Chapter Eight

110 6 2
                                    

M I X

Naisara ko bigla ang pintuan ng makita kung sino ang kanina pang kumakatok. Bumuntong hininga muna ako bago binuksan ulit.

Bumungad sa akin ang nakapamewang na si Mint at sa tabi naman niya ay si Earth na may dalang paper bag.

Kauuwi ko lang at balak na sana magpahinga pero nabulabog sa sunod sunod na katok.

“Pasaway ka talagang bata ka!” sambit ni Mint at piningot ako sa tenga habang papasok. Narinig ko namang sumarado ang pinto kaya alam kong nakapasok na rin siya.

Binitawan lang ako ni Mint ng makarating sa tapat ng maliit kong kama at dumiretso naman si Earth sa lamesa para ilapag ang paper bag na dala.

Naupo si Mint sa kama habang nakakrus ang mga braso at masama ang tingin sa akin. Alanganin akong ngumiti sa kanya dahil alam ko naman na kung bakit sila nandito.

“Natapos na’t lahat ang foundation week at hindi ka man lang nagpakita!”

Nakagat ko na lang ang labi para mapigilan ang ngiti. Ito ang kauna-unahang may nagalit dahil hindi ako nakapunta sa event ng school. Wala naman akong kaibigan bukod kay Boom na sa ibang eskwelahan nagaaral.

Matapos ang nangyaring kasalan hindi na ako naglakas ng loob pumasok. Alam ko naman ako ang laman ng usapan ng mga estudyante. Ikasal ba naman ako kay Earth?

Marami pa akong nabasa sa facebook at kung ano ano ang sinasabi tungkol sa akin at may death threats pa. Hindi naman ako apektado sa mga sinasabi nila dahil wala namang katotohanan pero yung death threats? Seryoso ba sila?

Sabagay, maraming humahanga kay Earth kaya ang ikasal siya sa isang gaya ko ay napakalaking bagay para sa kanila kahit na hindi naman totoo ang kasalan na yun.

“Mabuti na lang at presidente ako at nagagawan ko ng paraan ang attendance mo!”

“Salamat.” mahinang sambit ko.

Sa apat na araw na hindi ako pumasok, nagreview na lang ako para sa final exam kahit na bibigyan pa kami ng isang linggo para roon bago ang exam.

Nilingon ko si Earth na abala sa pagsasalin ng pagkain sa pinggan. Nakasuot pa siya ng uniporme na bukas naman ang lahat ng butones at kita ang hapit na puting shirt na panloob. Hindi rin nakatakas sa paningin ko ang kwintas na suot niya at ang singsing na nagsisilbing palawit nito.

Nanatili ang tingin ko dun at ng maabutan ang tingin ko ay agad siyang tumalikod para ibutones ang uniporme. Tumayo naman si Mint at naupo na para makakain. Lumapit na rin ako para maipagpatuloy ang pagsasalin at naupo na rin ng matapos.

Pinagsalin pa niya kami ng tubig ni Mint bago naupo.

“Mabuti na lang at alam ni Earth ang bahay mo dahil kating kati na ang dila kong mapagalitan ka!”

“Papasok naman na ako sa lunes.”

“At isa pa bakit hindi ka nagrereply sa chat ko! Inbox zoned ako.” tinuro pa niya ako ng tinidor.

“Hindi ako active.”

“Then give me your number, I’ll text you na lang!” inabot pa niya ang cellphone niya sa akin kaya wala na akong nagawa kundi magtipa.

Naabutan ko ang riin ng titig ni Earth sa cellphone ni Mint at ang bahagyang pag iling niya bago binalik ang tingin sa pinggan niya.

Marami pang sinabi si Mint habang kumakain kaya naman hindi namin namalayan na nakapaghugas na pala ng pinagkainan namin si Earth at pinupunasan na lang ang mga ito. Tatayo sana ako para tumulong pero sumenyas lang siya na wag na.

Tipid akong ngumiti at naupo para makinig sa sinasabi ni Mint. Nag aya pa siyang manood dahil dala niya daw ang laptop niya kaya naman nag aya akong bumili muna ng mangangata namin habang nanonood.

“Ako na ang bibili para makapili na kayo ng panoorin niyo.” presinta ni Earth at diretsong lumabas.

Humagikgik lang si Mint habang hinihintay na magbukas ang laptop niya. Mabilis namang nakabalik si Earth na may dalang chichirya at inumin. Inabot niya lang sa amin at diretso ang lakad sa lamesa at naupo.

“Hindi ka ba manonood?” tanong ko.

“May tatapusin lang ako, manonood ako pagtapos.” sagot niya kaya tumango na lang ako.

Naglabas din siya ng laptop at seryoso ng nagtipa rito. Horror movie naman ang napili ni Mint kaya naman sa tuwing tumitili siya ay napapalingon ako kay Earth na mukhang hindi naman apektado kahit seryoso sa ginagawa.

Nakatapos kami ng isang movie at duon lang din natapos si Earth sa ginagawa niya.

“Alam mo maganda siguro kung magmovie marathon tayo every weekend. Sa tingin mo Earth?” tanong ni Mint habang inaayos ang laptop sa bag niya.

Gusto ko sanang magtanong kung paano nila nakilala ang isa’t isa at bakit mukhang sobrang close nilang dalawa.

“Kung hindi naaabala si Mix.” sagot ni Earth na inaayos din ang gamit niya.

“Okay lang.” sagot ko. Pumalakpak naman si Mint at sinukbit na ang bag sa balikat at nagsuot na rin ng sapatos. Sinamahan ko na rin sila hanggang paglabas kahit na tumutol na si Earth. Hanggang sakayan pa sana pero mariin na ang titig niya sa akin kaya hindi na ako nagpumilit pa.

“Ingat kayo.” paalam ko. Ngumiti at kumaway lang sa akin si Mint habang mariin naman ang tingin sa akin ni Earth.

“Pumasok ka na muna bago kami umalis.” saad ni Earth kaya naman narinig ko na naman ang hagikgik ni Mint.

Umiling at kumaway na rin ako bago sila tinalikuran para makapasok na.

Nakatanggap agad ako ng text mula kay Mint.

Mint: see you on monday ;>

Me: see you, ingat :)

Mint: hindi naman ako pababayaan nitong mister mo :)))))

Me: :<

Mint: choooooos

Umiling na lang ako at hindi na nagreply pa. Mister ha. Tsk.

Let Me Love You [EarthMix Fanfic]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon