CHAPTER 31: Wedding Plan

297 28 1
                                    

CHAPTER 31: WEDDING PLAN

Ligtas kaming nakauwi kagabi ni Ken sa kaniyang bahay kahit na sira-sira na ang aming sinasakyan. Nag-text naman ako kaagad kay Rowena na hindi ako makakauwi sa bahay dahil sa nangyari.

Muntikan pang mahimatay si Constella nang ma-ikuwento ko sa kaniya ang mga nangyari. Doon ko rin nalaman na wala si Theo sa bahay dahil hinayaan na muna ni Ken na mag sariling buhay ang P.A. niya ng ilang mga buwan.

Pagkarating namin sa kuwarto ni Ken ay diretso higa kami kaagad sa kama. Parehong pagod na pagod ngunit hindi dinadalaw ng antok kaya't sa huli ay nag-inuman pa muna kami sa kuwarto hanggang sa dalawin kami ng antok, kaso sa pinaka huli ay ako lang ang dinalaw ng kaantukan at si Ken naman ay dinalaw ng kaniyang kalibugan, kaya imbes na makatulog na ako ay mas lalo niya pa akong pinagod.

Kinaumagahan ay himalang maaga akong nagising, inaasahan ko kasi kagabi na tatanghaliin ako ng paggising. Pero ito ako ngayon, hubo't hubad sa ilalaim ng comforter, hindi makagalaw dahil sa malaking braso ni Ken na nakapulupot sa beywang ko at sa kaniyang mga binti na nakadantay pa sa akin.

Maingat kong hinugot ang mga binti ko mula sa kay Ken saka binaklas ang kaniyang mga braso sa'kin. Bumaba ako sa kama ng hubo't hubad at pumasok sa kaniyang banyo para maligo. Pagkalabas ay mahimbing pa rin ang tulog ni Ken, walang ingay kong tinungo ang kaniyang walk-in closet para suotin ang kaniyang loose turtleneck sweater at boxer shorts.

Iniligpit ko pa muna ang mga nagkakalat na damit namin ni Ken sa sahig bago bumaba, walang masyadong tao sa baba kaya nakampante ako, nakita ko si Constella sa kusina na nagluluto ng sandamakmak na mga pagkain kasama ang ibang mga kasambahay, pero umiwas nalang muna ako dahil wala pa ako sa mood kumain at kabusugan kagabi.

Pupunta sana ako sa backyard nang may babaeng bigla nalang bumangga sa akin mula sa kung sayang pasilyo, takot na takot siya at tila may tinatakbuhang kung ano.

Mukhang mas bata pa siya kaysa sa'kin at hindi rin maganda ang kaniyang lagay, ang dami niyang mga pasa at galos mula sa kaniyang ulo hanggang baba, malinaw ko ring nakikita ang mga pasa sa kaniyang hita pababa dahil ang kaniyang suot-suot lamang ay isang malaking t-shirt na tadtad ng dumi at tuyong dugo.

Ang kaniyang hanggang balikat na buhok ay gulo-gulo. Mukha siyang binugbog at ikinulong ng matagal, nanginginig siya at mukhang nagugutom.

"Sino ka?" Nakakunot-noo kong tanong kaso bago pa siya sumagot ay isang malakas at malalim na boses ang umagaw sa'ming atensyon.

"RJ!"

Tumililis ng takbo ang babae papunta sa likuran ko. "Wahhh! Ate, tulungan mo po ako!"

Tinalon pa niya ang likuran ko at niyakap ako batok. Kamuntikan pa akong mawalan ng balanse dahil sa kalikutan niya, pero imbes na pagtuonan ko ng pansin ang babaeng nagngangalang 'RJ' kuno ay napako ang atensyon ko sa lalaking nagmamartsa papunta sa gawi namin na nanggaling sa pinanggalingan ni RJ.

Naka-tuxedo siya na kulay dark blue green at ang kaniyang bibig ay may takip-takip kaya't naman hindi ko siya makilala, ang kaniyang buhok ay mahaba at kulot-kulot, halos hindi ko na masilayan ang kaniyang mga mata na may pambihirang kulay.

"T– Teka!" Pigil ko nang akmang lalapitan kami nito. "Sino ka?"

Napamulsa siya't tinabingi ang kaniyang ulo, mukhang sinisipat niya ang babae sa likuran ko na hindi mapakali at mahinang humahalinghing.

Kiss of Death 2: LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon