Pabalik Sa Piling Mo

0 0 0
                                    

Umiihip ng marahan ang malamig na hangin, kita mula sa pwesto ko ang asul na kalangitan at nagliliparang mga ibon. Sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ako ng bigat sa dibdib nang matanaw ko ang malawak na kalupaan sa baba. Wala namang espesyal na nangyari dito ngunit iba ang nararamdaman ko.

Naglakad ako papunta sa isang painting sa silid ko. Isa itong larawan ng malawak na lupain na may matayog na puno sa gitna. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nararamdaman ko.

Hinampas ng malakas na hangin ang buong katawan ko kaya nagtaka ako bigla lalo na nang may nahulog na lumang papel galing siguro sa likod ng painting na ito.

'Tila'y iyong nakalimutan na ang binitawang pangako'

Kumunot ang noo ko dahil sa pagtataka. Muli kong sinulyapan ang painting sa aking harapan at muntik nang matumba dahil sa nakita. Nadagdagan ng lalakeng nakatalikod ang larawan at parang may hinihintay. Sumakit ang ulo ko at napapikit nalang.

Sa aking pag-pikit, may mga imahe ang unti-unting aking nasisilayan. Naalala ko na ang lahat.

Umuulan ng malakas noon at umiiyak ako sa puno na nakatayo sa gitna ng malawak na lupain. Gulong-gulo na ang utak ko noon dahil sa napakaraming problema. May maputik na baro't saya at magulong buhok ako noon. Madilim na ang paligid at paminsan minsan ay kumikidlat. Gusto kong makawala sa mga problema ko ngunit hindi ko alam kung paano. Gusto ko nang umalis sa mundong iyon.

Isang lalakeng tumatakbo ang papunta sa gawi ko. Nais nya sigurong pagaanin ang loob ko dahil sya lang ang nakakaalam ng lahat ng problema ko, at sya din ang taong gusto ko. Hindi alintana ang malakas na ulan, agad syang lumapit sa akin at tinignan ako sa mga mata.

"Hindi ko na kaya, ang sakit na" saad ko habang lumuluha. Agad ko syang niyakap at walang pakealam kung iisipin man ng ibang tao na ito'y kapangahasan.

"Rowena, kayanin mo. Nandito lang ako"

"Kailangan ko ng oras upang makapag-isip, lalayo ako ngunit pangakong babalik sa piling mo.. mahal ko"

Ramdan kong natigilan ang basa na nyang katawan ngayon dahil sa sinabi ko. Hindi ko alam kung saan ko hinugot ang mga salitang iyon dahil kusa itong lumalabas sa bibig ko. At iyon ang laman ng puso ko.

'Gusto kong pumunta sa ibang mundo at maging masaya' sambit ko ng pabulong, alam kong hindi nya iyon narinig.

Bigla na lang ay naging malabo ang lahat, unti unti ding nawawala ang tunog ng ulan. Nagising na lang ako at nakatayo na sa harap ng isang painting. Wala ng maalala at laking pagtataka kung bakit nakatayo doon. Ang huli nyang naalala ay umuwi sya galing sa trabaho.

Marahan kong binuksan ang aking mga mata, hindi na mapigilan ang pag-patak ng luha. Nakarating nga ako sa ibang mundo, ang mundo ng hinaharap. Naging masaya din ngunit may kulang, ngayon ay alam ko na kung sino iyon. Tinignan ko ang painting at hinaplos ito.

"Mahal ko..."

Dali dali akong tumakbo palabas habang  pinupunasan ang mga butil ng luha na pumapatak galing sa pisnge ko.

Nakatayo ako sa malawak na lupain at iniihip ng malamig na hangin. Ipinikit ang nga mata at humiling.

"Gusto ko ng bumalik sa totoong mundo ko"

Iminulat ko ang dalawang mata at tumingin sa paligid. Maaliwalas na ang kalangitan at may isang puno na nakatayo sa gitna, lumapit ako doon dahil na din sa sikat ng araw.

Nakatayo at nakalagay ang dalawang kamay sa likod ang ginoong nasa aking harapan. Rinig ko ang pilit na pinipigilang hikbi nya. Umiiyak.

Marahan kong hinawakan ang kanyang balikat kaya napatingin ito sa akin. Napaawang ang labi at nanlaki ang mata.

"Rowena?" Agad nya akong sinunggaban at umiyak sa balikat ko.

"Patawad... patawad kung natagalan ako. Ngunit akin namang tinupad ang pangako. Babalik at babalik pa rin ako sa piling mo" Naging mahirap man ang buhay ko dito, pipiliin ko pa din mamuhay dito kasama ang taong mahal ko.

-End-

OneshotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon