SEB'S POVMaingay. Magulo. Patay-sindi at nakakahilong mga ilaw. Mayayaman at pulos sosyal lang ang karamihan na makikita mo sa lugar. Ito ang Jam. Lugar kung saan para sa mga taong nakapaligid sa akin ngayon ay isang lugar-aliwan, pampalipas-oras. Pampawala ng pagod o unwind man.
I do really hope we're all living on the same page.
Sa katulad kong sinisikap maging independent sa buhay, ang Jam para sa akin ay lugar na pwede kong pagkakitaan. Dito ako rumaraket paminsan-minsan kung hindi hectic ang schedule ko lalo na ngayong nagsimula na ako sa med school.
"Baka matunaw na ako niyan." sabi ko matapos itono ang gitara. Napapadalas ata ang pagtitig mo sa akin, Brent? Tsk.
Totoong madalas kong mahuli si Brent, kung hindi nakatingin, nakatitig sa akin. Siguro sa loob ng araw na 'to, hindi bababa ng sampung beses nang mahuli ko siyang tinititigan ako. Hindi ko alam pero pakiramdam ko, may kung ano sa pagtitig niya na kinikilala ang pagkatao ko.
"Ahh.. hindi ah. I was looking at your guitar. Assuming ka lang." depensa niya. Nag-iwas siya ng tingin at napailing na lang ako.
Sige ideny mo pa.
"You want drinks? I'll order." inilibot ko naman ang paningin ko sa kabuuan ng lugar. Hinahanap ko ngayon si Marco na siya namang kilala kong server dito sa Jam.
Nang makita ko si Marco na halos hindi na magkandaugaga sa iniaabot na mga orders sa customers, hindi na ako nag-abala pang tawagin siya. Sa halip, dumiretso na lang ako sa kitchen island at doon na lang oorder ng drinks.
"Hey, where are you going?" pigil ni Brent. Akma na rin sana siyang tatayo para sumunod nang senyasan ko naman siyang umupo na lang at hintayin na lang ako. "Okay, bilisan mo lang."
Dumiretso ako sa kitchen island at doon, nakita ko si TJ na abala sa pag-mimix ng drinks na siya namang bartender din ng Jam.
"What's up, TJ? Long time no see." saglit siyang tumigil sa ginagawa at bumaling sa akin.
"Sir Seb. Kumusta? Ngayon lang ata kayo napadpad ulit dito ah?" masaya niyang bati. Natuwa naman ako.
"Ayos lang naman. Heto at stress sa school, pero buhay pa rin naman. Ngayon lang ulit nagkaroon ng oras lumabas eh kaya nandito ako. Pasensya ka na." sabi ko.
"Ah ganoon po ba? Ayos lang ho 'yon. Sabagay oo nga naman, mahirap nga pala talaga ang schedule mo ngayon dahil nabanggit sa akin ni boss Pao na nag-aaral ka na ulit pala para mag-doktor." aniya. "Dating gawi po ba, Sir Seb?" tanong niya.
"Sige sige, TJ" sagot ko. "Dalawang tequila, dating gawi." natutuwa naman ako dahil kilalang-kilala niya talaga ako.
"Dalawa po?" nagtataka niyang tanong. "Kanino po 'yong isa?"
"Ah sa kasama ko." sagot ko. "Ayun siy—" naputol ang sasabihin ko nang hindi ko makita si Brent doon sa pwestong pinag-iwanan ko sa kanya. Siya ang ituturo ko sana kay TJ.
Nasaan ang tsismosong conyo na 'yon? Sabi ko doon lang eh tsk
"I'm here." aning lalaki sa likuran ko. Pamilyar ang boses niya kaya agad akong napalingon. "What took you so long?" nakasimangot na tanong ni Brent.
"Bakit ka umalis doon? Pabalik na rin ako." sabi ko. Nginisian niya lang ako na para bang hindi naniniwala sa sinabi ko.
"Really? Mukhang napasarap ka na nga atang kausapin 'tong lalaking 'to." turo niya kay TJ na ngayon ay natatawa sa kinikilos niya. "Have you forgotten na may kasama ka?"