong pangalan, ginoo?”
“Ako si Lahid. Nais ko mang sabihing ikinagagalak kitang makilala, ngunit tila hindi umaayon ang sitwasyon.”
Napangiti na lamang ako at muling napatingin sa kinahihimlayan ni Kuling.
Sa panahong ito, alam ko na hindi ko na muli pang mababalikan si Kuling dahil sa biglang pagdating ni ama na makikita ang galit sa mga mata, at si Gayang na nag-aalala.
Sa paglapit ay agad itinapat ni ama ang kanyang palad sa mukha ni Lahid, na ikinatumba naman nito.
“Ama! Ano ang iyong ginawa kay Lahid?!” Natataranta kong sabi habang kinakarga niya ako na para ba akong isang mahalagang prinsesa.
Sa halip na sagutin ako ay kinausap niya si Gayang.
“Gayang, dalhin mo siya sa kagubatan kung saan mabilis siyang matatagpuan ng isang nayon. Huwag mong kalimutang burahin ang kanyang ala-ala.”
“Masusunod Apolaki.” At binuhat na rin niya sa kanyang likuran ang walang malay na si Lahid.
Noong araw ding iyon ay ang unang araw na nakita ko ang matinding galit ni ama dahil sa pagsuway ko sa kanilang utos. Labis niya ring pinagalitan si Gayang dahil hindi daw ako nito nagawang bantayan nang mabuti.
Tinakot ako ni ama na kung uulitin ko pa ang tumakas ay paaalisin niya si Gayang at hahayaan akong mabuhay ng mag-isa dito sa Liblib. Kaya’t simula noon ay hindi ko na tinangka pang lumisan o tumapak man lamang sa pinagbabawal na hangganan.
Ngunit ang labis ko lamang na ikinapagtataka, bakit ako naaalala ni Lahid gayong ipinatanggal ni ama kay Gayang ang kanyang ala-ala ng aming pagtatagpo?
Nagulat siya nang sa isang iglap ay nasa kanya na akong harapan. Hindi ko naman natantya ang aking puwesto, kaya nanlalaki ang kanyang mga mata na nakatitig sa akin habang napakalapit ng aming mga mukha.
“Paanong naaalala mo ako?” ang wika ko.
Ito ang Character illustration para kay Lahid.
BINABASA MO ANG
DIWATA: Yugto ng Sumpa
Fiction HistoriqueIsang Datung itinuring na sumpa ng Kalupaan. Isang Diwatang isinumpa na nabibilang sa Kaluwalhatian. At isa pang Diwatang isinusumpa ng kanyang nasasakupang Kasanaan. Pag-ibig, pagpapatawad, at pagtanggap. May puwang pa nga ba ang mga ito sa makapan...